Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 140

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
    mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
    na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
    at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
    at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
    ingatan mo ako sa mararahas na tao,
    na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
    at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
    naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)

Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
    pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
    tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
    huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)

Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
    takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
    Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
    kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
    at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
    ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.

Mga Awit 142

Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.

142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
    sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
    sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
    ang aking landas ay iyong nalalaman!

Sa daan na aking tinatahak
    sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
    walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
    walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
    ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
Pakinggan mo ang aking pagsamo,
    sapagkat ako'y dinalang napakababa.

Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
Ilabas mo ako sa bilangguan,
    upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
    sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.

Mga Awit 141

Awit ni David.

141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
    Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
Ibilang(A) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
    at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.

Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
    Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
    na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
    at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.

Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
    huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
    sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
    at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
    gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.

Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
    sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
    at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
    habang ako naman ay tumatakas.

Mga Awit 143

Awit ni David.

143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
    iyong dinggin ang aking mga daing!
    Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
At(A) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
    sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
    kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
    pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
    ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.

Aking naaalala ang mga araw nang una,
    aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
    aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
    ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)

Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
    Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
    baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
    sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
    sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
    tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
    sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
    sa landas na pantay!

11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
    Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
    at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
    sapagkat ako'y iyong lingkod.

2 Samuel 19:24-43

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Mefiboset

24 Si(A) Mefiboset na anak ni Saul ay lumusong upang salubungin ang hari. Hindi siya naghugas ng kanyang mga paa, o inahitan man ang kanyang balbas, o nilabhan man ang kanyang mga damit, mula nang araw na ang hari ay umalis hanggang sa araw na siya'y umuwing ligtas sa bahay.

25 Nang siya'y dumating mula sa Jerusalem upang salubungin ang hari, sinabi ng hari sa kanya, “Bakit hindi ka humayong kasama ko, Mefiboset?”

26 At siya'y sumagot, “Panginoon ko, O hari, dinaya ako ng aking lingkod; sapagkat sinabi ng iyong lingkod, ‘Ako'y ipaghanda ng isang asno, upang aking masakyan at humayong kasama ng hari;’ sapagkat ang iyong lingkod ay pilay.

27 Kanyang siniraang-puri ang iyong lingkod sa aking panginoong hari. Ngunit ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng Diyos; kaya't gawin mo kung ano ang minamabuti mo.

28 Sapagkat lahat ng sambahayan ng aking ama ay mga taong patungo sa kamatayan sa harapan ng panginoon kong hari: gayunma'y inilagay mo ang iyong lingkod na kasama ng mga kumakain sa iyong hapag. Kung gayon, ano pang karapatan mayroon ako upang makiusap sa hari?”

29 At sinabi ng hari sa kanya, “Huwag ka nang magsalita pa. Aking naipasiya na. Ikaw at si Ziba ay maghahati sa lupa.”

30 Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Hayaan mo nang kunin niyang lahat, yamang ang aking panginoong hari ay nakauwing ligtas sa kanyang sariling bahay.”

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Barzilai

31 At(B) si Barzilai na Gileadita ay lumusong mula sa Rogelim. Siya'y tumawid sa Jordan na kasama ng hari, upang ihatid siya sa kabila ng Jordan.

32 Si Barzilai ay lalaking napakatanda na, walumpung taong gulang. Binigyan niya ng pagkain ang hari samantalang siya'y nasa Mahanaim; sapagkat siya'y isang napakayamang tao.

33 At sinabi ng hari kay Barzilai, “Tumawid kang kasama ko, at aking pakakainin kang kasama ko sa Jerusalem.”

34 Ngunit sinabi ni Barzilai sa hari, “Gaano na lamang ang mga taon na aking ikabubuhay, na ako'y aahon pa sa Jerusalem na kasama ng hari?

35 Ako'y walumpung taon na sa araw na ito, malalaman ko pa ba kung ano ang mabuti? Malalasahan pa ba ng iyong lingkod ang kanyang kinakain at iniinom? Maririnig ko pa ba ang tinig ng mang-aawit na lalaki at babae? Bakit pa magiging dagdag na pasan ang iyong lingkod sa aking panginoong hari?

36 Ang iyong lingkod ay hahayo lamang ng kaunti sa kabila ng Jordan na kasama ng hari. Bakit gagantihan ako ng hari ng ganyang gantimpala?

37 Hinihiling ko sa iyo na pabalikin mo ang iyong lingkod, upang ako'y mamatay sa aking sariling bayan, malapit sa libingan ng aking ama at ng aking ina. Ngunit narito ang iyong lingkod na Chimham; hayaan siyang tumawid na kasama ng aking panginoong hari; at gawin mo sa kanya kung ano ang inaakala mong mabuti.”

38 Sumagot ang hari, “Si Chimham ay tatawid na kasama ko, at gagawin ko sa kanya ang inaakala mong mabuti; at lahat ng iyong nais sa akin ay aking gagawin alang-alang sa iyo.”

39 At ang buong bayan ay tumawid sa Jordan, at ang hari ay tumawid. At hinagkan ng hari si Barzilai, at binasbasan siya; at siya'y umuwi sa kanyang sariling tahanan.

40 Ang hari ay nagtungo sa Gilgal at si Chimham ay nagtungong kasama niya. Inihatid ang hari ng buong bayan ng Juda at ng kalahati ng bayan ng Israel.

41 Lahat ng kalalakihan ng Israel ay pumunta sa hari, at sinabi sa hari, “Bakit ka ninakaw ng aming mga kapatid na mga lalaki ng Juda, at itinawid ang hari at ang kanyang sambahayan sa Jordan, at ang lahat ng tauhan ni David na kasama niya?”

42 Lahat ng mamamayan ng Juda ay sumagot sa mga mamamayan ng Israel, “Sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit dahil sa bagay na ito? Mayroon ba kaming kinain na ginastusan ng hari? O binigyan ba niya kami ng anumang kaloob?”

43 Ngunit sinagot ng mga mamamayan ng Israel ang mga mamamayan ng Juda, “Kami ay may sampung bahagi sa hari, at kay David ay mayroon kaming higit kaysa inyo. Bakit ninyo kami hinahamak? Hindi ba kami ang unang nagsalita tungkol sa pagpapabalik sa aming hari?” Ngunit ang mga salita ng mga mamamayan ng Juda ay higit na mababagsik kaysa mga salita ng mga mamamayan ng Israel.

Mga Gawa 24:24-25:12

Iniharap si Pablo kina Felix at Drusila

24 Pagkaraan ng ilang mga araw, si Felix ay dumating na kasama si Drusila na kanyang asawa, na isang Judio, at ipinatawag si Pablo, at siya'y pinakinggang magsalita tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

25 Samantalang tinatalakay niya ang tungkol sa katuwiran, pagpipigil sa sarili, at sa paghuhukom na darating, nangilabot si Felix at sumagot, “Umalis ka muna ngayon at kapag nagkaroon ako ng pagkakataon ay ipatatawag kita.”

26 Kanyang inaasahan din na siya'y bibigyan ni Pablo ng salapi. Kaya't madalas niyang ipinapatawag si Pablo,[a] at sa kanya'y nakikipag-usap.

27 Ngunit nang matapos na ang dalawang taon, si Felix ay pinalitan ni Porcio Festo; at sa pagnanais na gumawa ng ikasisiya ng mga Judio, ay pinabayaan ni Felix si Pablo sa bilangguan.

Dumulog si Pablo sa Emperador

25 Pagkaraan ng tatlong araw, pagkarating ni Festo sa lalawigan, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea,

at doon ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nag-ulat sa kanya laban kay Pablo. Sila'y nanawagan sa kanya,

at nakiusap bilang tulong sa kanila laban kay Pablo, na siya ay ilipat sa Jerusalem. Sila'y nagbabalak ng pananambang upang siya'y patayin sa daan.

Sumagot si Festo na si Pablo ay binabantayan sa Cesarea, at siya mismo ay pupunta roon sa lalong madaling panahon.

“Kaya nga,” sinabi niya, “ang mga lalaking may awtoridad sa inyo ay sumama sa akin, at kung may anumang pagkakasala ang taong ito, magharap sila ng sakdal laban sa kanya.”

Pagkatapos na siya'y makatigil sa kanila nang hindi hihigit sa walo o sampung araw, ay pumunta siya sa Cesarea, at nang sumunod na araw ay umupo siya sa hukuman, at iniutos na dalhin si Pablo.

Nang siya'y dumating, ang mga Judio na dumating mula sa Jerusalem ay tumayo sa paligid niya na may dalang marami at mabibigat na mga paratang laban sa kanya na hindi nila mapatunayan.

Sinasabi ni Pablo sa kanyang pagtatanggol, “Hindi ako nagkasala ng anuman laban sa kautusan ng mga Judio, ni laban sa templo, ni laban kay Cesar.”

Ngunit si Festo, sa pagnanais na gawan ng ikalulugod ang mga Judio, ay nagsabi kay Pablo, “Ibig mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ka litisin sa mga bagay na ito sa harapan ko?”

10 Ngunit sinabi ni Pablo, “Dudulog ako sa hukuman ni Cesar; doon ako dapat litisin. Wala akong ginawang masama sa mga Judio, tulad ng alam na alam mo.

11 Kung ako ay isang salarin, at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ako tatakas sa kamatayan. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinagsasakdal nila laban sa akin, walang sinumang makapagbibigay sa akin sa kanila. Dudulog ako kay Cesar.”

12 At si Festo, pagkatapos sumangguni sa Sanhedrin, ay sumagot, “Nais mong dumulog kay Cesar; kay Cesar ka pupunta.”

Marcos 12:35-44

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(A)

35 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, ay sinabi niya, “Paanong nasasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David?

36 Si(B) David mismo ang nagpahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway
sa ilalim ng iyong mga paa.”’

37 Tinawag din siya ni David na Panginoon; kaya't paano siyang magiging anak ni David?” At ang napakaraming tao ay tuwang-tuwa na nakikinig sa kanya.

Babala Laban sa mga Eskriba(C)

38 Sinabi niya sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba, na ibig magpalakad-lakad na may mahahabang damit, at batiin na may paggalang sa mga pamilihan.

39 At ibig nila ang pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan.

40 Sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing balo at bilang pakitang-tao, nananalangin sila ng mahahaba. Ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.”

Ang Pagbibigay ng Babaing Balo(D)

41 Umupo siya sa tapat ng kabang-yaman at minasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi sa kabang-yaman. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga.

42 Dumating ang isang babaing balo at siya'y naghulog ng dalawang kusing na ang halaga'y halos isang pera.

43 Pinalapit niya sa kanya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat nang naghuhulog sa kabang-yaman.

44 Sapagkat silang lahat ay naghulog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit siya sa kanyang kasalatan ay inihulog ang lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001