Book of Common Prayer
Awit ni David.
25 Sa iyo, Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
2 O Diyos ko, sa iyo ako nagtitiwala,
huwag nawa akong mapahiya;
ang aking mga kaaway, sa akin ay huwag nawang magkatuwa.
3 Oo, huwag nawang mapahiya ang lahat ng sa iyo'y naghihintay,
mapahiya nawa ang mga gumagawa ng kataksilan nang walang dahilan.
4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
5 Akayin mo ako sa iyong katotohanan, ako'y iyong turuan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa iyo'y naghihintay ako nang buong araw.
6 Alalahanin mo, O Panginoon, ang iyong kahabagan, at ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ang mga iyon ay mula pa nang unang kapanahunan.
7 Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsuway;
ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako,
O Panginoon, alang-alang sa iyong kabutihan!
8 Ang Panginoon ay mabuti at makatarungan,
kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan.
9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran,
at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan.
10 Lahat ng landas ng Panginoon ay wagas na pag-ibig at katapatan,
para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan.
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon,
ipagpatawad mo ang aking kasalanan, sapagkat ito ay malaking tunay.
12 Sino ang taong natatakot sa Panginoon?
Siya ang tuturuan niya sa daan na dapat niyang piliin.
13 Siya mismo ay mananahan sa kasaganaan,
at aangkinin ng kanyang mga anak ang lupain.
14 Ang pakikipagkaibigan ng Panginoon ay para sa mga natatakot sa kanya,
at ang kanyang tipan ay ipinaaalam niya sa kanila.
15 Palaging nasa Panginoon ang aking mga mata,
sapagkat mula sa lambat ay hihilahin niya ang aking mga paa.
16 Manumbalik ka sa akin, at ako'y kahabagan,
sapagkat ako'y nalulungkot at nahihirapan.
17 Kabagabagan ng aking puso ay iyong pawiin,
at sa aking kapanglawan ako ay hanguin.
18 Isaalang-alang mo ang aking kapighatian at kaguluhan,
at patawarin mo ang lahat kong mga kasalanan.
19 Isaalang-alang mo kung gaano karami ang aking mga kaaway,
at kung anong marahas na poot, ako'y kanilang kinamumuhian.
20 O bantayan mo ang aking buhay, at iligtas mo ako;
huwag nawa akong ipahiya, sapagkat nanganganlong ako sa iyo.
21 Nawa'y maingatan ako ng katapatan at katuwiran,
sapagkat sa iyo ako'y naghihintay.
22 Tubusin mo ang Israel, O Diyos,
mula sa lahat ng kanyang kabalisahan.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Muth-labben. Awit ni David.
9 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng buong puso ko;
aking sasabihin sa lahat ang kahanga-hangang mga gawa mo.
2 Ako'y magagalak at magsasaya sa iyo.
O Kataas-taasan, ako'y aawit ng pagpuri sa pangalan mo.
3 Nang magsibalik ang mga kaaway ko,
sila'y natisod at nalipol sa harapan mo.
4 Sapagkat iyong pinanatili ang matuwid na usapin ko,
ikaw ay naggagawad ng matuwid na hatol habang nakaupo sa trono.
5 Iyong sinaway ang mga bansa, nilipol mo ang masama,
pinawi mo ang kanilang pangalan magpakailanman.
6 Ang kaaway ay naglaho sa walang hanggang pagkawasak;
ang kanilang mga lunsod ay binunot mo,
ang tanging alaala nila ay naglaho.
7 Ngunit nakaupong hari magpakailanman ang Panginoon,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghatol;
8 at hinahatulan niyang may katarungan ang sanlibutan,
at ang mga tao'y pantay-pantay niyang hinahatulan.
9 Ang muog para sa naaapi ay ang Panginoon,
isang muog sa magugulong panahon.
10 At silang nakakakilala ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo;
sapagkat ikaw, O Panginoon, ay hindi nagpabaya sa mga naghahanap sa iyo.
11 Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, sa mga nagsisitahan sa Zion!
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa!
12 Sapagkat siya na naghihiganti ng dugo ay inaalala sila;
hindi niya kinalilimutan ang daing ng nagdurusa.
13 O Panginoon! Kahabagan mo ako,
mula sa kanila na napopoot sa akin, ang tinitiis ko'y masdan mo.
Yamang mula sa mga pintuan ng kamatayan, ako ay itinaas mo,
14 upang aking maisaysay ang lahat ng kapurihan mo,
upang sa mga pintuan ng anak na babae ng Zion,
ay ikagalak ko ang pagliligtas mo.
15 Nahulog ang mga bansa, sa hukay na kanilang ginawa;
sa lambat na kanilang ikinubli, sarili nilang mga paa ang nahuli.
16 Ipinakilala ng Panginoon ang sarili niya,
siya'y naglapat ng pasiya;
ang masama ay nasilo sa mga gawa
ng kanilang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)
17 Babalik sa Sheol ang masama
ang lumilimot sa Diyos sa lahat ng mga bansa.
18 Sapagkat ang nangangailangan ay hindi laging malilimutan,
at ang pag-asa ng dukha ay hindi mapapawi magpakailanman.
19 Bumangon ka, O Panginoon; huwag papanaigin ang tao;
hatulan mo ang mga bansa sa harapan mo!
20 Ilagay mo sila sa pagkatakot, O Panginoon!
Ipaalam mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang! (Selah)
Awit ni David.
15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?
2 Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
3 siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
4 na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
5 siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.
Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.
5 Lumabas si David at nagtagumpay saanman suguin ni Saul, kaya't inilagay siya ni Saul bilang pinuno ng mga lalaking mandirigma. Ito ay sinang-ayunan ng buong bayan, at gayundin ng mga lingkod ni Saul.
Si Saul ay Nanibugho kay David
6 Sa kanilang pag-uwi, nang bumalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, ang mga babae ay lumabas mula sa lahat ng mga lunsod sa Israel na nag-aawitan at nagsasayawan, may mga pandereta, may mga awit ng kagalakan, at mga panugtog ng musika upang salubungin si Haring Saul.
7 At(A) nag-aawitan sa isa't isa ang mga babae habang sila ay nagsasaya, na sinasabi,
“Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo,
at ni David ang kanyang laksa-laksa.”
8 Galit na galit si Saul at ang kasabihang ito ay ikinayamot niya, at kanyang sinabi, “Kanilang iniukol kay David ang laksa-laksa, at ang kanilang iniukol sa akin ay libu-libo; ano pa ang mapapasa-kanya kundi ang kaharian?”
9 Mula sa araw na iyon ay minatyagan ni Saul si David.
10 Kinabukasan, isang masamang espiritu mula sa Diyos ang sumanib kay Saul, at siya'y nahibang sa loob ng bahay, samantalang si David ay tumutugtog ng alpa, gaya ng kanyang ginagawa araw-araw. Hawak ni Saul ang kanyang sibat sa kanyang kamay;
11 at inihagis ni Saul ang sibat, sapagkat kanyang iniisip, “Aking tutuhugin si David sa dingding.” Subalit dalawang ulit na nailagan siya ni David.
12 Si Saul ay takot kay David, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya noon, ngunit humiwalay na kay Saul.
13 Kaya't pinalayas siya ni Saul sa kanyang harapan at ginawa siyang punong-kawal sa isang libo; at si David ay naglabas-masok na pinapangunahan ang hukbo.
14 Nagtagumpay si David sa lahat ng kanyang mga gawain, sapagkat ang Panginoon ay kasama niya.
15 Nang makita ni Saul na siya'y nagtatagumpay, siya'y nasindak sa kanya.
16 Ngunit minahal ng buong Israel at Juda si David sapagkat siya ang nangunguna sa kanila.
27 si David ay tumindig at umalis na kasama ng kanyang mga tauhan, at pumatay sa mga Filisteo ng dalawandaang lalaki. Dinala ni David ang kanilang mga balat na pinagtulian at kanyang ibinigay ang buong bilang sa hari, upang siya'y maging manugang ng hari. At ibinigay sa kanya ni Saul si Mical na kanyang anak na babae upang maging kanyang asawa.
28 Subalit nang nakita at nalaman ni Saul na ang Panginoon ay kasama ni David at minamahal si David ni Mical na anak ni Saul,
29 ay lalong natakot si Saul kay David. Kaya't patuloy na naging kaaway ni David si Saul.
30 Pagkatapos ay lumabas ang mga pinuno ng mga Filisteo upang makipaglaban, at tuwing sila'y lalabas, si David ay laging nagtatagumpay kaysa lahat ng mga lingkod ni Saul; kaya't ang kanyang pangalan ay lalong iginalang.
Ang Iglesya sa Antioquia
19 Samantala,(A) ang mga nagkawatak-watak dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia, na hindi sinasabi kaninuman ang salita, maliban sa mga Judio.
20 Subalit may ilan sa kanila, mga lalaking taga-Cyprus at taga-Cirene, nang dumating sa Antioquia, ay nagsalita din sa mga Griyego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus.
21 Sumasakanila ang kamay ng Panginoon at ang napakalaking bilang na sumampalataya ay nagbalik-loob sa Panginoon.
22 Nakarating ang balita tungkol sa kanila sa mga pandinig ng iglesya na nasa Jerusalem at kanilang sinugo si Bernabe sa Antioquia.
23 Nang siya'y dumating at nakita ang biyaya ng Diyos, ay nagalak siya at kanyang hinimok ang bawat isa upang manatili sa Panginoon na may katapatan ng puso;
24 sapagkat siya'y mabuting lalaki at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya. At napakaraming tao ang idinagdag sa Panginoon.
25 At si Bernabe ay nagtungo sa Tarso upang hanapin si Saulo.
26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay kanyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari na sa buong isang taon ay nakasama nila ang iglesya, at nagturo sa napakaraming tao; at sa Antioquia ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano.
27 Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem.
28 (B) Isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, ang tumayo at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong sanlibutan; at ito'y nangyari sa kapanahunan ni Claudio.
29 Ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa, ay nagpasiyang magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea;
30 at kanilang ginawa ito at ipinadala nila sa matatanda sa pamamagitan ng mga kamay nina Bernabe at Saulo.
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Maraming Tao(A)
29 Pagkalabas sa sinagoga, pumasok sila sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan.
30 At ang biyenang babae ni Simon ay nakahiga na nilalagnat at agad nilang sinabi kay Jesus[a] ang tungkol sa kanya.
31 Lumapit siya at hinawakan ang babae[b] sa kamay at siya'y ibinangon. Nawala ang kanyang lagnat at siya'y naglingkod sa kanila.
32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng mga demonyo.
33 Ang buong lunsod ay nagkatipon sa may pintuan.
34 At nagpagaling siya ng maraming iba't ibang may karamdaman at nagpalayas siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat siya'y kilala nila.
Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(B)
35 Nang madaling-araw, habang madilim pa, pagbangon ni Jesus[c] ay lumabas siya at nagtungo sa isang ilang na lugar, at doon ay nanalangin.
36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan niya.
37 Siya'y natagpuan nila, at sinabi sa kanya, “Hinahanap ka ng lahat.”
38 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta tayo sa iba pang mga karatig-bayan upang ako'y makapangaral din naman doon, sapagkat dahil dito ako'y naparito.”
39 At(C) nagpunta siya sa buong Galilea na nangangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pinagaling ang Isang Ketongin(D)
40 Lumapit sa kanya ang isang ketongin na nakikiusap at nakaluhod na nagsasabi, “Kung gusto mo, maaari mo akong linisin.”
41 Dahil sa awa, iniunat ni Jesus[d] ang kanyang kamay, hinipo ang ketongin at sinabi sa kanya, “Gusto ko, maging malinis ka.”
42 At kaagad na nawala ang kanyang ketong at siya'y naging malinis.
43 Pagkatapos na mahigpit siyang binalaan, kaagad niya itong pinaalis.
44 Sinabi(E) niya sa kanya, “Tiyakin mong wala kang sasabihin kaninuman kundi pumunta ka at magpakita sa pari at maghandog ka para sa pagkalinis sa iyo ayon sa ipinag-utos ni Moises bilang isang patotoo sa kanila.”
45 Ngunit siya'y umalis at nagsimulang magsalita nang malaya tungkol dito at ikinalat ang balita, kaya't hindi na hayagang makapasok si Jesus sa bayan, kundi nanatili siya sa mga ilang na lugar at pinuntahan siya ng mga tao mula sa lahat ng panig.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001