Book of Common Prayer
Miktam ni David.
16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
2 Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”
3 Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
sa kanila ako lubos na natutuwa.
4 Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.
5 Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
ang aking kapalaran ay hawak mo.
6 Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
oo, ako'y may mabuting mana.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
8 Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.
11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.
Panalangin ni David.
17 O Panginoon, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing!
Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin.
2 Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan,
makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran!
3 Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi,
nilitis mo ako at wala kang natagpuan,
ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo,
ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko.
5 Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas,
ang aking mga paa ay hindi nadulas.
6 Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin,
ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin.
7 Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal,
O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan
mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay.
8 Gaya ng itim ng mata, ako ay ingatan mo,
sa lilim ng iyong mga pakpak, ako ay ikubli mo,
9 mula sa masama na nananamsam sa akin,
sa nakakamatay kong mga kaaway na pumapalibot sa akin.
10 Isinara nila ang kanilang mga puso sa kahabagan,
sa kanilang bibig ay nagsalita sila na may kapalaluan.
11 Kinubkob nga nila kami sa aming mga hakbang;
itinititig nila ang kanilang mga mata upang sa lupa kami ay ibuwal.
12 Sila'y parang leong sabik na manluray,
parang batang leon na sa mga tagong dako ay nag-aabang.
13 O Panginoon, bumangon ka, harapin mo sila, ibagsak mo sila!
Iligtas mo sa masama ang buhay ko sa pamamagitan ng tabak mo,
14 mula sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, O Panginoon ko,
mula sa mga tao na ang bahagi sa buhay ay sa sanlibutang ito.
At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan,
sila'y nasisiyahan na kasama ng mga anak,
at iniiwan nila ang kanilang kayamanan sa kanilang mga sanggol.
15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran;
kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang iyong anyo at masisiyahan.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Usa ng Pagbubukang-liwayway. Awit ni David.
22 Diyos(A) ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan?
2 O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang,
at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan.
3 Gayunman ikaw ay banal,
nakaluklok sa mga papuri ng Israel.
4 Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala,
sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila.
5 Sa iyo sila'y dumaing at naligtas;
sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo.
6 Ngunit ako'y uod at hindi tao,
kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan.
7 Silang(B) lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako;
nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo,
8 “Ipinagkatiwala(C) niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya,
hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!”
9 Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata;
iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina.
10 Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal,
at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw.
11 Sa akin ay huwag kang lumayo,
sapagkat malapit ang gulo,
at walang sinumang sasaklolo.
12 Pinaliligiran ako ng maraming toro,
ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako.
13 Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang,
gaya ng sumasakmal at leong umuungal.
14 Ako'y ibinubuhos na parang tubig,
at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit;
ang aking puso ay parang pagkit,
ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga.
16 Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin;
pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama;
binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang,
sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan.
18 Kanilang(D) pinaghatian ang aking mga kasuotan,
at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.
19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!
22 Sa(E) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.
25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.
27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
na dito ay siya ang may kagagawan.
Sa Malta
28 Nang kami'y makaligtas na, noon namin nalaman na ang pulo ay tinatawag na Malta.
2 Pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kabutihan ng mga katutubo, sapagkat sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa nagsimula nang umulan at maginaw.
3 Ngunit pagkatapos matipon ni Pablo ang isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kanyang kamay.
4 Nang makita ng mga katutubo ang hayop na nakabitin sa kanyang kamay, ay sinabi sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong ito. Kahit siya'y nakatakas sa dagat, gayunma'y hindi hinayaan ng Katarungan na siya'y mabuhay.”
5 Ngunit ipinagpag niya ang hayop sa apoy at siya'y hindi nasaktan.
6 Naghintay sila na inaasahang mamamaga siya o biglang mabuwal na patay; subalit nang matagal na silang naghihintay, at nakitang walang masamang nangyari sa kanya ay nagbago ang kanilang isip at nagsabing siya'y isang diyos.
7 Malapit sa lugar na iyon ay may mga lupaing pag-aari ng pinuno ng pulong iyon, na ang pangalan ay Publio, na tumanggap sa amin at kinupkop kami na may kagandahang-loob sa loob ng tatlong araw.
8 Nagkataon na nakaratay ang ama ni Publio na maysakit na lagnat at disenteriya. Pinuntahan siya ni Pablo at nanalangin, at nang maipatong sa kanya ang kanyang mga kamay ay pinagaling siya.
9 Pagkatapos mangyari ito, nagtungo rin doon ang ibang maysakit sa pulo at sila'y pinagaling.
10 Kami nama'y kanilang binigyan ng maraming parangal; at nang maglalayag na kami ay kanilang isinakay sa barko ang mga bagay na kailangan namin.
Mula sa Malta Patungong Roma
11 Makaraan ang tatlong buwan ay naglayag kami sa isang barkong Alejandria na nagpalipas ng tagginaw sa pulo, na ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal.
12 Nang dumaong kami sa Siracusa ay tumigil kami roon ng tatlong araw.
13 Mula roo'y lumigid kami at nakarating sa Regio; at pagkaraan ng isang araw ay humihip ang hanging habagat, at nang ikalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli.
14 Doon ay nakatagpo kami ng mga kapatid, at kami'y pinakiusapan nilang tumigil sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa gayo'y nakarating kami sa Roma.
15 Ang mga kapatid doon, nang mabalitaan ang tungkol sa amin, ay dumating mula sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan upang salubungin kami. Pagkakita sa kanila, si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang kanyang loob.
Sa Roma
16 Nang makarating kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang manirahang mag-isa kasama ang kawal na sa kanya'y nagbabantay.
Ang Pagbabagong Anyo(A)
28 At(B) pagkaraan ng mga walong araw pagkatapos ng mga salitang ito, isinama ni Jesus[a] sina Pedro, Juan, at Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin.
29 Samantalang siya'y nananalangin, ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti.
30 At biglang may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias,
31 na nagpakita sa kaluwalhatian at nag-usap tungkol sa pagpanaw niya na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem.
32 Si Pedro at ang kanyang mga kasamahan ay nakatulog nang mahimbing, subalit nang sila'y nagising ay nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya.
33 At samantalang sila'y papalayo sa kanya, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo'y dumito. Gumawa tayo ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias,” na hindi nalalaman ang kanyang sinabi.
34 Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, dumating ang isang ulap, at sila'y nililiman. Sila'y natakot nang sila'y pumasok sa ulap.
35 At(C) may tinig na nanggaling sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, ang aking Pinili,[b] makinig kayo sa kanya!”
36 Pagkatapos magsalita ng tinig, si Jesus ay natagpuang nag-iisa. At sila'y nanatiling tahimik at hindi sinabi kanino man ng mga araw na iyon ang alinman sa mga bagay na kanilang nakita.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001