Book of Common Prayer
33 Kanyang ginawang ilang ang mga ilog,
at tigang na lupa ang mga bukal ng tubig,
34 maalat na ilang ang mabungang lupain,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Kanyang ginawang mga lawa ng tubig ang ilang,
at mga bukal ang tuyong lupain.
36 At kanyang pinatitira roon ang gutom,
upang sila'y makapagtatag ng bayang matatahanan;
37 at sila'y maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan,
at magtamo ng mga saganang ani.
38 Sila din ay pinagpapala niya at sila'y mas dumarami;
at hindi niya hinayaang ang kanilang kawan ay mabawasan.
39 Nang sila'y nawalan at napahiya
sa pamamagitan ng pagmamalupit, kaguluhan, at kapighatian,
40 kanyang binuhusan ng paghamak ang mga pinuno,
at pinagala sila sa ilang na walang lansangan.
41 Gayunma'y iniupo niya sa mataas ang nangangailangan mula sa kahirapan,
at ang kanilang mga angkan ay ginawang parang kawan.
42 Nakikita ito ng matuwid at natutuwa;
at tumikom ang bibig ng lahat ng masama.
43 Kung sinuman ang pantas ay unawain niya ang mga bagay na ito,
at isaalang-alang niya ang tapat na pag-ibig ng Panginoon.
Awit ni David.
108 Ang aking puso ay tapat, O Diyos;
ako'y aawit, oo, ako'y aawit
ng mga pagpuri ng aking kaluwalhatian!
2 Kayo'y gumising, alpa at lira!
Aking gigisingin ang madaling-araw!
3 Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan;
ako'y aawit ng mga papuri sa iyo sa gitna ng mga bansa.
4 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila sa itaas ng mga langit,
ang iyong katotohanan ay umaabot sa mga ulap.
5 Dakilain ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit!
Ang iyo nawang kaluwalhatian ay maging sa ibabaw ng buong lupa!
6 Upang mailigtas ang minamahal mo,
tulungan mo ng iyong kanang kamay, at sagutin mo ako!
7 Ang Diyos ay nagsalita sa kanyang santuwaryo:
“Ang Shekem ay hahatiin ko,
at ang Libis ng Sucot ay susukatin ko.
8 Ang Gilead ay akin; ang Manases ay akin;
ang Efraim ay helmet ng ulo ko;
ang Juda'y aking setro.
9 Ang Moab ay aking hugasan;
sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
sa ibabaw ng Filistia ay sisigaw ako ng malakas.”
10 Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
Sinong maghahatid sa akin sa Edom?
11 Hindi ba't itinakuwil mo na kami, O Diyos?
At hindi ka ba hahayong kasama ng aming mga hukbo, O Diyos?
12 Ng tulong laban sa kaaway kami ay pagkalooban mo,
sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao.
13 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
siya ang yayapak sa aming mga kalaban.
Awit ng Papuri.
33 Magalak kayo sa Panginoon, O kayong matutuwid.
Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid.
2 Purihin ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng lira,
gumawa kayo ng himig sa kanya sa may sampung kuwerdas na alpa!
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit;
tumugtog na may kahusayan sa mga kuwerdas, na may sigaw na malalakas.
4 Sapagkat ang salita ng Panginoon ay makatuwiran,
at lahat niyang mga gawa ay ginawa sa katapatan.
5 Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig,
punô ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit;
at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig.
7 Kanyang tinipon ang mga tubig ng dagat na gaya sa isang bunton;
inilagay niya ang mga kalaliman sa mga imbakan.
8 Matakot nawa sa Panginoon ang sandaigdigan,
magsitayo nawang may paggalang sa kanya ang lahat ng naninirahan sa sanlibutan!
9 Sapagkat siya'y nagsalita at iyon ay naganap,
siya'y nag-utos, at iyon ay tumayong matatag.
10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa;
kanyang binibigo ang mga panukala ng mga bayan.
11 Ang payo ng Panginoon kailanman ay nananatili,
ang mga iniisip ng kanyang puso sa lahat ng salinlahi.
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!
13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.
18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.
20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
kung paanong kami ay umaasa sa iyo.
Sina David at Ziba
16 Nang(A) si David ay makalampas ng kaunti sa tuktok, sinalubong siya ni Ziba na lingkod ni Mefiboset na may isang pares na magkatuwang na asno na may pasang dalawandaang tinapay, isandaang kumpol na pasas, isandaang prutas sa tag-araw, at alak sa isang sisidlang balat.
2 Sinabi ng hari kay Ziba, “Bakit ka nagdala ng mga ito?” Sumagot si Ziba, “Ang mga asno ay upang sakyan ng sambahayan ng hari; ang tinapay at ang prutas sa tag-araw ay upang makain ng mga kabataan, at ang alak ay upang mainom ng napapagod sa ilang.”
3 Sinabi(B) ng hari, “Nasaan ang anak ng iyong panginoon?” At sinabi ni Ziba sa hari, “Siya'y nakatira sa Jerusalem; sapagkat kanyang sinabi, ‘Ngayo'y ibabalik sa akin ng sambahayan ng Israel ang kaharian ng aking ama.’”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Ziba, “Narito, ang lahat ng pag-aari ni Mefiboset ay sa iyo na ngayon.” At sinabi ni Ziba, “Ako'y yumuyukod; makatagpo nawa ako ng biyaya sa paningin mo, panginoon kong hari.”
Sina David at Shimei
5 Nang dumating si Haring David sa Bahurim, may lumabas na isang lalaki mula sa angkan ng sambahayan ni Saul, na ang pangala'y Shimei, na anak ni Gera. Habang siya'y lumalabas, siya'y patuloy na nagmumura.
6 Kanyang pinagbabato si Haring David at ang lahat ng kanyang mga lingkod. Ang buong bayan, at ang lahat ng mga mandirigma ay nasa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.
7 Ganito ang sinasabi ni Shimei habang siya'y nagmumura, “Lumayas ka, lumayas ka, ikaw na mamamatay-tao, ikaw na taong walang kabuluhan!
8 Ipinaghiganti sa iyo ng Panginoon ang lahat ng dugo ng sambahayan ni Saul na siya mong pinalitan sa pagiging hari. At ibinigay ng Panginoon ang kaharian sa kamay ni Absalom na iyong anak. Tingnan mo, dinatnan ka ng pagkawasak sapagkat ikaw ay mamamatay-tao.”
9 Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai na anak ni Zeruia sa hari, “Bakit lalaitin nitong asong patay ang aking panginoong hari? Patawirin mo ako, at pupugutin ko ang kanyang ulo.”
10 Subalit sinabi ng hari, “Anong pakialam ko sa inyo, kayong mga anak ni Zeruia? Kung siya'y nanlalait sapagkat sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Laitin mo si David,’ sino nga ang magsasabi, ‘Bakit ka gumawa ng ganyan?’”
11 At sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang mga lingkod, “Ang aking buhay ay tinutugis ng sarili kong anak; gaano pa nga kaya ang Benjaminitang ito? Bayaan ninyo siya, hayaan ninyo siyang manlait sapagkat inutusan siya ng Panginoon.
12 Marahil ay titingnan ng Panginoon ang aking paghihirap, at gagantihan ako ng mabuti ng Panginoon sa panlalait sa akin sa araw na ito.”
13 Kaya't nagpatuloy ng paglakad si David at ang kanyang mga tauhan, samantalang si Shimei ay humayo sa tagiliran ng bundok sa tapat niya. Habang humahayo, kanyang nilalait, binabato at sinasabuyan ng alabok si David.
14 At ang hari at ang mga taong kasama niya ay pagod na dumating at nagpahinga siya roon.
Si Absalom sa Jerusalem
15 Samantala, si Absalom at ang buong bayan ng Israel ay dumating sa Jerusalem, at si Ahitofel ay kasama niya.
16 Nang si Husai na Arkita, na kaibigan ni David, ay dumating kay Absalom, sinabi ni Husai kay Absalom, “Mabuhay ang hari, mabuhay ang hari.”
17 Sinabi ni Absalom kay Husai, “Ito ba ang katapatan mo sa iyong kaibigan? Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?”
18 Sinabi ni Husai kay Absalom, “Hindi, kundi kung sinong piliin ng Panginoon, ng bayang ito, at ng lahat ng lalaki sa Israel, sa kanya ako sasama, at sa kanya ako mananatili.
19 At saka, kanino ako maglilingkod? Hindi ba sa kanyang anak? Kung paanong ako'y naglingkod sa iyong ama, ay maglilingkod ako sa iyo.”
20 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ibigay ninyo ang inyong payo, ano ang ating gagawin?”
21 At sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na kanyang iniwan upang pangalagaan ang bahay. Mababalitaan ng buong Israel na pinasama mo ang iyong sarili sa iyong ama. Kung magkagayo'y lalakas ang mga kamay ng lahat ng kasama mo.”
22 Kaya't(C) ipinagtayo nila si Absalom ng isang tolda sa bubungan ng bahay; at sinipingan ni Absalom ang mga asawang-lingkod ng kanyang ama sa paningin ng buong Israel.
23 Nang mga araw na iyon, ang payong ibinibigay ni Ahitofel ay para na ring ang isang tao ay sumangguni sa salita ng Diyos. Kaya't lahat ng payo ni Ahitofel ay pinapahalagahan, maging ni David o ni Absalom.
Isinugo si Pablo sa mga Hentil
17 “Pagbalik ko sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng malay,
18 at ang Panginoon[a] ay nakita ko na nagsasabi sa akin, ‘Magmadali ka at umalis agad sa Jerusalem, sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo tungkol sa akin.’
19 At aking sinabi, ‘Panginoon, sila mismo ay nakaalam na sa bawat sinagoga ay ibinilanggo ko at hinampas ang mga nanampalataya sa iyo.
20 Nang(A) idanak ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo sa malapit, na sumasang-ayon at nag-iingat sa mga damit ng mga pumatay sa kanya.’
21 At sinabi niya sa akin, ‘Humayo ka, sapagkat susuguin kita sa malayo sa mga Hentil.’”
22 Kanilang pinakinggan siya hanggang sa pagkakataong ito ngunit pagkatapos ay sumigaw sila, “Alisin sa lupa ang ganyang tao! Sapagkat hindi siya karapat-dapat mabuhay.”
23 At samantalang sila'y nagsisigawan, na inihahagis ang kanilang mga damit, at nagsasabog ng alikabok sa hangin,
24 ay ipinag-utos ng pinunong kapitan na siya'y ipasok sa himpilan at sinabing siya'y siyasatin na may paghagupit upang malaman niya kung anong dahilan at sila'y nagsigawan nang gayon laban sa kanya.
25 Ngunit nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling balat, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, “Matuwid ba sa inyo na hagupitin ang isang taong mamamayan ng Roma, na hindi pa nahahatulan?”
26 Nang iyon ay marinig ng senturion, pumunta siya sa pinunong kapitan at sa kanya'y sinabi, “Anong gagawin mo? Ang taong ito ay mamamayang Romano.”
27 Lumapit ang pinunong kapitan at tinanong si Pablo, “Sabihin mo sa akin, ikaw ba'y mamamayang Romano?” At sinabi niya, “Oo.”
28 Sumagot ang pinunong kapitan, “Sa malaking halaga ng salapi ay nakuha ko ang pagkamamamayan kong ito.” At sinabi ni Pablo, “Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano.”
29 Kaya't agad na lumayo sa kanya ang mga magsisiyasat sa kanya; at ang pinunong kapitan ay natakot din sapagkat nalaman niyang si Pablo ay isang Romano, at siya'y ginapos niya.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
11 Nang malapit na sila sa Jerusalem, sa may Betfage at Betania, malapit sa bundok ng mga Olibo, sinugo ni Jesus[a] ang dalawa sa kanyang mga alagad,
2 at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa nayong nasa tapat ninyo at kaagad sa inyong pagpasok doon ay matatagpuan ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan at kunin ninyo iyon.
3 At kung may magsabi sa inyo, ‘Bakit ninyo ginagawa ito?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon’ at ipadadala niya agad rito.”
4 Umalis sila at kanilang natagpuan ang batang asno na nakatali sa pintuan sa labas ng lansangan. At kinalagan nila ito.
5 Ang ilan sa nakatayo roon ay nagsabi sa kanila, “Anong ginagawa ninyo na inyong kinakalagan ang batang asno?”
6 At sinabi nila sa kanila ang sinabi ni Jesus at kanilang pinayagan sila.
7 Pagkatapos, dinala nila ang batang asno kay Jesus at inilagay nila sa ibabaw ng batang asno ang kanilang mga balabal at siya'y sumakay rito.
8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan at ang iba'y naglatag ng mga sanga na kanilang pinutol mula sa mga bukid.
9 Ang(B) mga nauuna at ang mga sumusunod ay nagsisigawan, “Hosana! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!
10 Mapalad ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosana sa kataas-taasan!”
11 Pumasok siya sa Jerusalem at pumunta sa templo. Nang matingnan niya sa palibot ang lahat ng bagay, palibhasa'y hapon na, pumunta siya sa Betania na kasama ang labindalawa.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001