Book of Common Prayer
Ang Diyos na Hari
93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
2 Ang trono mo'y natatag noong una;
ikaw ay mula sa walang pasimula.
3 Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
4 Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!
5 Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
O Panginoon, magpakailanman.
96 O umawit sa Panginoon ng bagong awit;
umawit sa Panginoon ang buong lupa.
2 Umawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya;
ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
3 Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian,
ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!
4 Sapagkat dakila ang Panginoon, at karapat-dapat na purihin;
siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos.
5 Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan,
ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan.
6 Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan,
nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan.
7 Ibigay(A) ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan.
8 Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan;
magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!
9 Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan,
manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan!
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!
Oo, matatag at hindi makikilos ang sanlibutan,
hahatulan niyang may katarungan ang mga bayan.”
11 Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa;
umugong nawa ang dagat, at ang lahat ng naroroon;
12 maging masaya nawa ang bukiran at lahat ng naroon.
Kung gayo'y aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy sa gubat
13 sa harapan ng Panginoon; sapagkat siya'y dumarating,
sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan na may katuwiran ang sanlibutan,
at ng kanyang katotohanan ang mga bayan.
Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
9 O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.
11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(C) tao ang nagnanasa ng buhay,
at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.
19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(D) nitong mga buto ay iniingatan niya,
sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.
Kaloob na Propesiya at Iba't ibang Wika
14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at pagsikapan ninyong mithiin ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapag-propesiya.
2 Sapagkat ang nagsasalita ng ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, yamang sa Espiritu siya nagsasalita ng mga hiwaga.
3 Subalit ang nagsasalita ng propesiya ay nagsasalita sa mga tao para sa kanilang ikatitibay, ikasisigla, at ikaaaliw.
4 Ang nagsasalita ng ibang wika ay pinapatibay ang sarili, ngunit ang nagsasalita ng propesiya ay pinapatibay ang iglesya.
5 Ngayon, nais ko sanang kayong lahat ay magsalita ng mga wika, subalit lalo na ang kayo ay magsalita ng propesiya. Ang nagsasalita ng propesiya ay higit na dakila kaysa nagsasalita ng mga wika, malibang mayroong nagpapaliwanag upang ang iglesya ay mapatibay.
6 Subalit ngayon, mga kapatid, kung ako'y dumating sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong mapapakinabang sa akin, malibang ako'y magsalita sa inyo sa pamamagitan ng pahayag, o kaalaman, o propesiya, o ng aral?
7 Maging ang mga bagay na walang buhay na tumutunog kagaya ng plauta, o alpa, kung hindi sila magbigay ng malinaw na tunog, paano malalaman kung ano ang tinutugtog?
8 Sapagkat kung ang trumpeta ay magbigay ng di-malinaw na tunog, sino ang maghahanda para sa digmaan?
9 Gayundin naman kayo, kung sa isang wika ay nagsasalita kayo nang hindi nauunawaan, paanong malalaman ng sinuman kung ano ang sinabi? Sapagkat sa hangin kayo magsasalita.
10 Walang alinlangan na napakaraming uri ng mga wika sa sanlibutan, at walang isa man na walang kahulugan.
11 Subalit kung hindi ko nalalaman ang kahulugan ng wika, ako ay magiging isang banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging isang banyaga sa akin.
12 Gayundin naman kayo, yamang kayo'y sabik sa kaloob na espirituwal, pagbutihin ninyo ang paggamit sa mga iyon para sa ikatitibay ng iglesya.
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na pinuno ng sambahayan, na maagang lumabas sa umaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan.
2 Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa ng isang denario sa isang araw ay kanyang isinugo sila sa kanyang ubasan.
3 At paglabas niya nang ikatlong oras,[a] nakita niya ang iba sa pamilihan na nakatayong walang ginagawa.
4 at sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at anumang nararapat ay ibibigay ko sa inyo.’ At pumunta sila.
5 Paglabas niyang muli nang malapit na ang ikaanim[b] na oras at ikasiyam,[c] gayundin ang ginawa niya.
6 At nang malapit na ang ikalabing-isang oras,[d] lumabas siya at nakakita siya ng iba na nakatayo; at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?’
7 Sinabi nila sa kanya, ‘Sapagkat walang umuupa sa amin.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’
8 Nang(A) magdadapit-hapon na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng mga upa mula sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’
9 Nang lumapit ang mga inupahan nang ikalabing-isang oras,[e] tumanggap ang bawat isa sa kanila ng isang denario.
10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y tatanggap sila ng mas malaking halaga; ngunit tumanggap din ang bawat isa sa kanila ng isang denario.
11 At nang tanggapin nila ito ay nagreklamo sila sa pinuno ng sambahayan,
12 na nagsasabi, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga huling ito, at ipinantay mo sila sa amin na nagtiis ng hirap at nakakapasong init sa maghapon.’
13 Ngunit sumagot siya at sinabi sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya; hindi ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denario?
14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Nais kong ibigay sa huling nagtrabaho ang kagaya ng ibinigay ko sa iyo.
15 Ako ba ay hindi pinahihintulutang gumawa ng nais ko sa mga bagay na pag-aari ko? O naiinggit ka ba[f] sapagkat ako'y mabuti?’
16 Kaya't(B) ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli.”[g]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001