Book of Common Prayer
Ang Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
ay nagsalita at tinatawag ang lupa
mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
2 Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
nagliliwanag ang Diyos.
3 Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
4 Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
5 “Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
6 Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
9 Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.
12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”
16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
“Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
at sumasama ka sa mga mangangalunya.
19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
Panalangin(A) upang Ingatan
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.
59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
2 Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
3 Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
4 sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
5 Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)
6 Tuwing hapon ay bumabalik sila,
tumatahol na parang aso,
at nagpapagala-gala sa lunsod.
7 Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”
8 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
9 Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13 Pugnawin mo sila sa poot,
pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
na tumatahol na parang aso
at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
at tumatahol kapag hindi sila nabusog.
16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.
Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Shushan Eduth. Miktam ni David; para sa pagtuturo; nang siya ay makipaglaban kay Aramharain at Aram-zobah, at nang patayin ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.
60 O Diyos, kami ay iyong tinalikuran, winasak mo kami.
Ikaw ay nagalit; O ibalik mo kami.
2 Iyong niyanig ang lupain, iyong ibinuka;
kumpunihin mo ang mga sira niyon, sapagkat ito'y umuuga.
3 Pinaranas mo ng mahihirap na mga bagay ang iyong bayan;
binigyan mo kami ng alak na inumin na nagpasuray sa amin.
4 Naglagay ka ng watawat para sa mga natatakot sa iyo,
upang ito'y mailantad dahil sa katotohanan. (Selah)
5 Upang ang iyong minamahal ay mailigtas,
bigyan ng tagumpay sa pamamagitan ng iyong kanang kamay at sagutin mo kami.
6 Nagsalita ang Diyos sa kanyang santuwaryo,
“Ako'y magsasaya, aking hahatiin ang Shekem,
at aking susukatin ang Libis ng Sucot.
7 Ang Gilead ay akin, ang Manases ay akin;
ang Efraim din ay helmet ng ulo ko,
ang Juda ay aking setro.
8 Ang Moab ay aking hugasan;
sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
Filistia, dahil sa akin, sumigaw ka ng malakas.”
9 Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10 Hindi mo ba kami tinalikuran, O Diyos?
At hindi ka ba hahayo, O Diyos, na kasama ng aming mga hukbo?
11 O pagkalooban mo kami ng tulong laban sa kaaway,
sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao!
12 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
sapagkat siya ang tatapak sa aming mga kaaway.
Awit ng Papuri.
33 Magalak kayo sa Panginoon, O kayong matutuwid.
Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid.
2 Purihin ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng lira,
gumawa kayo ng himig sa kanya sa may sampung kuwerdas na alpa!
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit;
tumugtog na may kahusayan sa mga kuwerdas, na may sigaw na malalakas.
4 Sapagkat ang salita ng Panginoon ay makatuwiran,
at lahat niyang mga gawa ay ginawa sa katapatan.
5 Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig,
punô ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit;
at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig.
7 Kanyang tinipon ang mga tubig ng dagat na gaya sa isang bunton;
inilagay niya ang mga kalaliman sa mga imbakan.
8 Matakot nawa sa Panginoon ang sandaigdigan,
magsitayo nawang may paggalang sa kanya ang lahat ng naninirahan sa sanlibutan!
9 Sapagkat siya'y nagsalita at iyon ay naganap,
siya'y nag-utos, at iyon ay tumayong matatag.
10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa;
kanyang binibigo ang mga panukala ng mga bayan.
11 Ang payo ng Panginoon kailanman ay nananatili,
ang mga iniisip ng kanyang puso sa lahat ng salinlahi.
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!
13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.
18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.
20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
kung paanong kami ay umaasa sa iyo.
7 At(A) nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma,
8 ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit.
9 At(B) itinapon ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang mandaraya sa buong sanlibutan; siya'y itinapon sa lupa at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya.
10 At(C) narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi,
“Ngayo'y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan,
at ang kaharian ng ating Diyos,
at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo,
sapagkat itinapon na ang tagapag-paratang sa ating mga kapatid
na siyang nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos, araw at gabi.
11 At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero,
at dahil sa salita ng kanilang patotoo,
sapagkat hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan.
12 Kaya't magalak kayo, O mga langit
at kayong mga naninirahan diyan!
Kahabag-habag ang lupa at dagat
sapagkat ang diyablo'y bumaba sa inyo
na may malaking poot,
palibhasa'y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!”
13 Nang makita ng dragon na siya'y itinapon sa lupa, inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalaki.
14 Ngunit(D) ang babae'y binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad siya mula sa harap ng ahas patungo sa ilang hanggang sa kanyang lugar, na pinaalagaan sa kanya ng isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.
15 At ang ahas ay nagbuga mula sa kanyang bibig ng tubig sa babae na gaya ng isang ilog upang tangayin siya ng agos.
16 Ngunit ang babae ay tinulungan ng lupa at ibinuka nito ang kanyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon mula sa kanyang bibig.
17 Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang digmain ang nalabi sa binhi ng babae, ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at ang mga may patotoo ni Jesus.
53 Paglabas niya roon, nagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na pag-initan siya nang matindi at pagtatanungin siya tungkol sa maraming bagay,
54 na nag-aabang sa kanya upang hulihin siya sa kanyang sasabihin.
Ang Babala Laban sa Pagkukunwari(A)
12 Samantala,(B) nang magkatipon ang libu-libong tao, na anupa't sila'y nagkakatapakan na sa isa't isa, nagpasimula siyang magsalita muna sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y pagkukunwari.
2 Walang(C) bagay na natatakpan na hindi mabubunyag, at walang bagay na natatago na hindi malalaman.
3 Kaya't ang anumang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa mga lihim na silid ay ipagsisigawan sa mga bubungan.
Ang Dapat Katakutan(D)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos ay wala na silang magagawa.
5 Subalit ipapakita ko sa inyo kung sino ang inyong dapat katakutan; katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihang magtapon sa impiyerno.[a] Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan.
6 Hindi ba ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos.
7 Ngunit maging ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang na lahat. Huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.
Ang Pagkilala at Pagkakaila kay Jesus(E)
8 “At sinasabi ko sa inyo, ang bawat kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos.
9 Subalit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ipagkakaila sa harap ng mga anghel ng Diyos.
10 At(F) ang bawat bumigkas ng salita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang magsalita ng kalapastanganan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.
11 Kapag(G) kayo'y dinala nila sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapangyarihan ay huwag kayong mag-alala kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin,
12 sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001