Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 87

Awit ng mga Anak ni Kora. Isang Awit.

87 Ang kanyang saligan ay nasa mga banal na bundok,
    minamahal ng Panginoon ang sa Zion na mga pintuan,
    higit kaysa lahat ng kay Jacob na tahanan.
Maluluwalhating bagay ang ibinabalita tungkol sa iyo,
    O lunsod ng Diyos. (Selah)

Kabilang sa mga nakakakilala sa akin ay binabanggit ko si Rahab at ang Babilonia,
    narito, ang Filistia at Tiro, kasama ng Etiopia—
    “Ang isang ito ay ipinanganak doon.”
At tungkol sa Zion ay sasabihin,
    “Ang isang ito at ang isang iyon ay ipinanganak sa kanya;”
    sapagkat mismong ang Kataas-taasan ang magtatatag sa kanya.
Ang Panginoon ay magbibilang habang kanyang itinatala ang mga bayan,
    “Ang isang ito ay ipinanganak doon.” (Selah)

Ang mga mang-aawit at mananayaw ay kapwa nagsasabi,
    “Lahat ng aking mga bukal ay nasa iyo.”

Mga Awit 90

IKAAPAT NA AKLAT

Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.

90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
    sa lahat ng salinlahi.
Bago nilikha ang mga bundok,
    o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
    ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.

Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
    at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
    ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
    o gaya ng isang gabing pagbabantay.

Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
    kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
    sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.

Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok,
    at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag.
Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan,
    sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan.

Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas,
    na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas.
10 Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon,
    o kung malakas kami ay walumpung taon,
ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang,
    ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala.

11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo,
    at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo?
12 Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw,
    upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan.

13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
    Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
    upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
    at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
    at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
    at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
    oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.

Mga Awit 136

136 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
O magpasalamat kayo sa Diyos ng mga diyos,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
Ang Panginoon ng mga panginoon ay inyong pasalamatan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;

siya na tanging gumagawa ng mga dakilang kababalaghan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
siya(B) na sa pamamagitan ng unawa ay ginawa ang kalangitan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
siya(C) na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
siya(D) na gumawa ng mga dakilang tanglaw,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
ng araw upang ang araw ay pagharian,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
ng buwan at mga bituin upang ang gabi'y pamunuan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;

10 siya(E) na sa mga panganay sa Ehipto ay pumaslang,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
11 at(F) mula sa kanila, ang Israel ay inilabas,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
12 sa pamamagitan ng malakas na kamay at ng unat na bisig,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
13 siya(G) na sa Dagat na Pula ay humawi,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
14 at sa gitna nito ang Israel ay pinaraan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
15 ngunit nilunod si Faraon at ang kanyang hukbo sa Pulang Dagat,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
16 siya na pumatnubay sa kanyang bayan sa ilang,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
17 siya na sa mga dakilang hari ay pumatay,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,
18 at sa mga bantog na hari ay pumaslang,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
19 kay(H) Sihon na hari ng mga Amorita,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
20 at(I) kay Og na hari ng Basan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
21 at ang kanilang lupain bilang pamana'y ibinigay,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
22 isang pamana sa Israel na kanyang tauhan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

23 Siya ang nakaalala sa atin sa ating mababang kalagayan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
24 at iniligtas tayo sa ating mga kaaway,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
25 siya na nagbibigay ng pagkain sa lahat ng laman,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

26 O magpasalamat kayo sa Diyos ng kalangitan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

2 Samuel 12:15-31

Namatay ang Anak ni David

15 Pagkatapos, si Natan ay umuwi sa kanyang bahay. Sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Urias kay David, at ito ay nagkasakit.

16 Kaya't nagmakaawa si David sa Diyos para sa bata; at si David ay nag-ayuno at pumasok at humiga sa lupa buong magdamag.

17 Ang matatanda sa kanyang bahay ay tumatayo sa tabi niya upang itindig siya sa lupa; ngunit ayaw niya, ni hindi siya kumain ng tinapay na kasalo nila.

18 Nang ikapitong araw, ang bata ay namatay. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na ang bata ay patay na; sapagkat kanilang sinabi, “Samantalang ang bata ay buháy pa, tayo ay nakipag-usap sa kanya, at hindi siya nakinig sa atin; kaya't paano natin sasabihin sa kanya na ang bata ay patay na? Baka saktan niya ang kanyang sarili.”

19 Ngunit nang makita ni David na ang kanyang mga lingkod ay nagbubulung-bulungan, nahiwatigan ni David na ang bata ay patay na. Kaya't itinanong ni David sa kanyang mga lingkod, “Patay na ba ang bata?” At kanilang sinabi, “Siya'y patay na.”

20 Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, nagbuhos at nagbihis ng kanyang damit; at siya'y pumunta sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos ay pumunta siya sa kanyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, kanilang hinainan siya ng pagkain at siya'y kumain.

21 Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Anong bagay ito na iyong ginawa? Ikaw ay nag-ayuno at umiyak dahil sa bata nang siya'y buháy pa; ngunit nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.”

22 At kanyang sinabi, “Nang ang bata'y buháy pa, ako'y nag-ayuno at umiyak, sapagkat aking sinabi, ‘Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang Panginoon, upang ang bata'y mabuhay?’

23 Ngunit ngayo'y patay na siya; bakit pa ako mag-aayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y pupunta sa kanya, ngunit siya'y hindi babalik sa akin.”

Ipinanganak si Solomon

24 At inaliw ni David si Batseba na kanyang asawa, lumapit siya sa kanya, at sumiping sa kanya. Siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Solomon. Minahal siya ng Panginoon;

25 at nagpadala ng mensahe sa pamamagitan ni Natan na propeta; kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Jedidiah,[a] dahil sa Panginoon.

Nasakop ni David ang Rabba(A)

26 Noon ay nakipaglaban si Joab sa Rabba ng mga Ammonita at sinakop ang pangunahing lunsod.

27 Nagpadala si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, “Ako'y nakipaglaban sa Rabba, bukod dito, aking sinakop ang lunsod ng tubig.

28 Ngayo'y tipunin mo ang nalabi sa bayan, at humimpil ka laban sa lunsod, at sakupin mo; baka sakupin ko ang lunsod at tawagin ito ayon sa aking pangalan.”

29 Tinipon ni David ang buong bayan at pumunta sa Rabba, at lumaban doon at sinakop ito.

30 Kinuha niya ang korona ng kanilang hari sa kanyang ulo; ang bigat niyon ay isang talentong ginto, at sa mga iyon ay may mahahalagang bato; at ipinutong iyon sa ulo ni David. Siya'y naglabas ng napakaraming samsam sa lunsod.

31 At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagawa sa pamamagitan ng mga lagari, mga suyod na bakal, mga palakol na bakal, at sa mga lutuan ng laryo. Gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

Mga Gawa 20:1-16

Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos na tumigil ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pagkatapos na mapangaralan sila ay nagpaalam sa kanila, at umalis patungo sa Macedonia.

Nang malakbay na niya ang mga lupaing ito, at mapalakas ang loob nila sa pamamagitan ng maraming salita ay nagtungo siya sa Grecia.

Doon ay nanatili siya ng tatlong buwan. Nang siya'y maglalakbay na patungong Siria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasiya niyang bumalik na dumaan sa Macedonia.

Siya'y sinamahan ni Sopatro na taga-Berea, na anak ni Pirro; ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gayo na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo.

Nauna ang mga ito at hinintay kami sa Troas,

ngunit naglakbay kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa kanila sa Troas, kung saan kami tumigil ng pitong araw.

Ang Huling Dalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, nang kami ay nagtitipon upang magputul-putol ng tinapay, si Pablo ay nagsalita sa kanila; yamang nagbabalak siya na umalis kinabukasan, nagpatuloy siya sa pagsasalita hanggang hatinggabi.

Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin.

At may isang binata na ang pangalan ay Eutico na nakaupo sa bintana. Nakatulog siya nang mahimbing samantalang si Pablo ay nagsasalita nang mahaba; at dahil natalo ng antok ay nahulog siya mula sa ikatlong palapag, at siya'y patay na binuhat.

10 Ngunit nanaog si Pablo, dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, “Huwag kayong mabahala sapagkat nasa kanya ang kanyang buhay.”

11 Nang si Pablo ay makapanhik na at makapagputul-putol na ng tinapay at makakain na, nakipag-usap siya sa kanila nang matagal hanggang sa sumikat ang araw, pagkatapos siya'y umalis na.

12 Kanilang dinalang buháy ang binata, at lubusan silang naaliw.

Mula sa Troas Patungo sa Mileto

13 Ngunit nang nauna kami sa barko, naglakbay kami patungo sa Asos, na mula roon ay binabalak naming isama si Pablo, sapagkat gayon ang kanyang ipinasiya, na binalak niyang sa lupa maglakbay.

14 Nang salubungin niya kami sa Asos, siya'y isinama namin, at nakarating kami sa Mitilene.

15 Sa paglalakbay namin mula roon, dumating kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chios. Nang sumunod na araw ay tumawid kami patungong Samos, at nakarating kami sa Mileto nang sumunod na araw.

16 Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang gumugol ng panahon sa Asia; sapagkat siya'y nagmamadali na makarating sa Jerusalem, kung maaari ay sa araw ng Pentecostes.

Marcos 9:30-41

Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

30 Umalis sila roon at nagdaan sa Galilea at ayaw niyang malaman ito ng sinuman.

31 Sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad na sa kanila'y sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng tao at siya'y papatayin nila. Tatlong araw matapos siyang patayin, siya'y muling mabubuhay.”

32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi at natakot silang magtanong sa kanya.

Sino ang Pinakadakila?(B)

33 Nakarating sila sa Capernaum at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?”

34 Ngunit(C) sila'y tumahimik, sapagkat sa daan ay pinagtatalunan nila kung sino ang pinakadakila.

35 Siya'y(D) umupo, tinawag ang labindalawa at sa kanila'y sinabi, “Kung sinuman ang nagnanais na maging una, siya'y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.”

36 Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Siya'y kanyang kinalong at sa kanila'y sinabi,

37 “Ang(E) sinumang tumatanggap sa isa sa mga ganitong bata sa aking pangalan, ako ang tinatanggap at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap, kundi ang nagsugo sa akin.”

Ang Hindi Laban sa Atin ay Panig sa Atin(F)

38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at pinagbawalan namin siya, sapagkat hindi siya sumusunod sa atin.”

39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko ang agad na makapagsasalita ng masama tungkol sa akin.

40 Sapagkat(G) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin.

41 Sapagkat(H) tunay na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang magpainom sa inyo ng isang tasang tubig dahil sa kayo'y kay Cristo, ay hindi mawawalan ng kanyang gantimpala.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001