Book of Common Prayer
Maskil para sa Maharlikang Kasalan
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora. Awit tungkol sa Pag-ibig.
45 Ang aking puso ay nag-uumapaw sa mabuting paksa,
ipinatutungkol ko ang aking mga salita sa hari;
ang aking dila ay gaya ng panulat ng bihasang manunulat.
2 Ikaw ang pinakamaganda sa mga anak ng mga tao;
ang biyaya ay ibinubuhos sa mga labi mo,
kaya't pinagpala ka ng Diyos magpakailanman.
3 Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, O makapangyarihan,
sa iyong kaluwalhatian at kamahalan!
4 At sa iyong kamahalan ay sumakay kang nananagumpay
para sa mga bagay ng katotohanan, at kaamuan at katuwiran;
ang iyong kanang kamay nawa ay magturo sa iyo ng kakilakilabot na mga gawa!
5 Ang iyong mga palaso ay matalas
sa puso ng mga kaaway ng hari,
ang mga bayan ay nabuwal sa ilalim mo.
6 Ang(A) iyong banal na trono ay magpakailanpaman.
Ang iyong setro ng kaharian ay setro ng katarungan;
7 iyong iniibig ang katuwiran at kinasusuklaman ang kasamaan.
Kaya't ang Diyos, ang iyong Diyos, ay pinahiran ka ng langis,
ng langis ng kagalakan na higit kaysa iyong mga kasamahan.
8 Lahat ng iyong mga damit ay mabango dahil sa mira, mga aloe, at kasia.
Mula sa palasyong garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na may kuwerdas.
9 Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa iyong mararangal na babae;
sa iyong kanang kamay ay nakatayo ang reyna na may ginto ng Ofir.
10 Pakinggan mo, O anak na babae, iyong isaalang-alang, at ikiling mo ang iyong pandinig,
kalimutan mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong magulang;
11 at nanasain ng hari ang iyong ganda;
yamang siya'y iyong panginoon, yumukod ka sa kanya.
12 At ang anak na babae ng Tiro ay magsisikap na kunin ang iyong pagtatangi na may kaloob;
at ang pinakamayaman sa mga bayan ay hahanap ng iyong kagandahang-loob.
13 Ang anak na babae ng hari ay puspos ng kaluwalhatian sa loob niya, mga gintong hinabi ang kasuotang nasa kanya.
14 Siya'y inihahatid sa hari na may kasuotang makulay,
ang mga birhen, kanyang mga kasama na sumusunod sa kanya, ay dadalhin sa kanya.
15 May kasayahan at kagalakan na inihahatid sila
habang sila'y nagsisipasok sa palasyo ng hari.
16 Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak,
gagawin mo silang mga pinuno sa buong lupa.
17 Aking ipapaalala sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan,
kaya't ang mga bayan ay magpapasalamat sa iyo magpakailanpaman.
Kataas-taasang Pinuno
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
2 Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
isang dakilang hari sa buong lupa.
3 Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
4 Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)
5 Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
6 Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
7 Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!
8 Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
9 Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
siya'y napakadakila.
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.
48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
2 Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
3 Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.
4 Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
sila'y dumating na magkakasama.
5 Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
6 Sila'y nanginig,
nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
7 Sa pamamagitan ng hanging silangan
ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
8 Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)
9 Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11 Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
dahil sa iyong mga paghatol!
12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14 na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.
Ang Kamatayan ni Samuel
25 Namatay si Samuel, at nagtipun-tipon ang buong Israel at tinangisan siya. Kanilang inilibing siya sa kanyang bahay sa Rama. At tumindig si David at lumusong sa ilang ng Paran.
2 May isang lalaki sa Maon na ang mga ari-arian ay nasa Carmel. Ang lalaki ay napakayaman; siya'y mayroong tatlong libong tupa at isang libong kambing. Ginugupitan niya ng balahibo ang kanyang mga tupa sa Carmel.
3 Ang pangalan ng lalaki ay Nabal, at ang pangalan ng kanyang asawa ay Abigail. Ang babae ay matalino at maganda, ngunit ang lalaki ay masungit at masama ang ugali. Siya'y mula sa sambahayan ni Caleb.
4 Nabalitaan ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kanyang mga tupa.
5 Kaya't nagsugo si David ng sampung kabataang lalaki at sinabi ni David sa mga kabataan, “Umahon kayo sa Carmel at pumunta kayo kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan.
6 Ganito ang sasabihin ninyo sa kanya: ‘Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sambahayan, at kapayapaan nawa ang dumating sa lahat ng iyong pag-aari.
7 Nabalitaan kong ikaw ay may mga manggugupit ng balahibo ng tupa. Ang iyong mga pastol ay naging kasama namin, at hindi namin sila sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay sa buong panahong sila ay nasa Carmel.
8 Tanungin mo ang iyong mga kabataang lalaki at kanilang sasabihin sa iyo. Kaya't makatagpo nawa ng biyaya sa iyong paningin ang aking mga kabataan; sapagkat kami ay naparito sa araw ng kapistahan. Hinihiling ko sa iyo na magbigay ka ng anumang mayroon ka sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na si David.’”
Tumangging Magbigay si Nabal
9 Nang dumating ang mga kabataang tauhan ni David, kanilang sinabi kay Nabal ang lahat ng mga salitang iyon sa pangalan ni David, at sila ay naghintay.
10 At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, “Sino ba si David? Sino ba ang anak ni Jesse? Maraming mga alila sa mga araw na ito ang lumalayas sa kanilang mga panginoon.
11 Akin bang kukunin ang aking tinapay at tubig, at ang karne na aking kinatay para sa aking mga manggugupit, at ibibigay ko sa mga taong hindi ko nalalaman kung saan nanggaling?”
12 Kaya't ang mga kabataang tauhan ni David ay umalis, bumalik, at sinabi sa kanya ang lahat ng mga salitang ito.
13 At sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ng bawat isa sa inyo ang kanyang tabak.” At nagsukbit ang bawat isa ng kanyang tabak; at si David ay nagsukbit din ng kanyang tabak. Ang umahong kasunod ni David ay may apatnaraang lalaki, samantalang ang dalawandaan ay nanatili kasama ng mga dala-dalahan.
14 Ngunit sinabi ng isa sa mga kabataang lalaki kay Abigail, na asawa ni Nabal, “Si David ay nagpadala ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon ngunit sila'y nilait niya.
15 Gayong ang mga lalaki ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay nang kami ay nasa mga parang, habang kami ay nakikisama sa kanila.
16 Sila'y naging aming pader sa gabi at sa araw sa buong panahong kami ay kasama nila sa pag-aalaga ng mga tupa.
17 Ngayon ay iyong alamin at pag-aralan mo kung ano ang iyong gagawin, sapagkat ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon at sa kanyang buong sambahayan. Siya'y may masamang ugali kaya't walang makipag-usap sa kanya.”
Namagitan si Abigail
18 Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, kumuha ng dalawandaang tinapay, dalawang sisidlang balat ng alak, limang tupang nalinisan na, limang takal ng sinangag na trigo, isandaang kumpol na pasas, dalawandaang tinapay na igos, at ipinapasan ang mga ito sa mga asno.
19 At sinabi niya sa kanyang mga kabataang tauhan, “Mauna kayo sa akin; ako'y susunod sa inyo.” Ngunit hindi niya ito sinabi sa kanyang asawang si Nabal.
20 Samantalang siya'y nakasakay sa kanyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok, si David at ang kanyang mga tauhan ay lumusong patungo sa kanya, at nagkasalubong sila.
21 Sinabi ni David, “Tunay na walang kabuluhan na aking iningatan ang lahat ng pag-aari ng taong ito sa ilang, anupa't walang nawalang anuman sa lahat ng pag-aari niya; at ang mabuti ay ginantihan niya ng masama.
22 Gawin nawa ng Diyos sa mga kaaway ni David, at higit pa, kung sa umaga ay mag-iwan ako ng higit sa isang lalaki sa lahat ng pag-aari niya.”
Sa Iconio
14 Ang gayunding bagay ay nangyari din sa Iconio, na doon sina Pablo at Bernabe[a] ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at nagsalita ng gayon na sumampalataya ang marami sa mga Judio at sa mga Griyego.
2 Ngunit inudyukan ng mga hindi nananampalatayang Judio ang mga Hentil, at nilason ang kanilang isipan laban sa mga kapatid.
3 Kaya't nanatili sila ng mahabang panahon na nagsasalita ng buong katapangan para sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga tanda at mga kababalaghan na gawin ng kanilang mga kamay.
4 Ngunit nagkabaha-bahagi ang mga taong-bayan sa lunsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, at ang iba ay sa mga apostol.
5 Nang magtangka ang mga Hentil at ang mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y saktan at batuhin,
6 nalaman ito ng mga apostol[b] at sila'y tumakas patungo sa Listra at Derbe, na mga lunsod ng Licaonia at sa palibot na lupain,
7 at doon nila ipinangaral ang magandang balita.
Sa Listra
8 Sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na walang lakas ang mga paa at kailanma'y hindi makalakad sapagkat pilay na siya mula nang ipanganak.
9 Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling,
10 ay sinabi niya sa malakas na tinig, “Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa.” At ang lalaki[c] ay lumukso at nagpalakad-lakad.
11 Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, “Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!”
12 Tinawag nilang Zeus[d] si Bernabe at Hermes[e] si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita.
13 Ang pari ni Zeus[f] na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao.
14 Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw,
15 “Mga(A) ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon.
16 Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan.
17 Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti—na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan.”
18 Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila.
Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(A)
21 At(B) sinabi niya sa kanila, “Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan?
22 Sapagkat(C) walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag.
23 Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig.”
24 At(D) sinabi niya sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.
25 Sapagkat(E) ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”
Ang Binhing Tumutubo
26 Sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa,
27 at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano.
28 Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman,[a] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil.
29 Ngunit(F) kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani.”
Ang Butil ng Mustasa(G)
30 Kanyang sinabi, “Sa ano natin maihahambing ang kaharian ng Diyos; o anong talinghaga ang gagamitin natin para dito?
31 Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa na kapag naihasik sa lupa, bagama't siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa,
32 ngunit kapag ito'y naihasik ay tumutubo, nagiging mas malaki kaysa lahat ng mga halaman, at nagsasanga ng malalaki, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay nakakagawa ng mga pugad sa lilim nito.”
Ang mga Talinghaga ni Jesus
33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga, sinabi niya sa kanila ang salita, ayon sa kakayahan nilang makinig.
34 At hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga ngunit sa kanyang sariling mga alagad ay sarilinan niyang ipinapaliwanag ang lahat ng mga bagay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001