Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
2 na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
3 Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
4 O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
ingatan mo ako sa mararahas na tao,
na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
5 Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)
6 Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
7 O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
8 Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)
9 Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Awit ni David.
141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
2 Ibilang(A) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.
3 Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
4 Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.
5 Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
6 Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
7 Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.
8 Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
9 Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
habang ako naman ay tumatakas.
Awit ni David.
143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
iyong dinggin ang aking mga daing!
Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
2 At(A) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
3 Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
4 Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.
5 Aking naaalala ang mga araw nang una,
aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
6 Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)
7 Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
8 Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
9 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
sa landas na pantay!
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
sapagkat ako'y iyong lingkod.
Ang Jerusalem at ang mga Bansa
14 Narito, isang araw darating para sa Panginoon, ang samsam na kinuha sa iyo ay paghahati-hatian sa gitna mo.
2 Sapagkat aking titipunin ang lahat ng bansa upang lumaban sa Jerusalem, at ang lunsod ay masasakop, ang mga bahay ay lolooban, at ang mga babae ay pagsasamantalahan. Ang kalahati ng lunsod ay bibihagin, ngunit ang nalabi sa bayan ay hindi aalisin sa lunsod.
3 Kung magkagayo'y lalabas ang Panginoon at makikipaglaban sa mga bansang iyon, gaya nang siya'y makipaglaban sa araw ng labanan.
4 Sa araw na iyon ay tatayo ang kanyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo, na nasa tapat ng Jerusalem sa dakong silangan; at ang Bundok ng mga Olibo ay mahahati sa gitna niya, sa silangan hanggang sa kanluran, sa pamamagitan ng napakalawak na libis. Ang kalahati ng Bundok ay malilipat sa dakong hilaga, at ang kalahati ay sa dakong timog.
5 At kayo'y magsisitakas sa libis ng aking mga bundok sapagkat ang libis ng mga bundok ay aabot hanggang sa Azal. Kayo'y tatakas gaya noong kayo'y tumakas mula sa lindol nang mga araw ni Uzias na hari ng Juda. Pagkatapos ang Panginoon kong Diyos ay darating, kasama ang lahat ng mga banal.
6 At mangyayari, sa araw na iyon ay hindi magkakaroon ng liwanag, ang mga nagniningning ay uunti.
7 At ito'y magiging isang araw na nalalaman ng Panginoon, hindi araw at hindi gabi; ngunit mangyayari na sa gabi ay magkakaroon ng liwanag.
8 Sa(A) araw na iyon ay aagos mula sa Jerusalem, ang buháy na tubig, kalahati niyon ay sa dagat sa dakong silangan, at kalahati niyon ay sa dagat sa dakong kanluran; iyon ay magpapatuloy sa tag-init at sa taglamig.
9 Ang Panginoon ay magiging Hari sa buong lupa; sa araw na iyon ang Panginoon ay magiging isa, at ang kanyang pangalan ay isa.
10 Ang buong lupain ay magiging kapatagan mula sa Geba hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas sa kanyang dako mula sa Pintuan ng Benjamin hanggang sa dako ng Unang Pintuan, hanggang sa Sulok na Pintuan, at mula sa Tore ng Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari.
11 Ito'y(B) titirhan sapagkat hindi na ito muling magkakaroon ng sumpa; ang Jerusalem ay tatahang tiwasay.
Ang Ebanghelyo sa mga Hentil
7 Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa ikaluluwalhati ng Diyos.
8 Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay naging lingkod sa pagtutuli upang ipakita ang katotohanan ng Diyos, upang kanyang mapagtibay ang mga pangako sa mga ninuno,
9 at(A) upang ang mga Hentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kanyang kahabagan, gaya ng nasusulat,
“Kaya't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Hentil, at aawit ako ng papuri sa iyong pangalan.”
10 At(B) muling sinasabi niya,
“Magalak kayo, kayong mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At(C) muli,
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil; at purihin siya ng lahat ng mga bayan.”
12 At(D) muli, sinasabi ni Isaias,
“Darating ang ugat ni Jesse,
siya ang babangon upang maghari sa mga Hentil;
sa kanya aasa ang mga Hentil.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
28 Nang masabi niya ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya na umakyat tungo sa Jerusalem.
29 Nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olibo, ay sinugo niya ang dalawa sa mga alagad,
30 na sinasabi, “Pumunta kayo sa katapat na nayon at sa pagpasok ninyo roon, ay makikita ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin ninyo rito.
31 At kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan? Ganito ang inyong sasabihin, ‘Kailangan siya ng Panginoon.’”
32 Ang mga sinugo ay pumunta at natagpuan ang ayon sa sinabi niya sa kanila.
33 Nang kinakalagan nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga may-ari nito, ‘Bakit ninyo kinakalagan ang batang asno?’
34 At sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.”
35 Dinala nila ito kay Jesus at ipinatong nila ang kanilang mga damit sa batang asno at isinakay nila si Jesus doon.
36 At samantalang siya'y nakasakay, inilalatag ng mga tao[a] ang kanilang mga damit sa daan.
37 Nang malapit na siya sa libis ng bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagpasimulang magalak at magpuri sa Diyos nang may malakas na tinig dahil sa lahat ng mga makapangyarihang gawa na kanilang nakita,
38 na(B) sinasabi,
“Mapalad ang Hari
na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Kapayapaan sa langit,
at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”
39 Ilan sa mga Fariseo na mula sa maraming tao ay nagsabi sa kanya, “Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.”
40 At sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo na kung tatahimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001