Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
9 Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.
11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.
6 O(B) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
2 Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
3 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?
4 Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
5 Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?
6 Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
7 Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.
8 Lumayo(C) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.
Panalangin para sa Katarungan
10 Bakit ka nakatayo sa malayo, O Panginoon?
Bakit ka nagtatago kapag magulo ang panahon?
2 Sa kapalaluan ay mainit na hinahabol ng masama ang dukha;
mahuli nawa sila sa binalangkas nilang mga pakana.
3 Sapagkat ipinagmamalaki ng masama ang nais ng kanyang puso,
sinusumpa at tinatalikuran ang Panginoon ng taong sakim sa patubo.
4 Sa kapalaluan ng kanyang mukha, ang masama ay hindi naghahanap sa kanya;
lahat niyang iniisip ay, “Walang Diyos.”
5 Ang kanyang mga lakad sa lahat ng panahon ay umuunlad,
malayo sa kanyang paningin ang iyong mga hatol na nasa itaas;
tungkol sa lahat niyang mga kaaway, kanyang tinutuya silang lahat.
6 Iniisip niya sa kanyang puso, “Hindi ako magagalaw;
sa buong panahon ng salinlahi ay hindi ako malalagay sa kaguluhan.”
7 Ang(A) kanyang bibig ay punô ng pagsumpa, pang-aapi at panlilinlang,
sa ilalim ng kanyang dila ay kalikuan at kasamaan.
8 Siya'y nakaupo sa mga tagong dako ng mga nayon;
sa mga kubling dako ang walang sala ay ipinapapatay,
ang kanyang mga mata ay palihim na nagmamatyag sa walang kakayahan.
9 Siya'y lihim na nagbabantay na parang leon sa kanyang lungga;
siya'y nag-aabang upang hulihin ang dukha,
sinusunggaban niya ang dukha kapag kanyang nahuli siya sa lambat niya.
10 Siya ay gumagapang, siya'y yumuyuko,
at ang sawing-palad ay bumabagsak sa kanyang mga kuko.
11 Sinasabi niya sa kanyang puso, “Ang Diyos ay nakalimot,
ikinubli niya ang kanyang mukha, hindi niya ito makikita kailanman.”
12 O Panginoon, O Diyos, itaas mo ang iyong kamay, bumangon ka;
huwag mong kalilimutan ang nagdurusa.
13 Bakit tinatalikuran ng masama ang Diyos,
at sinasabi sa kanyang puso, “Hindi mo ako hihingan ng sulit?”
14 Iyong nakita; oo, iyong namamasdan ang kaguluhan at pagkayamot,
upang iyong mailagay ito sa mga kamay mo;
itinalaga ng sawing-palad ang sarili sa iyo;
sa mga ulila ikaw ay naging saklolo.
15 Baliin mo ang bisig ng masama at gumagawa ng kasamaan;
hanapin mo ang kanyang kasamaan hanggang sa wala kang matagpuan.
16 Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman,
mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam.
17 O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo;
iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig
18 upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila,
upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa.
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako; paanong sa akin ay nasasabi mo,
“Tumakas ka na gaya ng ibon sa mga bundok;
2 sapagkat binalantok ng masama ang pana,
iniakma na nila ang kanilang palaso sa bagting,
upang ipana sa kadiliman
sa may matuwid na puso,
3 kung ang mga saligan ay masira,
matuwid ba'y may magagawa?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo,
ang trono ng Panginoon ay nasa langit;
ang kanyang mga mata ay nagmamasid,
ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok
sa mga anak ng mga tao.
5 Sinusubok ng Panginoon ang matuwid at ang masama,
at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan.
6 Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre
at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro.
7 Sapagkat ang Panginoon ay matuwid;
minamahal niya ang mga gawang matuwid;
ang kanyang mukha ay mamamasdan ng matuwid.
24 At sinabi ni Saul kay Samuel, “Ako'y nagkasala, sapagkat ako'y sumuway sa utos ng Panginoon at sa iyong mga salita, sapagkat ako'y natakot sa taong-bayan at sumunod sa kanilang tinig.
25 Ngayon nga'y hinihiling ko sa iyo, ipatawad mo ang aking kasalanan, at bumalik kang kasama ko upang ako'y makasamba sa Panginoon.”
26 At sinabi ni Samuel kay Saul, “Hindi ako babalik na kasama mo sapagkat itinakuwil mo ang salita ng Panginoon, at itinakuwil ka ng Panginoon sa pagiging hari ng Israel.”
27 Nang(A) tumalikod si Samuel upang umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng kanyang balabal at ito ay napunit.
28 At sinabi ni Samuel sa kanya, “Pinunit ng Panginoon sa iyo ang kaharian ng Israel sa araw na ito, at ibinigay sa iyong kapwa, na higit na mabuti kaysa iyo.
29 Gayundin ang Kaluwalhatian ng Israel ay hindi magsisinungaling o magbabago ng isipan, sapagkat siya'y hindi isang tao na dapat niyang baguhin ang kanyang isipan.”
30 Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Ako'y nagkasala. Gayunma'y parangalan mo ako ngayon sa harap ng matatanda ng aking bayan at sa harap ng Israel, at bumalik kang kasama ko upang ako'y sumamba sa Panginoon mong Diyos.”
31 Kaya't bumalik si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa Panginoon.
32 Pagkatapos ay sinabi ni Samuel, “Dalhin ninyo rito sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” At masayang lumapit si Agag sa kanya. At sinabi ni Agag, “Tunay na ang pait ng kamatayan ay nakaraan na.”
33 Ngunit sinabi ni Samuel, “Kung paanong sa pamamagitan ng iyong tabak ay nawalan ng anak ang mga babae, magiging gayon ang iyong ina na mawawalan ng anak sa gitna ng mga babae.” At pinagputul-putol ni Samuel si Agag sa harap ng Panginoon sa Gilgal.
34 Pagkatapos ay pumunta si Samuel sa Rama, at si Saul ay umahon sa kanyang bahay sa Gibea.
35 Hindi na muling nakita ni Samuel si Saul hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, ngunit tinangisan ni Samuel si Saul. At ikinalungkot ng Panginoon na kanyang ginawang hari ng Israel si Saul.
Si Pedro sa Lidda at Joppa
32 Sa pagdalaw ni Pedro sa lahat ng dako sa mga mananampalataya, pumunta rin siya sa mga banal na naninirahan sa Lidda.
33 Doo'y natagpuan niya ang isang lalaki na ang pangalan ay Aeneas na lumpo at walong taon nang nakaratay.
34 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo; bumangon ka, at ayusin mo ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon.
35 Siya'y nakita ng lahat ng mga naninirahan sa Lidda at sa Sharon, at sila'y bumaling sa Panginoon.
36 Noon ay may isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabita, na sa Griyego ay Dorcas.[a] Siya'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkakawanggawa.
37 Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas.
38 Sapagkat malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.”
39 Kaagad tumayo si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, kanilang inihatid siya sa silid sa itaas. Lahat ng mga babaing balo ay nakatayo sa kanyang tabi at umiiyak, at ipinapakita ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas, noong siya'y kasama pa nila.
40 Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin siya. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabita, bumangon ka.” Iminulat niya ang kanyang mga mata, at nang makita niya si Pedro ay naupo siya.
41 Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy.
42 Ito'y napabalita sa buong Joppa at marami ang nanampalataya sa Panginoon.
43 Si Pedro[b] ay nanatili sa loob ng maraming araw sa Joppa, na kasama ni Simon na isang tagapagluto ng balat.
56 Sila'y(A) umuwi at naghanda ng mga pabango at mga panghaplos. At nang araw ng Sabbath sila'y nagpahinga ayon sa kautusan.
Nabuhay Muli si Jesus(B)
24 Subalit nang unang araw ng sanlinggo sa pagbubukang-liwayway, pumunta sila sa libingan, dala ang mga pabango na kanilang inihanda.
2 At nakita nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.
3 Subalit nang sila'y pumasok ay hindi nila nakita ang bangkay.[a]
4 Habang sila'y nagtataka tungkol dito, biglang may dalawang lalaki na nakasisilaw ang mga damit ang tumayo sa tabi nila.
5 Ang mga babae ay natakot at isinubsob ang kanilang mga mukha sa lupa, subalit sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa gitna ng mga patay?
6 Wala(C) siya rito, kundi muling nabuhay. Alalahanin ninyo kung paanong siya ay nagsalita sa inyo noong siya'y nasa Galilea pa,
7 na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng mga makasalanan, at ipako sa krus, at muling mabuhay sa ikatlong araw.”
8 At naalala nila ang kanyang mga salita,
9 at pagbabalik mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isa, at sa lahat ng iba pa.
10 Ang nagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila.
11 Subalit ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan at hindi nila pinaniwalaan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001