Book of Common Prayer
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
2 Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.
3 O Israel, umasa ka sa Panginoon
mula ngayon at sa walang hanggang panahon.
Awit ng Pag-akyat.
132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
ang lahat ng kanyang kahirapan,
2 kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
3 “Hindi ako papasok sa aking bahay,
ni hihiga sa aking higaan,
4 Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
5 hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Narinig(A) namin ito sa Efrata,
natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
7 “Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
sumamba tayo sa kanyang paanan!”
8 Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
9 Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.
11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”
13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”
Awit ng Pag-akyat.
133 Narito, napakabuti at napakaligaya
kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
2 Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo,
na tumutulo sa balbas,
sa balbas ni Aaron,
tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
3 Ito ay gaya ng hamog sa Hermon,
na pumapatak sa mga bundok ng Zion!
Sapagkat doon iniutos ng Panginoon ang pagpapala,
ang buhay magpakailanman.
Awit ng Pag-akyat.
134 Halikayo, purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na lingkod ng Panginoon,
na nakatayo sa gabi sa bahay ng Panginoon!
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa dakong banal,
at ang Panginoon ay papurihan!
3 Pagpalain ka nawa ng Panginoon mula sa Zion;
siyang gumawa ng langit at lupa!
135 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon,
magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
2 kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
3 Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
4 Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.
5 Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
6 Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
sa langit at sa lupa,
sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
7 Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.
8 Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
sa hayop at sa tao;
9 siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
at kay Og na hari sa Basan,
at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
isang pamana sa kanyang bayang Israel.
13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.
15 Ang(D) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
ng mga gumawa sa kanila—
oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!
19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Sinumbatan ni Mikas ang mga Pinuno ng Israel
3 At aking sinabi,
Pakinggan ninyo, kayong mga pinuno ng Jacob,
at mga pinuno ng sambahayan ni Israel!
Hindi ba para sa inyo na malaman ang katarungan?
2 Kayong napopoot sa mabuti at umiibig sa kasamaan;
na tumutuklap ng balat ng aking bayan,
at ng kanilang laman sa kanilang mga buto;
3 na kumakain ng laman ng aking bayan,
at lumalapnos ng kanilang balat,
at pinagpuputul-putol ang kanilang mga buto,
at tinatadtad ang mga ito na gaya ng karne sa kaldero,
gaya ng laman sa isang kawa.
4 Kung magkagayo'y dadaing sila sa Panginoon,
ngunit sila'y hindi niya sasagutin;
kanyang ikukubli ang kanyang mukha sa kanila sa panahong iyon,
sapagkat kanilang pinasama ang kanilang mga gawa.
5 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta
na nagliligaw sa aking bayan;
na nagsisisigaw ng, “Kapayapaan”;
kapag sila'y may makakain,
ngunit naghayag ng pakikidigma laban sa kanya
na hindi naglagay ng anuman sa kanilang mga bibig.
6 Kaya't magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain;
at kadiliman para sa inyo, walang panghuhula.
Ang araw ay lulubog sa mga propeta,
at ang araw ay magdidilim sa kanila;
7 ang mga tagakita[a] ay mahihiya,
at ang mga manghuhula ay mapapahiya,
silang lahat ay magtatakip ng kanilang mga labi;
sapagkat walang kasagutan mula sa Diyos.
8 Ngunit sa ganang akin, ako'y puspos ng kapangyarihan
ng Espiritu ng Panginoon,
at ng katarungan, at ng kapangyarihan,
upang ipahayag sa Jacob ang kanyang pagsuway,
at sa Israel ang kanyang kasalanan.
Ang Paratang ng mga Judio kay Pablo
24 Pagkaraan ng limang araw, ang pinakapunong pari na si Ananias ay lumusong na kasama ang ilang matatanda, at ang isang Tertulio na tagapagsalita na siyang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo.
2 Nang si Pablo[a] ay tawagin, sinimulan siyang paratangan ni Tertulio, na sinasabi,
“Kagalang-galang na Felix, yamang dahil sa iyo'y nagtamo kami ng matagal na kapayapaan, at dumating ang mga pagbabago sa bansang ito dahil sa iyong pagtanaw sa hinaharap.
3 Kinikilala namin ito sa lahat ng mga paraan at sa lahat ng mga dako, na may lubos na pasasalamat.
4 Ngunit upang hindi na kayo maabala pa, hinihiling ko sa iyo sa iyong kagandahang-loob na pakinggan mo kami ng ilang sandali.
5 Natagpuan namin na ang taong ito'y mapanligalig at mapag-udyok ng kaguluhan sa lahat ng mga Judio sa buong daigdig, at isang pinuno sa sekta ng mga Nazareno.
6 Nagtangka pa siya na lapastanganin ang templo ngunit dinakip namin siya.[b]
[7 Ngunit dumating ang pangulong pinunong si Lisias at sapilitang inagaw siya sa aming mga kamay, at inutusan ang mga nagbintang sa kanya na humarap sa inyo.]
8 Sa pamamagitan ng pagsisiyasat ninyo mismo sa kanya, ang lahat ng mga bagay na ito na isinasakdal namin laban sa kanya ay malalaman ninyo mula sa kanya.”
9 At ang mga Judio ay nakisama rin sa pagsasakdal, na sinasabing ang lahat ng mga ito ay totoo.
Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Felix
10 Nang siya'y hudyatan ng gobernador upang magsalita, si Pablo ay sumagot:
“Yamang nalalaman ko na ikaw ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masigla kong gagawin ang aking pagtatanggol.
11 Tulad ng nalalaman mo, wala pang labindalawang araw buhat nang ako'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba.
12 Hindi nila ako natagpuang nakikipagtalo sa kanino o kaya'y nanggugulo sa maraming tao sa templo man o sa mga sinagoga, ni sa lunsod,
13 ni hindi rin nila mapapatunayan sa iyo ang mga bagay na ngayo'y kanilang ibinibintang sa akin.
14 Ngunit ito ang inaamin ko sa iyo, na ayon sa Daan, na kanilang tinatawag na sekta, ay sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno, na pinaniniwalaan ang lahat ng bagay na alinsunod sa kautusan o nasusulat sa mga propeta.
15 Ako'y may pag-asa sa Diyos, na siya rin namang inaasahan nila, na magkakaroon ng muling pagkabuhay ng mga matuwid at ng mga hindi matuwid.
16 Dahil dito'y lagi akong nagsisikap na magkaroon ng isang malinis na budhi sa Diyos at sa mga tao.
17 Nang(A) makaraan ang ilang taon ay naparito ako upang magdala sa aking bansa ng mga limos at mag-alay ng mga handog.
18 Samantalang ginagawa ko ito, natagpuan nila ako sa templo na ginagawa ang rituwal ng paglilinis, na walang maraming tao ni kaguluhan.
19 Ngunit may ilang Judio roon na galing sa Asia—na dapat naririto sa harapan mo at magsakdal, kung mayroon silang anumang laban sa akin.
20 O kaya'y hayaan ang mga tao ring ito na magsabi kung anong masamang gawa ang natagpuan nila nang ako'y tumayo sa harapan ng Sanhedrin,
21 maliban(B) sa isang bagay na ito na aking isinigaw habang nakatayo sa gitna nila, ‘Tungkol sa pagkabuhay ng mga patay ako'y nililitis sa harapan mo sa araw na ito.’”
22 Ngunit si Felix, na may wastong kaalaman tungkol sa Daan, ay ipinagpaliban ang pagdinig, na sinasabi, “Paglusong ni Lisias na punong kapitan, magpapasiya ako tungkol sa inyong usapin.”
23 At iniutos niya sa senturion na siya'y bantayan at bigyan ng kaunting kalayaan at huwag pagbawalan ang kanyang mga kaibigan na tulungan siya sa kanyang mga pangangailangan.
Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo
36 Isa sa mga Fariseo ay humiling kay Jesus[a] na kumaing kasalo niya, at pagpasok niya sa bahay ng Fariseo siya'y naupo sa hapag.
37 Nang(A) malaman ng isang babaing makasalanan sa lunsod na siya'y nakaupo sa hapag sa bahay ng Fariseo, nagdala ito ng isang sisidlang alabastro na may pabango.
38 At tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus.[b] Pinasimulan niyang basain ang kanyang mga paa ng kanyang mga luha, pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok. Patuloy niyang hinagkan ang mga paa ni Jesus[c] at binuhusan ang mga ito ng pabango.
39 Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung ang taong ito ay isang propeta, nakilala sana niya kung sino at anong uring babae itong humihipo sa kanya, sapagkat siya'y makasalanan.”
40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi niya sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Guro, sabihin mo.”
41 May dalawang taong nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isa'y umutang ng limang daang denario[d] at ang isa'y limampu.
42 Nang sila'y walang maibayad, pareho niyang pinatawad sila. Ngayon, alin sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya?
43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko ay iyong pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi niya sa kanya, “Tama ang hatol mo.”
44 At pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, subalit binasa niya ang aking mga paa ng kanyang mga luha at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok.
45 Hindi mo ako hinalikan, subalit buhat nang ako'y pumasok ay hindi pa siya humihinto ng paghalik sa aking mga paa.
46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.
47 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang kasalanan ay pinatawad na, sapagkat siya ay nagmahal ng malaki. Subalit ang pinatatawad ng kaunti ay nagmamahal nang kaunti.”
48 At sinabi niya sa babae,[e] “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
49 Pagkatapos, ang mga kasalo niya sa hapag ay nagpasimulang nagsabi sa isa't isa, “Sino ba ito, na nagpapatawad ng mga kasalanan?”
50 At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001