Book of Common Prayer
Awit ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masasama,
huwag kang managhili sa mga masama ang gawa!
2 Sapagkat gaya ng damo sila'y dagling maglalaho,
at gaya ng luntiang halaman, sila'y matutuyo.
3 Magtiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng kabutihan;
upang ikaw ay makapanirahan sa lupain at magtamasa ng katiwasayan.
4 Sa Panginoon ikaw ay magpakaligaya,
at ang mga nasa ng iyong puso sa iyo'y ibibigay niya.
5 Ipagkatiwala mo ang iyong lakad sa Panginoon;
magtiwala ka sa kanya, at siya'y gagawa.
6 Ang iyong pagiging walang-sala ay pakikinangin niyang gaya ng liwanag,
at ang iyong pagiging matuwid na gaya ng katanghaliang-tapat.
7 Ikaw ay manahimik sa Panginoon, at matiyaga kang maghintay sa kanya:
huwag kang mabalisa sa gumiginhawa sa lakad niya,
dahil sa taong nagsasagawa ng masamang pakana.
8 Iwasan mo ang pagkagalit, at ang poot ay iyong talikdan!
Huwag kang maghimutok, ito'y maghahatid lamang sa kasamaan.
9 Sapagkat ang masasama ay tatanggalin;
ngunit ang naghihintay sa Panginoon ay magmamana ng lupain.
10 Gayunma'y sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na;
kahit tingnan mong mabuti ang kanyang lugar, siya ay wala roon.
11 Ngunit(A) mamanahin ng maaamo ang lupain,
at masisiyahan ang kanilang sarili sa lubos na kasaganaan.
12 Ang masama ay nagpapakana laban sa matuwid,
at ang mga ngipin nito sa kanya'y pinagngangalit;
13 ngunit pinagtatawanan ng Panginoon ang masama,
sapagkat kanyang nakikita na dumarating ang araw niya.
14 Hinuhugot ng masama ang tabak at ang kanilang mga pana ay iniaakma,
upang ang dukha at nangangailangan ay pabagsakin,
upang ang mga lumalakad nang matuwid ay patayin;
15 ang kanilang tabak ay tatarak sa sariling puso nila,
at mababali ang kanilang mga pana.
16 Mas mainam ang kaunti na mayroon ang matuwid na tao,
kaysa kasaganaan ng maraming taong lilo.
17 Sapagkat ang mga bisig ng masasama ay mababali;
ngunit inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.
18 Nalalaman ng Panginoon ang mga araw ng mga walang kapintasan,
at ang kanilang mana ay mananatili magpakailanman.
19 Hindi sila mapapahiya sa panahon ng kasamaan;
sa mga araw ng taggutom ay mayroon silang kasaganaan.
20 Ngunit ang masama ay mamamatay,
ang mga kaaway ng Panginoon ay gaya ng luwalhati ng mga pastulan,
sila'y nawawala—gaya ng usok sila'y napaparam.
21 Ang masama ay humihiram, at hindi makapagbayad,
ngunit ang matuwid ay bukas-palad at nagbibigay;
22 sapagkat ang mga pinagpala ng Panginoon ay magmamana ng lupain;
ngunit ang mga sinumpa niya ay tatanggalin.
23 Ang mga lakad ng isang tao ay ang Panginoon ang nagtatatag;
at siya'y nasisiyahan sa kanyang lakad;
24 bagaman siya'y mahulog, hindi siya lubos na mabubuwal,
sapagkat ang Panginoon ang aalalay sa kanyang kamay.
25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda na;
gayunma'y hindi ko nakita na ang matuwid ay pinabayaan,
ni ang kanyang mga anak ay namamalimos ng tinapay.
26 Siya ay laging mapagbigay at nagpapahiram;
at ang kanyang mga anak ay nagiging pagpapala.
27 Lumayo ka sa masama at gumawa ka ng mabuti;
upang sa magpakailanman ikaw ay manatili.
28 Sapagkat iniibig ng Panginoon ang katarungan,
hindi niya pababayaan ang kanyang mga banal.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang mga anak ng masama ay ititiwalag.
29 Mamanahin ng matuwid ang lupain,
at maninirahan doon magpakailanman.
30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan,
at ang kanyang dila ay nagsasalita ng katarungan.
31 Ang kautusan ng kanyang Diyos sa puso niya'y taglay,
hindi nadudulas ang kanyang mga hakbang.
32 Inaabangan ng masama ang matuwid na tao,
at pinagsisikapang patayin niya ito.
33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kanyang kamay,
ni hahayaan siyang maparusahan kapag siya'y nahatulan.
34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan ang kanyang daan,
at itataas ka niya upang manahin mo ang lupain;
ang pagkawasak ng masama ay iyong pagmamasdan.
35 Nakakita ako ng masama at marahas na tao,
na lumalaganap na gaya ng sariwang punungkahoy sa kanyang lupang tinubuan.
36 Muli akong dumaan at, narito, wala na siya;
kahit hinanap ko siya, hindi na siya makita.
37 Tandaan mo ang taong walang kapintasan, at ang matuwid ay iyong masdan,
sapagkat may hinaharap para sa taong may kapayapaan.
38 Ngunit ang mga sumusuway ay sama-samang pupuksain;
ang susunod na lahi ng masama ay puputulin.
39 Ang kaligtasan ng matuwid ay mula sa Panginoon;
siya ang kanilang kanlungan sa magulong panahon.
40 At sila'y tinutulungan at pinalalaya ng Panginoon;
kanyang pinalalaya sila mula sa masama, at inililigtas sila,
sapagkat sila'y nanganganlong sa kanya.
24 Kaya't nagkubli si David sa parang. Nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupo upang kumain.
25 Umupo ang hari sa kanyang upuan gaya nang kinaugalian niya, sa upuang nasa tabi ng dingding. Umupo sa tapat si Jonathan, samantalang nakaupo si Abner sa tabi ni Saul, ngunit sa upuan ni David ay walang nakaupo.
26 Gayunma'y hindi nagsalita si Saul ng anuman sa araw na iyon, sapagkat kanyang iniisip, “May nangyari sa kanya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.”
27 Subalit nang ikalawang araw, kinabukasan pagkaraan ng bagong buwan, sa upuan ni David ay walang nakaupo. Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak, “Bakit wala pa ang anak ni Jesse upang kumain, kahit kahapon, o ngayon?”
28 Sumagot si Jonathan kay Saul, “Nakiusap si David na hayaan ko siyang pumunta sa Bethlehem;
29 kanyang sinabi, ‘Nakikiusap ako sa iyo na hayaan mo akong umalis sapagkat ang aming angkan ay may paghahandog sa bayan at iniutos sa akin ng aking kapatid na pumunta roon. Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hayaan mo akong umalis at makita ko ang aking mga kapatid.’ Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nakarating sa hapag ng hari.”
30 Nang magkagayo'y nag-init ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw na anak ng isang masama at mapaghimagsik na babae! Hindi ko ba alam na iyong pinili ang anak ni Jesse sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?
31 Sapagkat habang nabubuhay ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw ni ang iyong kaharian ay hindi mapapanatag. Kaya't ngayo'y ipasundo mo at dalhin siya sa akin, sapagkat siya'y tiyak na mamamatay.”
32 At sumagot si Jonathan kay Saul na kanyang ama, “Bakit kailangang siya'y patayin? Anong kanyang ginawa?”
33 Ngunit siya ay sinibat ni Saul upang patayin siya; kaya't nalaman ni Jonathan na ipinasiya ng kanyang ama na patayin si David.
34 Kaya't galit na galit na tumindig si Jonathan sa hapag at hindi kumain nang ikalawang araw ng buwan sapagkat siya'y nagdalamhati para kay David, yamang hiniya siya ng kanyang ama.
35 Kinaumagahan, si Jonathan ay pumunta sa parang ayon sa napag-usapan nila ni David, at kasama niya ang isang munting bata.
36 Sinabi niya sa bata, “Takbo, hanapin mo ang mga palaso na aking ipinana.” Habang tumatakbo ang bata, kanyang ipinana ang palaso sa unahan niya.
37 Nang dumating ang bata sa lugar ng palaso na ipinana ni Jonathan, tinawagan ni Jonathan ang bata, at sinabi, “Hindi ba ang palaso ay nasa unahan mo?”
38 At tinawagan ni Jonathan ang bata, “Bilis, magmadali ka, huwag kang tumigil.” Kaya't pinulot ng batang kasama ni Jonathan ang mga palaso, at pumunta sa kanyang panginoon.
39 Ngunit walang nalalamang anuman ang bata. Sina Jonathan at David lamang ang nakakaalam ng tungkol sa kasunduan.
40 Ibinigay ni Jonathan ang kanyang sandata sa bata at sinabi sa kanya, “Umalis ka na at dalhin mo ang mga ito sa lunsod.”
41 Pagkaalis ng bata, si David ay tumindig mula sa tabi ng bato[a] at sumubsob sa lupa, at yumukod ng tatlong ulit. Hinalikan nila ang isa't isa, kapwa umiyak ngunit si David ay umiyak nang labis.
42 At sinabi ni Jonathan kay David, “Umalis kang payapa, yamang tayo'y kapwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, ‘Ang Panginoon ay lalagay sa pagitan natin, at sa pagitan ng aking mga anak at ng iyong mga anak, magpakailanman.’” At siya'y tumayo at umalis; at pumasok si Jonathan sa lunsod.[b]
Isinugo sina Bernabe at Saulo
13 Sa iglesya na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro, si Bernabe, si Simeon na tinatawag na Niger, si Lucio na taga-Cirene, si Manaen na kinakapatid ni Herodes na tetrarka, at si Saulo.
2 Samantalang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila.”
3 Nang magkagayon, nang sila'y makapag-ayuno na at makapanalangin at maipatong ang mga kamay nila sa kanila, ay kanilang pinahayo sila.
Ang Pangangaral sa Cyprus
4 Sila na isinugo ng Espiritu Santo ay pumunta sa Seleucia at buhat doo'y naglayag patungong Cyprus.
5 Nang sila'y makarating sa Salamis, kanilang ipinangaral ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan bilang katulong.
6 Nang kanilang mapuntahan na ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang salamangkero, isang bulaang propetang Judio, na ang pangalan ay Bar-Jesus.
7 Kasama siya ng proconsul na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Kanyang ipinatawag sina Bernabe at Saulo at nais na mapakinggan ang salita ng Diyos.
8 Ngunit si Elimas na salamangkero (sapagkat iyon ang kahulugan ng kanyang pangalan) ay humadlang sa kanila na pinagsisikapang ilayo sa pananampalataya ang proconsul.
9 Subalit si Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig sa kanya nang mabuti,
10 at sinabi niya, “Ikaw na anak ng diyablo, at kaaway ng lahat ng katuwiran, punung-puno ng lahat ng pandaraya at panlilinlang, hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matutuwid na daan ng Panginoon?
11 At ngayon, laban sa iyo ang kamay ng Panginoon, mabubulag ka, at hindi mo makikita ang araw ng ilang panahon.”
May ulap at kadiliman na agad nahulog sa kanya at siya'y lumibot na humahanap ng sa kanya'y aakay sa kamay.
12 Nang makita ng proconsul ang nangyari, siya'y naniwala sapagkat siya'y namangha sa turo ng Panginoon.
Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)
23 Nang(B) isang Sabbath, nagdaraan siya sa mga bukirin ng trigo, at samantalang sila'y nagdaraan ang kanyang mga alagad ay nagsimulang pumitas ng mga uhay.
24 Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Tingnan mo, bakit nila ginagawa ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?”
25 At sinabi niya sa kanila, “Kailanman ba'y hindi ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom at nangailangan ng pagkain?
26 Kung(C) (D) paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, noong si Abiatar ang pinakapunong pari at kumain siya ng tinapay ng paghahandog, na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang at binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan?”
27 At sinabi niya sa kanila, “Ang Sabbath ay ginawa para sa tao, at hindi ang tao para sa Sabbath.
28 Kaya't ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(E)
3 Muli siyang pumasok sa sinagoga at doo'y may isang lalaking paralisado[a] ang isang kamay.
2 Kanilang minamatyagan si Jesus[b] kung kanyang pagagalingin ang lalaki[c] sa araw ng Sabbath upang siya'y maparatangan nila.
3 Sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Lumapit ka.”
4 At sinabi niya sa kanila, “Ipinahihintulot ba na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath, o ang gumawa ng masama, magligtas ng buhay, o pumuksa nito?” Ngunit sila'y tahimik.
5 Sila'y tiningnan niya ng may galit. Nalulungkot siya sa katigasan ng kanilang puso at sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat niya ito at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay.
6 Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kanya kung paanong siya'y mapupuksa nila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001