Book of Common Prayer
Maskil para sa Maharlikang Kasalan
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora. Awit tungkol sa Pag-ibig.
45 Ang aking puso ay nag-uumapaw sa mabuting paksa,
ipinatutungkol ko ang aking mga salita sa hari;
ang aking dila ay gaya ng panulat ng bihasang manunulat.
2 Ikaw ang pinakamaganda sa mga anak ng mga tao;
ang biyaya ay ibinubuhos sa mga labi mo,
kaya't pinagpala ka ng Diyos magpakailanman.
3 Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, O makapangyarihan,
sa iyong kaluwalhatian at kamahalan!
4 At sa iyong kamahalan ay sumakay kang nananagumpay
para sa mga bagay ng katotohanan, at kaamuan at katuwiran;
ang iyong kanang kamay nawa ay magturo sa iyo ng kakilakilabot na mga gawa!
5 Ang iyong mga palaso ay matalas
sa puso ng mga kaaway ng hari,
ang mga bayan ay nabuwal sa ilalim mo.
6 Ang(A) iyong banal na trono ay magpakailanpaman.
Ang iyong setro ng kaharian ay setro ng katarungan;
7 iyong iniibig ang katuwiran at kinasusuklaman ang kasamaan.
Kaya't ang Diyos, ang iyong Diyos, ay pinahiran ka ng langis,
ng langis ng kagalakan na higit kaysa iyong mga kasamahan.
8 Lahat ng iyong mga damit ay mabango dahil sa mira, mga aloe, at kasia.
Mula sa palasyong garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na may kuwerdas.
9 Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa iyong mararangal na babae;
sa iyong kanang kamay ay nakatayo ang reyna na may ginto ng Ofir.
10 Pakinggan mo, O anak na babae, iyong isaalang-alang, at ikiling mo ang iyong pandinig,
kalimutan mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong magulang;
11 at nanasain ng hari ang iyong ganda;
yamang siya'y iyong panginoon, yumukod ka sa kanya.
12 At ang anak na babae ng Tiro ay magsisikap na kunin ang iyong pagtatangi na may kaloob;
at ang pinakamayaman sa mga bayan ay hahanap ng iyong kagandahang-loob.
13 Ang anak na babae ng hari ay puspos ng kaluwalhatian sa loob niya, mga gintong hinabi ang kasuotang nasa kanya.
14 Siya'y inihahatid sa hari na may kasuotang makulay,
ang mga birhen, kanyang mga kasama na sumusunod sa kanya, ay dadalhin sa kanya.
15 May kasayahan at kagalakan na inihahatid sila
habang sila'y nagsisipasok sa palasyo ng hari.
16 Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak,
gagawin mo silang mga pinuno sa buong lupa.
17 Aking ipapaalala sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan,
kaya't ang mga bayan ay magpapasalamat sa iyo magpakailanpaman.
Kataas-taasang Pinuno
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
2 Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
isang dakilang hari sa buong lupa.
3 Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
4 Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)
5 Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
6 Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
7 Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!
8 Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
9 Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
siya'y napakadakila.
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.
48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
2 Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
3 Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.
4 Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
sila'y dumating na magkakasama.
5 Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
6 Sila'y nanginig,
nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
7 Sa pamamagitan ng hanging silangan
ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
8 Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)
9 Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11 Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
dahil sa iyong mga paghatol!
12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14 na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.
14 Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit nang dumating.
Ang Ikapitong Trumpeta
15 At(A) hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit na nagsasabi,
“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon
at ng kanyang Cristo,
at siya'y maghahari magpakailanpaman.”
16 At ang dalawampu't apat na matatanda na nakaupo sa kanya-kanyang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos,
17 na nagsasabi,
“Pinasasalamatan ka namin, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang ngayon at ang nakaraan,
sapagkat kinuha mo ang iyong dakilang kapangyarihan,
at ikaw ay naghari.
18 Nagalit(B) ang mga bansa, ngunit dumating ang iyong poot,
at ang panahon upang hatulan ang mga patay,
at upang bigyan ng gantimpala ang iyong mga alipin, ang mga propeta, at ang mga banal, at ang mga natatakot sa iyong pangalan,
ang mga hamak at dakila, at upang puksain mo ang mga pumupuksa sa lupa.”
19 At(C) nabuksan ang templo ng Diyos na nasa langit at nakita sa kanyang templo ang kaban ng kanyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, ng mga tinig, ng mga kulog, ng lindol, at mabigat na yelong ulan.
Ang Tunay na Mapalad
27 Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, isang babaing mula sa maraming tao ang nagsalita sa malakas na tinig at sinabi sa kanya, “Mapalad ang sinapupunang sa iyo'y nagdala at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.”
28 Subalit sinabi niya, “Sa halip, mapalad silang nakikinig sa salita ng Diyos at sinusunod ito.”
Ang Tanda ni Jonas(A)
29 Nang(B) dumarami ang nagkakatipong mga tao, nagsimula siyang magsalita, “Ang lahing ito'y isang masamang lahi. Ito'y humahanap ng isang tanda, subalit walang tanda na ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas.
30 Kung(C) paanong si Jonas ay naging tanda sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao sa lahing ito.
31 Ang(D) reyna ng Timog ay babangon sa paghuhukom kasama ang mga tao ng lahing ito at kanyang hahatulan sila. Sapagkat siya'y dumating galing sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon, at narito ang isang higit pang dakila kaysa kay Solomon.
32 Ang(E) mga tao sa Ninive ay babangon sa paghuhukom kasama ng lahing ito at ito'y kanilang hahatulan, sapagkat sila'y nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at narito, ang isang higit pang dakila kaysa kay Jonas.
Ang Liwanag ng Katawan(F)
33 Walang(G) sinuman na pagkatapos magsindi ng ilawan ay inilalagay ito sa isang tagong lugar o sa ilalim ng takalan, kundi sa patungan ng ilaw upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.
34 Ang ilawan ng katawan ay ang iyong mata. Kung malusog ang iyong mata, ang buong katawan mo ay punô ng liwanag. Subalit kung ito'y hindi malusog, ang katawan mo ay punô ng kadiliman.
35 Kaya't maging maingat kayo baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman.
36 Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay punô ng liwanag at walang bahaging madilim, ito'y mapupuno ng liwanag, gaya ng ilawang may liwanag na nagliliwanag sa iyo.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001