Book of Common Prayer
Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan
106 Purihin(A) ang Panginoon!
O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
3 Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.
4 Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
5 upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.
6 Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
7 Hindi(B) naunawaan ng aming mga magulang
ang iyong mga kababalaghan sa Ehipto;
hindi nila naalala ang kasaganaan ng iyong mga kagandahang-loob,
kundi naghimagsik sa dagat, sa Dagat na Pula.
8 Gayunma'y iniligtas niya sila alang-alang sa kanyang pangalan,
upang kanyang maipakilala ang kanyang malakas na kapangyarihan.
9 Kanyang(C) sinaway ang Dagat na Pula, at ito'y natuyo,
pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman na parang sa ilang.
10 Kaya't iniligtas niya sila sa kamay ng namumuhi,
at iniligtas niya sila sa kapangyarihan ng kaaway.
11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway;
walang nalabi sa kanila kahit isa man lamang.
12 Nang(D) magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kanyang mga salita;
inawit nila ang kanyang kapurihan.
13 Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa;
hindi nila hinintay ang kanyang payo.
14 Kundi(E) sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang,
at tinukso nila ang Diyos sa ilang.
15 Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling,
ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila.
16 Nang(F) ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises
at Aaron, na banal ng Panginoon,
17 ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon,
at tinabunan ang kay Abiram na pulutong.
18 Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong;
sinunog ng apoy ang masasama.
19 Sila'y(G) gumawa sa Horeb ng guya,
at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.
24 Kanilang(H) hinamak ang lupaing maganda,
yamang wala silang pananampalataya sa pangako niya.
25 Sila'y nagmaktol sa mga tolda nila,
at ang tinig ng Panginoon ay hindi nila sinunod.
26 Kaya't itinaas niya ang kanyang kamay,
na sa ilang sila'y kanyang ibubuwal,
27 at(I) ang kanilang binhi sa mga bansa ay itatapon,
at ikakalat sila sa mga lupain.
28 At(J) iniugnay nila ang kanilang sarili sa Baal-peor,
at kumain ng mga handog na inialay sa mga patay;
29 kanilang ginalit ang Panginoon sa pamamagitan ng mga gawa nila,
at isang salot ang lumitaw sa gitna nila.
30 Nang magkagayo'y tumayo si Finehas at namagitan,
at ang salot ay napigilan.
31 At iyon ay itinuring sa kanya bilang katuwiran,
mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi magpakailanman.
32 Kanilang(K) ginalit siya sa tubig ng Meriba,
at ito'y naging masama kay Moises dahil sa kanila;
33 sapagkat sila'y mapanghimagsik laban sa kanyang diwa,
at siya'y nagsalitang padalus-dalos sa kanyang mga labi.
34 Ang(L) mga bayan ay hindi nila nilipol,
gaya ng iniutos sa kanila ng Panginoon;
35 kundi nakihalo sila sa mga bansa,
at natuto ng kanilang mga gawa.
36 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan nila,
na naging bitag sa kanila.
37 Kanilang(M) inialay ang kanilang mga anak na lalaki
at ang mga anak na babae sa mga demonyo,
38 nagbuhos(N) sila ng walang salang dugo,
ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae,
na kanilang inialay sa diyus-diyosan ng Canaan;
at ang lupain sa dugo ay nadumihan.
39 Gayon sila naging karumaldumal sa pamamagitan ng kanilang mga gawa,
at naging upahang babae sa kanilang mga gawa.
40 Kaya't(O) nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
at ang kanyang pamana ay kanyang kinasuklaman,
41 sa kamay ng mga bansa ay ibinigay niya sila,
kaya't pinamunuan sila ng mga napopoot sa kanila.
42 Pinagmalupitan sila ng kanilang mga kalaban,
at sila'y ipinaalipin sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.
43 Iniligtas niya sila nang maraming ulit,
ngunit sa kanilang mga payo sila'y mapanghimagsik,
at sila'y ibinaba dahil sa kanilang kasamaan.
44 Gayunma'y pinahalagahan niya ang kanilang pagtitiis,
nang kanyang marinig ang kanilang pagdaing.
45 Kanyang naalala alang-alang sa kanila ang kanyang tipan,
at siya'y nagsisi ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal.
46 Ginawa niyang sila'y kaawaan
sa harap ng lahat ng bumihag sa kanila.
47 O(P) Panginoon naming Diyos, kami ay iligtas mo,
at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo,
upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan!
At sabihin ng buong bayan, “Amen.”
Purihin ang Panginoon!
Panawagan upang Magsisi
14 O Israel, manumbalik ka sa Panginoon mong Diyos;
sapagkat ikaw ay nabuwal dahil sa iyong kasamaan.
2 Magdala kayo ng mga salita,
at manumbalik kayo sa Panginoon;
sabihin ninyo sa kanya,
“Alisin mo ang lahat ng kasamaan,
tanggapin mo ang mabuti;
at aming ihahandog
ang bunga ng aming mga labi.
3 Hindi kami ililigtas ng Asiria;
hindi kami sasakay sa mga kabayo;
hindi na kami magsasabi
sa gawa ng aming mga kamay, ‘Aming Diyos.’
Sa iyo'y nakakatagpo ng awa ang ulila.”
4 Aking gagamutin ang kanilang pagtataksil,
malaya ko silang iibigin;
sapagkat ang aking galit ay naalis na sa kanila.
5 Ako'y magiging tulad ng hamog sa Israel;
siya'y mamumukadkad gaya ng liryo,
at kakalat ang kanyang ugat tulad ng Lebanon.
6 Ang kanyang mga sanga ay yayabong,
at ang kanyang kagandahan ay magiging gaya ng puno ng olibo,
at ang kanyang bango ay tulad ng Lebanon.
7 Sila'y muling maninirahan sa kanyang lilim
sila'y lalago gaya ng trigo,
at mamumulaklak na gaya ng puno ng ubas,
at ang kanilang bango ay magiging gaya ng alak ng Lebanon.
8 O Efraim, ano ba ang kinalaman ko sa mga diyus-diyosan?
Ako ang siyang sumasagot at nagbabantay sa iyo.[a]
Ako'y tulad sa sipres na laging luntian,
sa akin nanggagaling ang iyong bunga.
9 Sinuman ang pantas, unawain niya ang mga bagay na ito;
sinumang may pang-unawa, alamin niya ang mga ito;
sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay matuwid,
at nilalakaran ng mga taong matuwid,
ngunit natitisod sa mga iyon ang mga makasalanan.
Si Pablo sa Harap ng Sanhedrin
30 Nang sumunod na araw, dahil sa pagnanais na malaman ang tunay na dahilan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio ay kanyang pinawalan siya at iniutos sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong. Pinababa niya si Pablo at iniharap sa kanila.
23 Habang nakatitig na mabuti si Pablo sa Sanhedrin, ay sinabi niya, “Mga ginoo, mga kapatid, hanggang sa mga araw na ito, ako'y nabuhay nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos.”
2 Pagkatapos, ipinag-utos ng pinakapunong paring si Ananias sa mga nakatayong malapit sa kanya na siya'y hampasin sa bibig.
3 Nang(A) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang ako'y hatulan ayon sa kautusan, ngunit ako'y ipinahahampas mo nang labag sa kautusan?”
4 Sinabi ng mga nakatayo sa malapit, “Nilalait mo ba ang pinakapunong pari ng Diyos?”
5 At(B) sinabi ni Pablo, “Hindi ko alam, mga kapatid, na siya'y pinakapunong pari, sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’”
6 Nang(C) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanhedrin, “Mga ginoo, mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Ako'y nililitis tungkol sa pag-asa at muling pagkabuhay ng mga patay.”
7 Nang sabihin niya ito, nagkaroon ng pagtatalo ang mga Fariseo at mga Saduceo; at nahati ang kapulungan.
8 (Sapagkat(D) sinasabi ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, o anghel, o espiritu; ngunit pinaniniwalaan ng mga Fariseo ang lahat ng ito.)
9 Pagkatapos ay nagkaroon ng malakas na sigawan, at tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainitang nagtalo na sinasabi, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?”
10 Nang lumalaki ang kaguluhan, sa takot ng pinunong kapitan na baka lurayin nila si Pablo, ay pinababa ang mga kawal, sapilitang ipinakuha siya at siya'y ipinasok sa himpilan.
11 Nang gabing iyon, lumapit sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
39 Sinabi(A) naman niya sa kanila ang isang talinghaga: “Maaari bang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay?
40 Ang(B) alagad ay hindi nakahihigit sa kanyang guro, subalit ang sinumang ganap na sinanay ay nagiging tulad na ng kanyang guro.
41 Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa iyong sariling mata?
42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid hayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso na nasa iyong sariling mata, at makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
Ang Punungkahoy at ang Bunga Nito(C)
43 “Sapagkat walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama, at wala rin namang masamang punungkahoy na mabuti ang bunga.
44 Sapagkat(D) ang bawat punungkahoy ay nakikilala sa kanyang sariling bunga. Sapagkat ang mga igos ay di naaani mula sa mga tinikan at hindi napipitas ang mga ubas sa dawagan.
45 Ang(E) mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig.
Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(F)
46 “Bakit tinatawag ninyo akong, ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko?
47 Ipapakita ko sa inyo kung ano ang katulad ng bawat lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at ginagawa ang mga ito.
48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at inilagay ang pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumating ang isang baha, humampas ang tubig sa bahay na iyon, ngunit hindi ito natinag, sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito.[a]
49 Subalit ang nakikinig at hindi ginagawa ang mga ito ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang pundasyon. Nang ito'y hampasin ng ilog ay kaagad na nagiba at malaki ang pagkasira ng bahay na iyon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001