Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 18

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:

18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
    aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
    aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
    at naligtas ako sa aking mga kaaway.

Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
    inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
    hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.

Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
    sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
    At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.

Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
    ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
    at nauga, sapagkat siya'y galit.
Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
    at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
    at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
    ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
    siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
    ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12 Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
    ay lumabas ang kanyang mga ulap,
    ang mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
    at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14 At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
    nagpakidlat siya at ginapi sila.
15 Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
    at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
    sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.

16 Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
    mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
    at sa mga napopoot sa akin,
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
    ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19 Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
    iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.

20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
    at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
    at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
    at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
    ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.

25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
    sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
    at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
    ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
    pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
    at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
    ang salita ng Panginoon ay subok na;
    siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.

31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
    At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
    at ginagawang ligtas ang aking daan.
33 Kanyang(A) ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
    at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
    anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35 Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
    at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
    at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36 Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
    at hindi nadulas ang mga paa ko.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
    at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38 Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
    sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
    pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40 Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
    at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41 Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
    sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42 Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
    inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.

43 Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
    at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
    ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44 Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
    ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45 Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
    sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.

46 Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
    at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47 Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
    at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48 inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
    Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
    inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49 Dahil(B) dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
    at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50 Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
    at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
    kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.

1 Samuel 16:14-17:11

Si David sa Palasyo ng Hari

14 Ngayon, ang Espiritu ng Panginoon ay humiwalay kay Saul at isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang nagpahirap sa kanya.

15 At sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Tingnan mo, may masamang espiritu mula sa Diyos na nagpapahirap sa iyo.

16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga lingkod, na nasa harapan mo, na humanap ng isang lalaki na bihasang tumugtog ng alpa. Kapag ang masamang espiritu mula sa Diyos ay nasa iyo, siya'y tutugtog at ikaw ay magiging mabuti.”

17 Kaya't sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalaking makakatugtog nang mabuti, at dalhin ninyo siya sa akin.”

18 Sumagot ang isa sa mga kabataang lingkod, “Aking nakita ang isang anak ni Jesse na taga-Bethlehem, na bihasa sa pagtugtog, at isang magiting na lalaki, mandirigma, mahinahong magsalita, makisig, at ang Panginoon ay kasama niya.”

19 Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at sinabi, “Papuntahin mo rito sa akin ang iyong anak na si David na kasama ng mga tupa.”

20 Kumuha si Jesse ng isang asno na may pasang tinapay, alak sa isang sisidlang balat, isang batang kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kanyang anak.

21 At dumating si David kay Saul at pinasimulan ang kanyang paglilingkod. Minahal siya nang lubos ni Saul, at siya'y naging tagadala ng sandata niya.

22 Nagpasabi si Saul kay Jesse, “Hayaan mong manatili si David sa paglilingkod sa akin sapagkat siya'y nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.”

23 Tuwing ang masamang espiritu mula sa Diyos ay darating kay Saul, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtog ng kanyang kamay, at nagiginhawahan si Saul at ang masamang espiritu ay umaalis sa kanya.

Hinamon ni Goliat ang mga Israelita

17 Tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo upang makipagdigma at sila'y nagtipon sa Socoh na sakop ng Juda, at nagkampo sa pagitan ng Socoh at Azeka sa Efesdamim.

Nagtipun-tipon sina Saul at ang mga Israelita at nagkampo sa libis ng Ela, at humanay sa pakikidigma laban sa mga Filisteo.

Tumayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo naman ang Israel sa kabilang dako sa bundok na may isang libis sa pagitan nila.

At lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo ang isang pangunahing mandirigma na ang pangalan ay Goliat na taga-Gat, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.

Siya'y mayroong isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at siya'y may sandata ng baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.

Siya'y mayroong kasuotang tanso sa kanyang mga hita, at isang sibat na tanso na nakasakbat sa kanyang mga balikat.

Ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kanyang sibat ay may bigat na animnaraang siklong bakal. Ang kanyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kanya.

Siya'y tumayo at sumigaw sa mga hukbo ng Israel, “Bakit kayo'y lumabas upang humanay sa pakikipaglaban? Hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki mula sa inyo at pababain ninyo siya sa akin.

Kung siya'y makakalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin ninyo kami. Ngunit kung ako'y manalo laban sa kanya at mapatay ko siya, magiging alipin namin kayo at maglilingkod sa amin.”

10 At sinabi ng Filisteo, “Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; paharapin ninyo sa akin ang isang lalaki upang maglaban kami.”

11 Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang ito ng Filisteo, sila'y nanghina at lubhang natakot.

Mga Gawa 10:17-33

17 Samantalang naguguluhan si Pedro sa kanyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kanyang nakita, biglang dumating ang mga taong sinugo ni Cornelio. Nang maipagtanong ang bahay ni Simon, tumayo sila sa harapan ng pintuan.

18 Tumawag sila upang magtanong kung si Simon, na tinatawag na Pedro, ay nanunuluyan doon.

19 Samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, sinabi sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo.

20 Tumindig ka, bumaba ka at sumama sa kanila na walang pag-aatubili sapagkat sila'y aking sinugo.”

21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo; ano ang dahilan ng inyong pagparito?”

22 Sinabi nila, “Si Cornelio na isang senturion, isang taong matuwid at may takot sa Diyos, at may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio, ay pinagbilinan ng isang banal na anghel na ikaw ay ipatawag sa kanyang bahay upang marinig ang iyong mga salita.”

23 Kaya't sila'y pinatuloy niya at naging kanyang panauhin. Nang sumunod na araw, bumangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid mula sa Joppa.

24 Nang sumunod na araw ay dumating sila sa Cesarea. Sila'y hinihintay ni Cornelio, at tinipon ang kanyang mga kamag-anak at ang kanyang malalapit na kaibigan.

25 Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba.

26 Ngunit pinatayo siya ni Pedro, na sinasabi, “Tumayo ka, ako man ay tao rin.”

27 At habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at kanyang naratnan ang maraming taong nagkakatipon.

28 Sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyo na hindi ipinahihintulot sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga; ngunit ipinakita sa akin ng Diyos, na huwag kong tawagin ang isang tao na marumi o karumaldumal.

29 Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Ngayon, itinatanong ko kung bakit mo ako ipinasundo.”

30 Sinabi ni Cornelio, “Apat na araw na ang nakakaraan, mga ganitong oras, nang ikasiyam na oras,[a] ako'y nananalangin sa aking bahay nang biglang tumindig sa harapan ko ang isang lalaki na may nagniningning na damit.

31 Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga limos ay inalala sa harapan ng Diyos.

32 Magsugo ka sa Joppa, at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagluto ng balat sa tabi ng dagat.’

33 Kaya't agad kitang ipinasundo, at mabuti ang ginawa mo na naparito ka. Ngayon kaming lahat ay naririto sa harapan ng Diyos, upang pakinggan ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos sa iyo ng Panginoon.”

Lucas 24:36-53

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(A)

36 Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus[a] ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.”[b]

37 Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

38 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso?

39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”

[40 Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.]

41 Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?”

42 At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda.

43 Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila.

44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit.”

45 At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan.

46 Sinabi niya sa kanila, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw;

47 at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem.

48 Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.

49 At(B) tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.”

Dinalang Paitaas sa Langit si Jesus(C)

50 Kanyang(D) inilabas sila hanggang sa tapat ng Betania at nang maitaas niya ang kanyang mga kamay, sila'y kanyang binasbasan.

51 At habang binabasbasan niya sila, kanyang iniwan sila [at dinala siya paitaas sa langit].

52 Siya'y sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan.

53 At sila'y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos.[c]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001