Book of Common Prayer
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
3 Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
at tinatalian ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
5 Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
hindi masukat ang kanyang unawa.
6 Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.
7 Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
8 Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
9 Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.
12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!
111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
2 Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
3 Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
5 Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
6 Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
8 ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!
Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao
112 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
2 Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
3 Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
5 Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
6 Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
7 Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
8 Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
9 Siya'y(B) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
ang nasa ng masama ay mapapahamak.
Bilang Pagpupuri sa Kabutihan ng Panginoon
113 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo, O mga lingkod ng Panginoon,
purihin ang pangalan ng Panginoon!
2 Purihin ang pangalan ng Panginoon
mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat purihin!
4 Ang Panginoon ay higit na mataas sa lahat ng mga bansa,
at ang kanyang kaluwalhatian sa itaas ng kalangitan.
5 Sino ang gaya ng Panginoon nating Diyos,
na nakaupo sa itaas,
6 na nagpapakababang tumitingin
sa kalangitan at sa lupa?
7 Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok,
at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
8 upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila,
mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.
9 Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae,
isang masayang ina ng mga anak.
Purihin ang Panginoon!
Ang Usapin ng Panginoon Laban sa Israel
6 Pakinggan ninyo ngayon ang sinasabi ng Panginoon:
Bumangon ka, ipaglaban mo ang iyong usapin sa harapan ng mga bundok,
at hayaang marinig ng mga burol ang iyong tinig.
2 Pakinggan ninyo, kayong mga bundok, ang usapin ng Panginoon,
at kayong matitibay na pundasyon ng lupa;
sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa kanyang bayan,
at siya'y makikipagtalo sa Israel.
3 “O bayan ko, anong ginawa ko sa iyo?
Sa ano kita pinagod? Sagutin mo ako!
4 Sapagkat(A) ikaw ay aking iniahon mula sa lupain ng Ehipto,
at tinubos kita mula sa bahay ng pagkaalipin;
at aking sinugo sa unahan mo sina Moises, Aaron, at Miriam.
5 O(B) bayan ko, alalahanin mo kung ano ang isinasagawa ni Balak na hari ng Moab,
at kung ano ang isinagot sa kanya ni Balaam na anak ni Beor;
at kung ano ang nangyari mula sa Shittim hanggang sa Gilgal,
upang iyong malaman ang mga matuwid na gawa ng Panginoon.”
Ang Itinatakda ng Panginoon
6 “Ano ang aking ilalapit sa harapan ng Panginoon,
at iyuyukod sa harap ng Diyos sa kaitaasan?
Lalapit ba ako sa harapan niya na may mga handog na sinusunog,
na may guyang isang taon ang gulang?
7 Nalulugod ba ang Panginoon sa mga libu-libong tupa,
o sa mga sampung libong ilog ng langis?
Ibibigay ko ba ang aking panganay dahil sa aking pagsuway,
ang bunga ng aking katawan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa?”
8 Ipinakita niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti.
At ano ang itinatakda ng Panginoon sa iyo,
kundi ang gumawa na may katarungan, at umibig sa kaawaan,
at lumakad na may kapakumbabaan na kasama ng iyong Diyos?
9 Sapagkat iniisip ko, na kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na kahuli-hulihan sa lahat, kagaya ng mga taong nahatulang mamatay, sapagkat kami ay naging panoorin ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao.
10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas. Kayo ay mararangal ngunit kami ay walang karangalan.
11 Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at walang tahanan,
12 at(A) kami'y gumagawa sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Bagaman nilalait, kami ay nagpapala, bagaman inuusig ay nagtitiis kami,
13 bagaman mga sinisiraang-puri, kami ay nakikiusap. Kami'y naging tulad ng basura sa sanlibutan, dumi ng lahat ng mga bagay hanggang ngayon.
Payong Magulang
14 Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay paalalahanan tulad sa aking mga minamahal na anak.
15 Sapagkat bagaman nagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala naman kayong maraming mga ama; sapagkat kay Cristo Jesus ay ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng ebanghelyo.
16 Kaya't(B) hinihimok ko kayo na tumulad sa akin.
Ang Pananalig ng Babaing Cananea(A)
21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon.
22 May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, “Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.”
23 Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin.”
24 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.”
25 Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”
26 Siya'y sumagot at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso.”
27 Ngunit sinabi niya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.”
28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo.” At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001