Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:145-176

COPH.

145 O Panginoon, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin,
    iingatan ko ang iyong mga tuntunin.
146 Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako,
    upang aking matupad ang mga patotoo mo.
147 Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako;
    ako'y umaasa sa mga salita mo.
148 Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay,
    upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay.
149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal;
    O Panginoon, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan.
150 Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit,
    sila'y malayo sa iyong mga tuntunin.
151 Ngunit ikaw ay malapit, O Panginoon;
    at lahat mong utos ay katotohanan.
152 Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo
    na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito.

RESH.

153 Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako;
    sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
154 Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako,
    muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako!
155 Ang kaligtasan ay malayo sa masama,
    sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas.
156 O Panginoon, dakila ang kaawaan mo,
    muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo.
157 Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko;
    ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo.
158 Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam,
    sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita.
159 Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo!
    Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo.
160 Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan;
    at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman.

SIN.

161 Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan,
    ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita
    gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam.
163 Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan,
    ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
164 Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko,
    sapagkat matuwid ang mga batas mo.
165 May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan,
    walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.
166 O Panginoon, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako,
    at tinutupad ko ang mga utos mo.
167 Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
    lubos ko silang minamahal.
168 Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
    sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo.

TAU.

169 O Panginoon, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa;
    bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita!
170 Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa,
    iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko,
    sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo.
172 Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita,
    sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid.
173 Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako,
    sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo.
174 O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan,
    at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan.
175 Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo,
    at tulungan nawa ako ng mga batas mo.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod,
    sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.

Mga Awit 128-130

Awit ng Pag-akyat.

128 Ang bawat may takot sa Panginoon ay mapalad,
    na sa kanyang mga daan ay lumalakad.
Kakainin mo ang bunga ng paggawa ng iyong mga kamay;
    ikaw ay magiging masaya at ito'y magiging mabuti sa iyo.

Ang asawa mo'y magiging gaya ng mabungang puno ng ubas
    sa loob ng iyong tahanan;
ang mga anak mo'y magiging gaya ng mga puno ng olibo
    sa palibot ng iyong hapag-kainan.
Narito, ang taong may takot sa Panginoon,
    ay pagpapalain ng ganito.
Pagpalain ka ng Panginoon mula sa Zion!
    Ang kaunlaran ng Jerusalem ay iyo nawang masaksihan
    sa lahat ng mga araw ng iyong buhay!
Ang mga anak ng iyong mga anak ay iyo nawang mamasdan,
    mapasa Israel nawa ang kapayapaan!

Awit ng Pag-akyat.

129 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,”
    sabihin ngayon ng Israel—
“Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,
    gayunma'y laban sa akin ay hindi sila nagtagumpay.
Inararo ng mga mag-aararo ang likod ko;
    kanilang pinahaba ang mga tudling nila.”
Matuwid ang Panginoon;
    ang mga panali ng masama ay kanyang pinutol.
Lahat nawa ng napopoot sa Zion,
    ay mapahiya at mapaurong!
Maging gaya nawa sila ng damo sa mga bubungan,
    na natutuyo bago pa ito tumubo man,
sa mga ito'y hindi pinupuno ng manggagapas ang kanyang kamay,
    ni ng nagtatali ng mga bigkis ang kanyang kandungan.
Hindi rin sinasabi ng mga nagdaraan,
    “Ang pagpapala nawa ng Panginoon ay sumainyo!
    Sa pangalan ng Panginoon ay binabasbasan namin kayo!”

Awit ng Pag-akyat.

130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
    Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
    Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!

Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
    O Panginoon, sino kayang makakatagal?
Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
    upang ikaw ay katakutan.
Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
    at sa kanyang salita ako ay umaasa;
sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
    higit pa kaysa bantay sa umaga;
    tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.

O Israel, umasa ka sa Panginoon!
    Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
    at sa kanya ay may saganang katubusan.
Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
    mula sa lahat niyang pagkakasala.

Mikas 2

Ang Kapalaran ng mga Umaapi sa mga Dukha

Kahabag-habag sila na nagbabalak ng kasamaan,
    at gumagawa ng kasamaan sa kanilang mga higaan!
Kapag dumating ang umaga, ay ginagawa nila ito,
    sapagkat ito'y nasa kapangyarihan ng kanilang kamay.
Sila'y nag-iimbot ng mga bukid, at kanilang kinakamkam;
    at ng mga bahay at kanilang kinukuha;
at kanilang inaapi ang isang tao at ang kanyang sambahayan,
    ang tao at ang kanyang mana.
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
Laban sa angkang ito ay nagbabalak ako ng kasamaan
    na doo'y hindi ninyo maaalis ang inyong mga leeg,
ni makalalakad man na may kahambugan;
    sapagkat iyon ay magiging isang masamang panahon.
Sa araw na iyon ay aawit ako nang pagtuya laban sa inyo,
    at mananaghoy ng mapait na panaghoy,
at sasabihin, “Kami ay lubos na nasira;
    kanyang binabago ang bahagi ng aking bayan;
ano't inilalayo niya sa akin!
    Kanyang binabahagi ang aming mga bukid sa mga bumihag sa amin.”
Kaya't mawawalan ka na ng maghahagis ng pisi sa pamamagitan ng palabunutan
    sa kapulungan ng Panginoon.
“Huwag kayong mangaral”—ganito sila nangangaral—
    “walang dapat mangaral ng gayong mga bagay;
    hindi tayo aabutan ng kahihiyan.”
Ito ba ay dapat sabihin, O sambahayan ni Jacob,
    Ang pagtitiis ba ng Panginoon ay ubos na?
    Ang mga ito ba ang kanyang mga gawa?
Di ba ang aking mga salita ay gumagawa ng mabuti
    sa lumalakad nang matuwid?
Kamakailan ang aking bayan ay bumangon na gaya ng isang kaaway:
    inyong hinubaran ng kasuotan
ang mga walang malay na nagdaraan,
    na galing sa digmaan.
Ang mga babae ng aking bayan ay inyong pinalalayas
    sa kanilang masasayang bahay;
mula sa kanilang mga bata ay inyong inaalis
    ang aking kaluwalhatian magpakailanman.
10 Bumangon kayo at humayo,
    sapagkat hindi ito lugar na pahingahan;
dahil sa karumihan na lumilipol
    sa pamamagitan ng malubhang pagkawasak.
11 Kung ang isang tao ay lumalakad at nagsasalita ng hangin at kasinungalingan,
    na nagsasabi, “Ako'y mangangaral sa iyo tungkol sa alak at matapang na inumin.”
    Siya ang magiging tagapagsalita para sa bayang ito!

12 Tiyak na titipunin ko kayong lahat, O Jacob,
    aking titipunin ang nalabi ng Israel;
akin silang ilalagay na magkakasama
    na parang mga tupa sa isang kulungan,
na parang kawan sa pastulan nito,
    isang maingay na pulutong ng mga tao.
13 Nangunguna sa kanila ang nagbubukas ng daan;
    sila'y lalampas at daraan sa pintuan
    at lalabas doon.
Ang kanilang hari ay daraan sa harapan nila,
    at ang Panginoon ang nasa unahan nila.

Mga Gawa 23:23-35

Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix

23 Pagkatapos ay kanyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, “Sa ikatlong oras[a] ng gabi, ihanda ninyo ang dalawandaang kawal kasama ang pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea.

24 Ipaghanda rin ninyo sila ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ihatid na ligtas kay Felix na gobernador.”

25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:

26 “Si Claudio Lisias sa kagalang-galang na gobernador Felix, ay bumabati.

27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin sana nila, ngunit nang malaman kong siya'y mamamayan ng Roma dumating ako na may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko.

28 At sa pagnanais kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay dinala ko siya sa kanilang Sanhedrin.

29 Nalaman ko na siya'y kanilang isinasakdal tungkol sa mga usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang anumang paratang laban sa kanya na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.

30 Nang ipaalam sa akin na may banta laban sa taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at aking ipinag-utos din sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang laban sa kanya.”

31 Kaya't kinuha si Pablo ng mga kawal, ayon sa iniutos sa kanila, at nang gabi ay dinala siya sa Antipatris.

32 Nang sumunod na araw, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa himpilan.

33 Nang makarating sila sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, iniharap din nila si Pablo sa kanya.

34 At pagkabasa sa sulat, itinanong niya kung taga-saang lalawigan siya at nang malaman niya na siya'y taga-Cilicia,

35 ay sinabi niya, “Papakinggan kita pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niya na siya'y bantayan sa palasyo ni Herodes.

Lucas 7:18-35

Ang mga Sugo mula kay Juan na Tagapagbautismo(A)

18 Ibinalita sa kanya ng mga alagad ni Juan ang lahat ng mga bagay na ito.

19 Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon na nagsasabi, “Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?”

20 At pagdating ng mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, “Sinugo kami sa iyo ni Juan na Tagapagbautismo na nagsasabi, ‘Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?’”

21 Nang oras na iyon ay pinagaling ni Jesus[a] ang marami sa mga sakit, salot at masasamang espiritu, at ang maraming bulag ay binigyan niya ng paningin.

22 At(B) sumagot siya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakikita at naririnig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay muling binubuhay, sa mga dukha ay ipinangangaral ang magandang balita.

23 At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.”

24 Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan ay nagpasimula siyang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan. “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin?

25 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga damit na malambot? Masdan ninyo, ang nagdadamit ng magagara at namumuhay ng marangya ay nasa mga palasyo ng mga hari.

26 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.

27 Ito(C) yaong tungkol sa kanya ay nasusulat,

‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan[b]
na maghahanda ng iyong daan sa iyong harapan.’

28 Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang higit na dakila kay Juan, subalit ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa kanya.”

29 (Nang(D) marinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis ay kanilang kinilala ang katuwiran ng Diyos, sapagkat sila ay nagpabautismo sa bautismo ni Juan.

30 Subalit tinanggihan ng mga Fariseo at ng mga dalubhasa sa Kautusan ang layunin ng Diyos para sa kanila sa hindi nila pagpapabautismo sa kanya.)

31 “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ng lahing ito at ano ang kanilang katulad?

32 Tulad sila sa mga batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa, na sinasabi,

‘Tinutugtugan namin kayo ng plauta at hindi kayo sumayaw;
    tumangis kami at hindi kayo umiyak.’

33 Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, ‘Siya'y may demonyo.’

34 Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at inyong sinasabi, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’

35 Kaya't ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng kanyang mga anak.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001