Book of Common Prayer
Ang Diyos at ang Kanyang Bayan(A)
105 O magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan;
ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan!
2 Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri;
sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa!
3 Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang kalakasan;
patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha!
5 Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa;
ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig,
6 O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya,
mga anak ni Jacob, na mga pinili niya!
7 Siya ang Panginoon nating Diyos;
ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa.
8 Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman,
ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi,
9 ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac,
10 na(C) kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin,
sa Israel bilang isang walang hanggang tipan,
11 na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
bilang iyong bahaging pinakamana.”
12 Nang sila'y iilan lamang sa bilang;
at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan;
13 na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa,
mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi(D) niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan;
sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili:
15 “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran;
ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan.”
16 At(E) siya'y nagdala ng taggutom sa lupain;
binali niya ang bawat tungkod ng tinapay,
17 siya'y(F) nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila,
si Jose na ipinagbili bilang alipin.
18 Ang(G) kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala,
siya'y nilagyan ng kuwelyo na bakal;
19 hanggang sa ang kanyang salita ay maganap;
siya ay sinubok ng salita ng Panginoon.
20 Ang(H) hari ay nagsugo at pinakawalan siya;
ang pinuno ng mga bayan, at siya'y pinalaya niya,
21 kanyang(I) ginawa siyang panginoon ng kanyang tahanan,
at pinuno ng lahat niyang ari-arian,
22 upang talian ang kanyang mga pinuno ayon sa kanyang nais,
at turuan ng karunungan ang kanyang matatanda.
23 At(J) ang Israel ay dumating sa Ehipto;
si Jacob ay nakipanirahan sa lupain ng Ham.
24 At(K) ginawang napakabunga ng Panginoon ang kanyang bayan,
at ginawa silang higit na malakas kaysa kanilang mga kaaway.
25 Kanyang ibinaling ang kanilang puso upang mapoot sa kanyang bayan,
upang makitungong may katusuhan sa kanyang mga lingkod.
26 Kanyang(L) sinugo si Moises na kanyang lingkod,
at si Aaron na kanyang pinili.
27 Kanilang isinagawa ang kanyang kahanga-hangang gawa sa gitna nila,
at mga kababalaghan sa lupain ng Ham.
28 Siya'y(M) nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim,
sila'y hindi naghimagsik laban sa kanyang mga salita.
29 Kanyang(N) ginawang dugo ang kanilang tubig,
at pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang(O) kanilang lupain ay napuno ng mga palaka,
maging sa mga silid-tulugan ng kanilang mga hari.
31 Siya'y(P) nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw,
at mga niknik sa buong bayan.
32 Binigyan(Q) niya sila ng yelo bilang ulan,
at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
33 Pinatay niya ang kanilang mga puno ng ubas at mga puno ng igos,
at winasak ang mga punungkahoy sa kanilang lupain.
34 Siya'y(R) nagsalita at ang mga balang ay nagsidating,
ang mga batang balang na di kayang bilangin,
35 na kinain ang lahat ng pananim sa kanilang lupain,
at kinain ang bunga ng kanilang lupain.
36 Pinagpapatay(S) din niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain,
ang unang bunga ng lahat nilang kalakasan.
37 At(T) kanyang inilabas sila na may pilak at ginto;
at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod.
38 Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis;
sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila.
39 Kanyang(U) inilatag ang ulap bilang panakip,
at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y(V) humingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit.
41 Kanyang(W) binuksan ang bato at dumaloy ang tubig;
ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog.
42 Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita,
at si Abraham na kanyang lingkod.
43 At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan,
at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan.
44 At(X) ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa;
at inangkin nila ang paggawa ng mga tao,
45 upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin,
at ang kanyang mga kautusan ay sundin.
Purihin ang Panginoon!
Tinuligsa ang mga Di-Banal na Pari
2 “Ngayon, O kayong mga pari, ang utos na ito ay para sa inyo.
2 Kung hindi kayo makikinig, at kung hindi ninyo ilalagak sa inyong puso na bigyang kaluwalhatian ang aking pangalan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ipadadala ko sa inyo ang sumpa at aking susumpain ang mga pagpapala ninyo. Sa katunayan, akin na silang isinumpa, sapagkat hindi ninyo inilagak sa inyong puso.
3 Narito, sasawayin ko ang inyong anak, at sasabugan ko ng dumi ang inyong mga mukha, ang dumi ng inyong mga kapistahan; at kayo'y aalisin kasama nito.
4 Inyong(A) malalaman na aking ipinadala ang utos na ito sa inyo upang ang aking tipan kay Levi ay manatili, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Ang(B) aking tipan sa kanya ay isang tipan ng buhay at kapayapaan; at ibinigay ko ang mga iyon sa kanya upang siya'y matakot; at siya'y natakot sa akin, at siya'y nagbigay-galang sa aking pangalan.
6 Ang kautusan ng katotohanan ay nasa kanyang bibig, at walang kalikuan na nasumpungan sa kanyang mga labi. Siya'y lumakad na kasama ko sa kapayapaan at katuwiran, at inilayo niya sa kasamaan ang marami.
7 Sapagkat ang mga labi ng pari ay dapat mag-ingat ng kaalaman, at dapat hanapin ng mga tao ang kautusan sa kanyang bibig, sapagkat siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo.
8 Ngunit kayo'y lumihis sa daan; naging dahilan kayo upang matisod ang marami sa pamamagitan ng inyong kautusan, inyong pinasama ang tipan ni Levi, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 Kaya't ginawa ko kayong hamak at aba sa harap ng buong bayan, yamang hindi ninyo iningatan ang aking mga daan, kundi nagpakita kayo ng pagtatangi sa inyong kautusan.”
Ang Pagtataksil ng Israel at Juda
10 Hindi ba iisa lamang ang ating ama? Hindi ba iisang Diyos ang lumalang sa atin? Bakit nga tayo nagtataksil sa isa't isa na nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno?
11 Naging taksil ang Juda, at ang kasuklamsuklam ay nagawa sa Israel at sa Jerusalem; sapagkat nilapastangan ng Juda ang santuwaryo ng Panginoon, na kanyang iniibig, at nag-asawa sa anak na babae ng ibang diyos.
12 Ihiwalay nawa ng Panginoon mula sa mga tolda ng Jacob ang taong gumawa nito, ang sinumang gigising o sasagot o magdadala ng handog sa Panginoon ng mga hukbo!
13 Ito rin ay inyong ginagawa: Tinatakpan ninyo ang dambana ng Panginoon ng mga luha, ng pagtangis, at ng pagdaing, sapagkat hindi na niya nililingap ang handog, ni tinatanggap na may kasiyahan sa inyong kamay.
14 Gayunma'y inyong sinasabi, “Sa anong dahilan?” Sapagkat ang Panginoon ay saksi sa pagitan mo at ng asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng kataksilan, bagaman siya'y iyong kasama, at iyong asawa sa pamamagitan ng tipan.
15 Ngunit wala ni isang gumawa niyon na mayroong nalabing Espiritu.[a] Ano ang ginawa niya noong naghahanap siya ng lahing maka-Diyos? Kaya't ingatan ninyo ang inyong espiritu, at huwag nang hayaang ang sinuman ay magtaksil sa asawa ng kanyang kabataan.
16 “Sapagkat aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, at ang pagtatakip ng tao sa kanyang damit na may karahasan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili at huwag kayong magtaksil.”
Babala Laban sa Kapalaluan
13 Halikayo(A) ngayon, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o sa ganoong bayan, at kami ay mangangalakal doon ng isang taon at kikita.”
14 Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagkatapos ay naglalaho.
15 Sa halip ay dapat ninyong sabihin, “Kung loloobin ng Panginoon kami ay mabubuhay at gagawin namin ito o iyon.”
16 Subalit ngayon ay nagmamalaki kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng gayong pagmamalaki ay masama.
17 Kaya't ang sinumang nakakaalam ng paggawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kanya.
Babala Laban sa Mapang-aping Mayayaman
5 Halikayo ngayon, kayong mayayaman, tumangis kayo at humagulhol dahil sa mga kahirapan na sa inyo'y darating.
2 Ang(B) inyong mga kayamanan ay bulok na, at ang inyong mga damit ay kinakain na ng bukbok.
3 Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na, at ang mga kalawang ng mga ito ay magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy ay lalamunin nito ang inyong laman. Kayo'y nag-imbak ng mga kayamanan para sa mga huling araw.
4 Tingnan(C) ninyo, ang sahod ng mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukid na inyong ipinagkakait ay umiiyak; at ang pag-iyak ng mga umani ay nakarating sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Kayo'y namuhay na may pagpapasasa sa ibabaw ng lupa, at namuhay kayong may karangyaan. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa araw ng katayan.
6 Inyong hinatulan at pinaslang ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.
Ang Pagdating ng Kaharian(A)
20 Palibhasa'y tinanong si Jesus[a] ng mga Fariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, kanyang sinagot sila, “Ang kaharian ng Diyos ay hindi darating na may mga palatandaang makikita.
21 At di rin nila sasabihin, ‘Tingnan ninyo, naririto o naroroon!’ Sapagkat masdan ninyo, ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”
22 Sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang mga araw na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at hindi ninyo ito makikita.
23 At sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroroon’ o ‘Tingnan ninyo, naririto!’ Huwag kayong pumaroon o sumunod sa kanila.
24 Sapagkat kung paanong ang kidlat ay kumikislap at pinaliliwanag ang langit mula sa isang panig hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa kanyang araw.
25 Subalit kailangan muna siyang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito.
26 At(B) kung paano ang nangyari sa mga araw ni Noe, ay gayundin naman ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao.
27 Sila'y(C) kumakain at umiinom, nag-aasawa at sila'y pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe at dumating ang baha, at nilipol silang lahat.
28 Gayundin(D) ang nangyari sa mga araw ni Lot. Sila'y kumakain at umiinom, bumibili at nagbibili, nagtatanim at nagtatayo.
29 Subalit nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat.
30 Gayundin naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng Tao ay mahayag.
31 Sa(E) araw na iyon, ang nasa bubungan na ang pag-aari niya ay nasa bahay, ay huwag nang manaog upang kunin ang mga ito. Gayundin, ang nasa bukid ay huwag nang bumalik.
32 Alalahanin(F) ninyo ang asawa ni Lot.
33 Sinumang(G) nagsisikap ingatan ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit ang sinumang nawalan ng kanyang buhay ay maiingatan iyon.
34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay may dalawa sa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
35 May dalawang magkasamang magtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan.”
36 (Pupunta sa bukid ang dalawang lalaki; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan.)
37 At sinabi nila sa kanya, “Saan, Panginoon?” Sinabi niya sa kanila, “Kung saan naroon ang bangkay ay doon magtitipon ang mga buwitre.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001