Book of Common Prayer
MEM.
97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.
NUN.
105 Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
at liwanag sa landas ko.
106 Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107 Ako'y lubos na nagdadalamhati,
muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109 Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110 Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112 Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
magpakailanman, hanggang sa wakas.
SAMECH.
113 Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114 Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
ang iyong salita ang aking inaasahan.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117 Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118 Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119 Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
at ako'y takot sa mga hatol mo.
Awit para sa Pagdiriwang
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.
81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
2 Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
ang masayang lira at ang alpa.
3 Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
4 Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
isang batas ng Diyos ni Jacob.
5 Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.
Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
6 “Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
7 Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
8 O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
9 Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.
11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”
Ang Awit ni Asaf.
82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
2 “Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
3 Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
4 Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”
5 Wala silang kaalaman o pang-unawa,
sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
6 Aking(D) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
7 Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”
8 Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!
Isang Panawagan upang Magsisi
12 “Gayunma'y ngayon,” sabi ng Panginoon,
“manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso,
na may pag-aayuno, at may pagtangis, at pagdadalamhati.
13 At punitin ninyo ang inyong mga puso at hindi ang inyong mga damit.”
Manumbalik kayo sa Panginoon ninyong Diyos;
sapagkat siya'y mapagbiyaya at mahabagin,
hindi magagalitin, at sagana sa tapat na pag-ibig
at nalulungkot sa kasamaan.
14 Sinong nakakaalam kung siya'y hindi magbabalik-loob, at malulungkot,
at mag-iiwan ng isang pagpapala sa likuran niya,
ng handog na butil at handog na inumin
sa Panginoon ninyong Diyos?
15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion;
magtakda kayo ng isang ayuno,
tumawag kayo ng isang taimtim na pagtitipon.
16 Tipunin ninyo ang bayan.
Pakabanalin ang kapulungan;
tipunin ang matatanda,
tipunin ang mga bata,
at ang mga sanggol na pasusuhin.
Lumabas ang bagong kasal na lalaki sa kanyang silid,
at ang bagong kasal na babae sa kanyang silid.
17 Tumangis ang mga pari, ang mga lingkod ng Panginoon
sa pagitan ng portiko at ng dambana,
at kanilang sabihin, “Maawa ka sa iyong bayan, O Panginoon,
at huwag mong gawing katatawanan ang iyong mana,
na hinahamak ng mga bansa.
Bakit nila sasabihin sa gitna ng mga bayan,
‘Nasaan ang kanilang Diyos?’”
Ibinalik ng Panginoon ang Katabaan ng Lupain
18 At ang Panginoon ay nanibugho para sa kanyang lupain,
at nahabag sa kanyang bayan.
19 At ang Panginoon ay sumagot at sinabi sa kanyang bayan,
“Narito, ako'y magpapadala sa inyo ng trigo, alak, at langis,
at kayo'y mabubusog;
at hindi ko kayo gagawing
isang kahihiyan sa gitna ng mga bansa.
Ang Nakasakay sa Puting Kabayo
11 At(A) nakita kong nabuksan ang langit at naroon ang isang kabayong puti! At ang nakasakay doon ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagdigma.
12 Ang(B) kanyang mga mata ay tulad ng ningas ng apoy, at sa kanyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat, na walang nakakaalam kundi ang kanyang sarili.
13 Siya'y nakasuot ng damit na inilubog sa[a] dugo at ang kanyang pangalan ay tinatawag na Ang Salita ng Diyos.
14 Ang mga hukbo ng langit ay sumusunod sa kanya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at sila'y may damit na pinong lino na maputi at dalisay.
15 Mula(C) sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y tatagain niya ang mga bansa at sila'y kanyang paghaharian ng tungkod na bakal, at paaagusin niya mula sa pisaan ng ubas ang bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
16 At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kanyang damit at sa kanyang hita, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 At(D) nakita kong nakatayo sa araw ang isang anghel, at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, “Halikayo at magkatipon sa dakilang hapunan ng Diyos,
18 upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, ng laman ng mga kapitan, ng laman ng mga taong makapangyarihan, ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga taong malaya at mga alipin man, mga hamak at dakila.”
19 At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo, na nagkakatipon upang makipagdigma laban doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kanyang hukbo.
20 At(E) hinuli ang halimaw at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinandaya sa mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan nito. Ang dalawang ito ay buháy na inihagis sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre.
21 At ang mga iba ay pinatay ng tabak na lumalabas sa bibig noong nakasakay sa kabayo; at ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa mga laman nila.
Ang Nawalang Tupa(A)
15 Noon,(B) ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya upang makinig.
2 Ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila.”
3 Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito:
4 “Sino sa inyo na mayroong isandaang tupa at mawalan ng isa sa mga iyon ay hindi iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala, hanggang sa ito'y kanyang matagpuan?
5 At kapag natagpuan niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat na nagagalak.
6 Pag-uwi niya sa tahanan, tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at ang kanyang mga kapitbahay na sinasabi sa kanila, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang aking tupang nawala.’
7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu't siyam na taong matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.
Ang Nawalang Pilak
8 “O sinong babae na may sampung pirasong pilak,[a] na kung mawalan siya ng isang piraso, ay hindi ba magsisindi ng isang ilawan at magwawalis ng bahay, at naghahanap na mabuti hanggang ito'y matagpuan niya?
9 At kapag matagpuan niya ito ay tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na nagsasabi, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang pilak na nawala sa akin.’
10 Gayundin, sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa harapan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001