Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 89

Maskil(A) ni Etan na Ezrahita.

89 Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O Panginoon,
    sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo.
Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman,
    itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan.

“Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang,
    ako'y sumumpa kay David na aking lingkod:
‘Ang(B) mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman,
    at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.’” (Selah)

Purihin nawa ng langit ang iyong mga kahanga-hangang gawa, O Panginoon,
    ang katapatan mo sa kapulungan ng mga banal!
Sapagkat sino sa langit ang maihahambing sa Panginoon?
    Sino sa mga nilalang sa langit ang gaya ng Panginoon,
isang Diyos na kinatakutan sa kapulungan ng mga banal,
    dakila at kakilakilabot kaysa lahat ng nasa palibot niya?
O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    sino ang makapangyarihang gaya mo, O Panginoon?
    Ang iyong katapatan ay nakapaligid sa iyo.
Iyong pinamumunuan ang pagngangalit ng dagat;
    kapag tumataas ang mga alon nito, ang mga iyon ay pinatatahimik mo.
10 Iyong dinurog ang Rahab na tulad sa pinatay,
    pinangalat mo ng iyong makapangyarihang bisig ang iyong mga kaaway.
11 Ang langit ay iyo, maging ang lupa ay iyo,
    ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay itinatag mo.
12 Ang hilaga at ang timog ay iyong nilalang,
    ang Tabor at ang Hermon ay magalak na nagpuri sa iyong pangalan.
13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig;
    malakas ang iyong kamay, mataas ang iyong kanang kamay.
14 Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono,
    ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
    na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
    at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
    sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
    ang aming hari sa Banal ng Israel.

19 Nang una ay nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga tapat na lingkod, at iyong sinabi,
    “Aking ibinigay ang tulong sa isang makapangyarihan;
    aking itinaas ang isang hinirang mula sa bayan.
20 Si(C) David na aking lingkod ay aking natagpuan,
    ng aking banal na langis siya ay aking pinahiran,
21 na sa pamamagitan niya ang aking kamay ay maitatatag,
    ang bisig ko rin ang magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kaaway;
    ni hindi siya masasaktan ng masama.
23 Dudurugin ko ang kanyang mga kaaway sa harapan niya,
    at ibubuwal ko ang mga napopoot sa kanya.
24 Ang aking pagtatapat at taimtim na pag-ibig ay magiging kanya,
    at sa pangalan ko'y matataas ang sungay niya.
25 Aking itatatag ang kanyang kamay sa dagat,
    at ang kanyang kanang kamay sa mga ilog.
26 Siya'y dadaing sa akin, ‘Ikaw ay Ama ko,
    Malaking Bato ng aking kaligtasan at Diyos ko.’
27 Gagawin(D) ko siyang panganay,
    ang pinakamataas sa mga hari sa lupa.
28 Iingatan ko para sa kanya magpakailanman ang pag-ibig kong tapat,
    at ang tipan ko para sa kanya magiging matatag.
29 Aking itatatag ang kanyang lahi magpakailanman,
    at ang kanyang trono na gaya ng mga araw ng langit.
30 Kung tatalikuran ang aking kautusan ng kanyang mga anak,
    at hindi lumakad sa aking mga batas,
31 at ang aking mga tuntunin ay kanilang labagin,
    at ang aking mga utos ay hindi nila sundin,
32 kung magkagayo'y ang kanilang mga pagsuway, sa pamamagitan ng pamalo ay aking parurusahan,
    at sa pamamagitan ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
33 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pagmamahal,
    o maging hindi tunay sa aking katapatan.
34 Ang aking tipan ay hindi ko lalabagin,
    ni ang salita na lumabas sa aking mga labi ay aking babaguhin.
35 Minsan at magpakailanman ay sumumpa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan,
    kay David ay hindi ako magsisinungaling.
36 Ang kanyang mga lahi ay mananatili magpakailanman;
    ang kanyang trono ay magiging gaya ng araw sa aking harapan.
37 Gaya ng buwan, ito ay matatatag magpakailanman,
    at tapat ang saksi sa kalangitan.” (Selah)

38 Ngunit ngayo'y iyong itinakuwil at tinanggihan,
    ikaw ay punô ng galit sa iyong pinahiran ng langis.
39 Iyong tinalikuran ang tipan ng iyong lingkod;
    dinungisan mo ang kanyang korona sa alabok.
40 Giniba mo ang lahat ng mga pader niya,
    ang kanyang mga tanggulan ay iginuho mo pa.
41 Sinamsaman siya ng lahat ng dumadaan sa lansangan,
    siya'y naging katawa-tawa sa kanyang kapwa.
42 Iyong itinaas ang kanang kamay ng kanyang mga kaaway;
    iyong pinagalak ang lahat niyang mga kalaban.
43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kanyang tabak,
    at hindi mo siya itinayo sa pakikipaglaban.
44 Ginawa mong maglaho ang kanyang kakinangan,
    at sa lupa'y inihagis mo ang kanyang trono.
45 Iyong pinaikli ang mga araw ng kanyang kabataan,
    tinakpan mo siya ng kahihiyan. (Selah)

46 O Panginoon, hanggang kailan ka magkukubli? Magpakailanman?
    Ang pagniningas ng iyong poot na parang apoy ay hanggang kailan?
47 Alalahanin mo kung ano ang sukat ng buhay ko,
    sa anong walang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao!
48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan?
    Maililigtas ba niya ang kanyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)

49 Panginoon, nasaan ang dati mong tapat na pag-ibig,
    na iyong isinumpang may katapatan kay David?
50 Alalahanin mo, O Panginoon, kung paano nilibak ang lingkod mo,
    kung paanong sa aking dibdib ang paghamak ng mga bayan ay taglay ko,
51 na itinuya ng iyong mga kaaway, O Panginoon,
    na sa pamamagitan nito ay kanilang pinagtatawanan ang mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen at Amen.

Habakuk 2:1-4

Ang Sagot ng Panginoon kay Habakuk

Ako'y tatayo upang magbantay,
    at magbabantay ako sa ibabaw ng tore,
at tatanaw upang makita ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin,
    at kung ano ang aking isasagot tungkol sa aking daing.
At ang Panginoon ay sumagot sa akin:
“Isulat mo ang pangitain,
    at gawin mong malinaw sa mga tapyas na bato,
upang ang makabasa niyon ay makatakbo.
Sapagkat(A) ang pangitain ay naghihintay pa ng panahon nito;
    at nagsasalita tungkol sa wakas—hindi ito magsisinungaling.
Kung ito'y parang mabagal ay hintayin mo;
    ito'y tiyak na darating, hindi ito maaantala.
Masdan(B) mo ang palalo!
    Hindi tapat sa kanya ang kaluluwa niya,
    ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.

Habakuk 2:9-20

Kahabag-habag siya na may masamang pakinabang para sa kanyang sambahayan,
    upang kanyang mailagay ang kanyang pugad sa itaas,
    upang maligtas sa abot ng kapahamakan!
10 Ikaw ay nagbalak ng kahihiyan sa iyong sambahayan,
    sa pamamagitan ng pagpatay ng maraming tao,
    ikaw ay nagkasala laban sa iyong sarili.
11 Sapagkat ang bato ay daraing mula sa pader,
    at ang biga mula sa mga kahoy ay sasagot.

12 Kahabag-habag siya na nagtatayo ng lunsod sa pamamagitan ng dugo,
    at nagtatatag ng bayan sa pamamagitan ng kasamaan!
13 Hindi ba mula sa Panginoon ng mga hukbo
    na ang mga tao ay gumagawa lamang para sa apoy,
    at ang mga bansa ay nagpapakapagod sa walang kabuluhan?
14 Sapagkat(A) ang lupa ay mapupuno
    ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Panginoon,
    gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.
15 Kahabag-habag siya na nagpapainom sa kanyang kapwa,
    na idinadagdag ang iyong kamandag at nilalasing sila,
    upang iyong mamasdan ang kanilang kahubaran!
16 Ikaw ay mapupuno ng kahihiyan sa halip na kaluwalhatian.
    Uminom ka, ikaw, at ilantad ang iyong kahubaran!
Ang kopa sa kanang kamay ng Panginoon
    ay darating sa iyo,
    at ang kahihiyan ang papalit sa iyong kaluwalhatian!
17 Ang karahasang ginawa sa Lebanon ay tatabon sa iyo,
    ang pagkawasak sa mga hayop na tumakot sa kanila,
dahil sa dugo ng mga tao at sa karahasan sa lupain,
    sa mga lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.

18 Anong pakinabang sa diyus-diyosan
    pagkatapos na anyuan ito ng gumawa niyon,
isang metal na larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan?
    Sapagkat ang manggagawa ay nagtitiwala sa kanyang sariling nilalang
    kapag siya'y gumagawa ng mga piping diyus-diyosan!
19 Kahabag-habag siya na nagsasabi sa kahoy, Gumising ka;
    sa piping bato, Bumangon ka!
    Makakapagturo ba ito?
Tingnan ninyo, nababalot ito ng ginto at pilak,
    at walang hininga sa loob niyon.

20 Ngunit ang Panginoon ay nasa kanyang templong banal;
    tumahimik ang buong lupa sa harapan niya!

Santiago 2:14-26

Pananampalataya at Gawa

14 Ano ang pakinabang mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinuman na siya'y may pananampalataya, ngunit walang mga gawa? Maililigtas ba siya ng kanyang pananampalataya?

15 Kung ang isang kapatid na lalaki o babae ay namumuhay nang hubad at kinukulang sa pagkain sa araw-araw,

16 at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, “Humayo kayong payapa, magpainit kayo at magpakabusog,” subalit hindi ninyo sila binibigyan ng mga bagay na kailangan ng katawan; anong pakinabang niyon?

17 Kaya't ang pananampalataya na nag-iisa, kung ito ay walang mga gawa ay patay.

18 Subalit may magsasabi, “Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang mga gawa, at ipapakita ko sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya.

19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa. Ang mga demonyo man ay sumasampalataya at nanginginig pa.

20 Subalit nais mo bang malaman, O taong hangal, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog?

21 Hindi(A) ba ang ating amang si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang kanyang inihandog si Isaac na kanyang anak sa ibabaw ng dambana?

22 Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kanyang mga gawa, at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa.

23 Kaya't(B) natupad ang kasulatan na nagsasabi, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at iyo'y ibinilang sa kanya na katuwiran,” at siya'y tinawag na kaibigan ng Diyos.

24 Nakikita ninyo na ang tao'y inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

25 Gayundin,(C) hindi ba't si Rahab na masamang babae[a] ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang tanggapin niya ang mga sugo at pinalabas sila sa ibang daan?

26 Sapagkat kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin naman ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.

Lucas 16:19-31

Ang Mayamang Lalaki at si Lazaro

19 “Mayroong isang taong mayaman na nagsusuot ng kulay ube at pinong lino at nagpipista araw-araw sa maraming pagkain.

20 At sa kanyang pintuan ay nakahandusay ang isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, na punô ng mga sugat,

21 na naghahangad na makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Maging ang mga aso ay lumalapit at hinihimuran ang kanyang mga sugat.

22 At nangyari, namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay din naman ang mayaman at inilibing.

23 At mula sa Hades na kanyang pinagdurusahan ay tumingala siya at nakita sa malayo si Abraham at si Lazaro sa kanyang kandungan.

24 Siya'y sumigaw at sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri, at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’

25 Subalit sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na sa iyong buhay ay tinanggap mo ang iyong mabubuting bagay, at si Lazaro naman ay ang masasamang bagay. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito at ikaw ay nagdurusa.

26 Bukod dito, may isang malaking banging inilagay sa pagitan natin, upang ang mga nagnanais tumawid buhat dito patungo sa inyo ay hindi maaari at wala ring makatatawid mula riyan patungo sa amin.’

27 At sinabi niya, ‘Kung gayo'y ipinapakiusap ko sa iyo, ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama,

28 sapagkat ako'y may limang kapatid na lalaki, upang magpatotoo sa kanila nang hindi rin sila mapunta sa dakong ito ng pagdurusa.

29 Subalit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, hayaan mo silang makinig sa kanila.’

30 Sinabi niya, ‘Hindi, amang Abraham, subalit kung ang isang mula sa mga patay ay pumunta sa kanila, sila'y magsisisi.’

31 At sinabi niya sa kanya, ‘Kung hindi nila pinapakinggan si Moises at ang mga propeta, hindi rin sila mahihikayat, kahit may isang bumangon mula sa mga patay.’”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001