Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 41

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
    Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
    siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
    hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
    sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.

Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
    pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
    “Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
    habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
    kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
    kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.

Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
    hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
    na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
    at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!

11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
    dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
    at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.

13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.

Mga Awit 52

Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos

Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”

52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
    Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
    Sa buong araw
    ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
    ikaw na gumagawa ng kataksilan.
Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
    at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
    O ikaw na mandarayang dila.

Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
    aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
    at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
Makikita ng matuwid, at matatakot,
    at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
“Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
    at nagpakalakas sa kanyang nasa.”

Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
    sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
    magpakailanpaman.
Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
    sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
    sa harapan ng mga banal.

Mga Awit 44

Panalangin para sa Pag-iingat

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

44 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos,
    isinaysay sa amin ng aming mga ninuno,
kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila,
    nang mga unang araw:
sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa,
    ngunit itinanim mo sila;
iyong pinarusahan ang mga bayan,
    at iyong ikinalat sila.
Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
    ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay;
kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig,
    at ng liwanag ng iyong mukha,
    sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila.

Ikaw ang aking Hari at aking Diyos,
    na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob.
Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:
    sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin.
Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana,
    ni ililigtas man ako ng aking tabak.
Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
    at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan.
Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki,
at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah)

Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
    at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Pinatalikod mo kami sa kaaway;
    at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11 Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
    at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
    at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.

13 Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
    ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14 Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
    isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
    at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16 dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
    dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.

17 Lahat ng ito'y dumating sa amin;
    bagaman hindi ka namin kinalimutan,
    at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
    ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
    at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.

20 Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
    o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21 hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
    Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Dahil(A) sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
    at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.

23 Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
    Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
    Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25 Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
    ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
    Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!

Error: 'Ecclesiastico 19:4-17' not found for the version: Ang Biblia, 2001
Apocalipsis 11:1-14

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos(A) ay binigyan ako ng isang tambong panukat na tulad ng isang tungkod, at sinabi sa akin, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, ang dambana, at ang mga sumasamba roon.

Ngunit(B) huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo; pabayaan mo na iyon, sapagkat ibinigay iyon sa mga bansa at kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.

Papahintulutan ko ang aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit-sako.”

Ang(C) mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.

At kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, siya'y kailangang patayin sa ganitong paraan.

Ang(D) mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang pagpapahayag ng propesiya at may kapangyarihan sila sa mga tubig na gawing dugo, at pahirapan ang lupa ng bawat salot sa tuwing kanilang naisin.

At(E) kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin.

At(F) ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.

Pagmamasdan ng mga tao mula sa mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa ang kanilang mga bangkay sa loob ng tatlong araw at kalahati, at hindi ipahihintulot na ang kanilang mga bangkay ay mailibing.

10 At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila'y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.

11 Ngunit(G) pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila'y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.

12 At(H) narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, “Umakyat kayo rito!” At sila'y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.

13 At(I) nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit.

14 Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit nang dumating.

Lucas 11:14-26

Jesus at Beelzebul(A)

14 At noon ay nagpalayas si Jesus[a] ng isang demonyong pipi. Nang makalabas na ang demonyo, ang dating pipi ay nagsalita at namangha ang maraming tao.

15 Subalit(B) sinabi ng ilan sa kanila, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, na pinuno ng mga demonyo.”

16 At(C) ang iba naman upang siya ay subukin ay hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit.

17 Subalit dahil batid niya ang kanilang iniisip ay sinabi niya sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay nawawasak at ang bahay na laban sa sarili[b] ay nagigiba.

18 At kung si Satanas ay nahahati rin laban sa kanyang sarili, paanong tatatag ang kanyang kaharian? Sapagkat sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul.

19 At kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa pamamagitan naman nino pinalalayas sila ng inyong mga anak? Kaya't sila ang inyong magiging mga hukom.

20 Ngunit kung sa pamamagitan ng daliri ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos.

21 Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahang mabuti ay nagbabantay sa kanyang sariling palasyo, ang kanyang mga ari-arian ay ligtas.

22 Subalit kung may dumating na mas malakas kaysa kanya at siya'y talunin, kukunin nito sa kanya ang lahat ng sandata na kanyang pinagtiwalaan at ipamimigay nito ang mga nasamsam niya.

23 Ang(D) hindi panig sa akin ay laban sa akin at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat.

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(E)

24 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala ito sa mga lugar na walang tubig at humahanap ng mapapagpahingahan; at kapag hindi nakatagpo ay sinasabi nito, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’

25 At pagdating nito ay natagpuan nitong nawalisan at maayos na.

26 Kaya't umaalis siya at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit pang masasama kaysa kanya. Sila'y pumapasok at tumitira roon at ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa noong una.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001