Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
2 na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
3 Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
4 O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
ingatan mo ako sa mararahas na tao,
na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
5 Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)
6 Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
7 O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
8 Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)
9 Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Awit ni David.
141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
2 Ibilang(A) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.
3 Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
4 Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.
5 Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
6 Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
7 Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.
8 Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
9 Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
habang ako naman ay tumatakas.
Awit ni David.
143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
iyong dinggin ang aking mga daing!
Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
2 At(A) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
3 Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
4 Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.
5 Aking naaalala ang mga araw nang una,
aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
6 Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)
7 Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
8 Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
9 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
sa landas na pantay!
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
sapagkat ako'y iyong lingkod.
Walang Sandata ang Israel
19 Noon ay walang panday na matagpuan sa buong lupain ng Israel, sapagkat sinasabi ng mga Filisteo, “Baka ang mga Hebreo ay gumawa ng kanilang mga tabak o mga sibat;”
20 ngunit nilusong ng lahat ng mga Israelita ang mga Filisteo upang ihasa ng bawat lalaki ang kanyang pang-araro, asarol, palakol, at piko;
21 gayunma'y mayroon silang pangkikil para sa mga piko, asarol, kalaykay, at sa mga palakol, at panghasa ng mga panundot.[a]
22 Kaya't sa araw ng paglalaban ay wala kahit tabak o sibat mang matatagpuan sa kamay ng sinuman sa mga taong kasama nina Saul at Jonathan. Sina Saul at Jonathan na kanyang anak lamang ang mayroon ng mga ito.
23 At ang pulutong ng mga Filisteo ay lumabas patungo sa lagusan ng Mikmas.
Ang Mapangahas na Ginawa ni Jonathan
14 Isang araw, sinabi ni Jonathan na anak ni Saul sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo'y dumaan sa himpilan ng mga Filisteo na nasa kabilang ibayo.” Ngunit hindi niya ipinagbigay-alam sa kanyang ama.
2 Si Saul ay namamalagi sa mga karatig-pook ng Gibea sa ilalim ng puno ng granada na nasa Migron. Ang mga taong kasama niya ay may animnaraang lalaki,
3 at si Achias na anak ni Achitob, na kapatid ni Icabod, na anak ni Finehas, na anak ni Eli, na pari ng Panginoon sa Shilo, na may suot na efod. Hindi nalalaman ng taong-bayan na si Jonathan ay nakaalis na.
4 Sa pagitan ng mga lagusan na pinagsikapan ni Jonathan na daanan tungo sa himpilan ng mga Filisteo ay mayroong isang batong maraming tulis sa isang dako at isang batong maraming tulis sa kabilang dako. Ang pangalan ng isa ay Boses at ang pangalan ng isa pa ay Sene.
5 Ang isang tulis ay pataas sa hilaga sa tapat ng Mikmas, at ang isa ay sa timog sa tapat ng Geba.
6 Sinabi ni Jonathan sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo ay dumaan sa himpilan ng mga hindi tuling ito. Marahil ang Panginoon ay tutulong sa atin sapagkat walang makakahadlang sa Panginoon na magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti.”
7 At sinabi sa kanya ng kanyang tagadala ng sandata, “Gawin mo ang lahat ng nasa isip mo; ako'y kasama mo, kung ano ang nasa isip mo ay gayundin ang sa akin.”
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ngayon ay lampasan natin ang mga lalaking iyon, at ipakita natin ang ating sarili sa kanila.
9 Kapag sinabi nila sa atin, ‘Maghintay kayo hanggang sa kami ay dumating sa inyo;’ ay maghihintay nga tayo sa ating lugar at hindi aahon sa kanila!
10 Ngunit kapag sinabi nila, ‘Umahon kayo sa amin,’ ay aahon nga tayo sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa ating kamay. Ito ang magiging tanda sa atin.”
11 Kaya't kapwa sila nagpakita sa himpilan ng mga Filisteo. Sinabi ng mga Filisteo, “Tingnan ninyo, ang mga Hebreo ay lumabas sa mga lungga na kanilang pinagtaguan.”
12 Tinawag ng mga lalaki sa himpilan si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata, at sinabi, “Umahon kayo rito at mayroon kaming ipapakita sa inyo.” At sinabi ni Jonathan sa kanyang tagadala ng sandata, “Umahon ka na kasunod ko, sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel.”
13 At umakyat si Jonathan sa pamamagitan ng kanyang mga kamay at paa at ang kanyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. Ang mga Filisteo[b] ay nabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga iyo'y pinagpapatay ng kanyang tagadala ng sandata na kasunod niya.
14 Sa unang pagpatay na iyon na ginawa ni Jonathan at ng kanyang tagadala ng sandata, may dalawampung lalaki ang napatay sa nasasakupan ng kalahating tudling sa isang acre[c] ng lupa.
15 Nagkaroon ng kaguluhan sa kampo, sa parang, at sa buong bayan. Ang himpilan at ang mga mandarambong ay nanginig din; nayanig ang lupa, at ito'y naging isang napakalaking pagkasindak.
Tinawag si Saulo(A)
9 Samantala, si Saulo na may masidhing pagbabanta ng kamatayan laban sa mga alagad ng Panginoon ay pumunta sa pinakapunong pari.
2 Humingi siya sa pinakapunong pari[a] ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, mga lalaki o mga babae, ay dadalhin niya silang nakagapos sa Jerusalem.
3 Sa kanyang paglalakbay, dumating siya sa malapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit.
4 Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?”
5 Sinabi niya, “Sino ka, Panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig.
6 Tumindig ka at pumasok sa lunsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.”
7 Ang mga taong naglalakbay na kasama niya ay hindi makapagsalita, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit walang nakikitang sinuman.
8 Tumindig si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata, ay wala siyang makita; kaya't kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco.
9 Sa loob ng tatlong araw, siya'y walang paningin at hindi kumain ni uminom man.
Ipinako si Jesus(A)
26 Habang kanilang dinadala siyang papalayo, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus.
27 Siya'y sinundan ng napakaraming tao, at ng mga babaing nagdadalamhati at nag-iiyakan para sa kanya.
28 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak.
29 Sapagkat narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, ‘Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyan na kailanma'y hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailanman ay hindi nagpasuso!’
30 At(B) sila'y magpapasimulang magsalita sa mga bundok, ‘Bumagsak kayo sa amin,’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami.’
31 Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito kapag ang punungkahoy ay sariwa, anong mangyayari kapag ito ay tuyo?
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001