Book of Common Prayer
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora. Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath Leannoth. Maskil ni Heman na Ezrahita.
88 O Panginoon, Diyos ng aking kaligtasan,
ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo.
2 Paratingin mo nawa ang aking panalangin sa harapan mo,
ang iyong pandinig sa aking daing ay ikiling mo!
3 Sapagkat ang aking kaluluwa ay punô ng mga kaguluhan,
at papalapit sa Sheol ang aking buhay.
4 Ako'y ibinilang sa kanila na bumababa sa Hukay;
ako'y taong walang lakas,
5 gaya ng pinabayaan sa gitna ng mga patay,
gaya ng pinatay na nakahiga sa libingan,
gaya ng mga hindi mo na inaalala,
sapagkat sila'y inihiwalay sa iyong kamay.
6 Inilagay mo ako sa pinakamalalim na Hukay,
sa madidilim na dako at kalaliman.
7 Ang iyong poot ay mabigat na sa akin ay nakapatong,
at iyong sinaktan ako ng lahat mong mga alon. (Selah)
8 Pinalayo mo sa akin ang aking mga kasamahan;
ginawa mo akong isang bagay na kanilang katatakutan.
Ako'y nakakulong upang ako'y hindi makatakas;
9 dahil sa kalungkutan ay lumabo ang mata ko,
O Panginoon, araw-araw ay tumatawag ako sa iyo,
aking iniabot sa iyo ang mga kamay ko.
10 Gagawa ka ba ng mga kababalaghan para sa mga patay?
Ang mga patay ba ay babangon upang purihin ka? (Selah)
11 Ang iyo bang tapat na pag-ibig ay ipahahayag sa libingan,
o sa Abadon ang iyong katapatan?
12 Ang iyo bang mga kababalaghan ay malalaman sa kadiliman,
o ang iyong katuwiran sa lupain ng pagkalimot?
13 O Panginoon, ako sa iyo'y dumaraing,
sa umaga'y dumarating sa harapan mo ang aking panalangin.
14 O Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang aking kaluluwa?
Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
15 Pinahihirapan at malapit sa kamatayan mula sa aking kabataan,
tiniis ko ang pagkatakot sa iyo, wala akong kakayahan.
16 Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin,
winasak ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
17 Kanilang pinaligiran ako na gaya ng tubig sa buong araw;
kinubkob nila akong magkakasama.
18 Inalis mo sa akin ang aking mangingibig at kaibigan,
ang aking mga kasamahan ay nasa kadiliman.
Ang Diyos ang Ating Tagapag-ingat
91 Siyang naninirahan sa tirahan ng Kataas-taasan,
ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan,
2 sasabihin ko sa Panginoon, “Aking muog at aking kanlungan,
aking Diyos na siya kong pinagtitiwalaan.”
3 Sapagkat ililigtas ka niya sa bitag ng maninilo,
at sa nakakamatay na salot.
4 Kanyang tatakpan ka ng mga bagwis niya,
at sa ilalim ng kanyang mga pakpak ay manganganlong ka;
ang kanyang katapatan ay baluti at panangga.
5 Ang mga nakakakilabot sa gabi ay di mo katatakutan,
ni ang pana na nagliliparan kapag araw;
6 ni ang salot na lihim na bumubuntot sa kadiliman,
ni ang pagkawasak na sumisira sa katanghalian.
7 Mabubuwal sa iyong tabi ang isang libo,
sa iyong kanan ay sampung libo,
ngunit ito'y hindi lalapit sa iyo.
8 Mamamasdan mo lamang sa pamamagitan ng iyong mga mata,
at iyong makikita ang parusa sa masama.
9 Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay aking kanlungan!
Ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan;
10 walang kasamaang darating sa iyo,
walang parusang lalapit sa tolda mo.
11 Sapagkat(A) siya'y magbibilin sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,
upang sa lahat ng iyong mga lakad ay ingatan ka.
12 Sa(B) kanilang mga kamay ay dadalhin ka nila,
baka sa isang bato'y matisod ang iyong paa.
13 Iyong(C) tatapakan ang leon at ang ulupong,
tatapakan mo ng iyong paa ang ahas at batang leon.
14 Sapagkat siya'y kumapit sa akin na may pag-ibig, ililigtas ko siya,
iingatan ko siya sapagkat ang aking pangalan ay nalalaman niya.
15 Siya'y tatawag sa akin at sasagutin ko siya;
ako'y magiging kasama niya sa kabalisahan,
sasagipin ko siya at pararangalan ko siya.
16 Aking bubusugin siya ng mahabang buhay,
at ipapakita sa kanya ang aking pagliligtas.
Isang Awit para sa Sabbath.
92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
2 ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
at sa gabi ng katapatan mo,
3 sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
at sa matunog na himig ng lira.
4 Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.
5 Kay dakila ng iyong mga gawa, O Panginoon!
Ang iyong kaisipan ay napakalalim!
6 Ang taong mapurol ay hindi makakaalam;
hindi ito mauunawaan ng hangal:
7 bagaman parang damo na ang masama ay lumilitaw,
at umuunlad ang mga gumagawa ng kasamaan,
sila'y nakatalaga sa pagkawasak magpakailanman,
8 ngunit ikaw, O Panginoon, ay mataas magpakailanman.
9 Sapagkat, O Panginoon, ang mga kaaway mo,
sapagkat malilipol ang mga kaaway mo;
lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mangangalat.
10 Ngunit itinaas mo ang sungay ko, na gaya ng sa mailap na toro,
ng sariwang langis ako'y binuhusan mo.
11 Nakita ng aking mata ang pagbagsak ng aking mga kaaway,
narinig ng aking mga tainga ang kapahamakan ng tumitindig laban sa akin.
12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.
Ang Araw ng Panginoon
28 “At(A) mangyayari pagkatapos nito,
na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman;
at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya,
ang inyong matatanda ay mananaginip ng mga panaginip,
ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain.
29 At maging sa mga lingkod na lalaki at babae
ay ibubuhos ko sa mga araw na iyon ang aking Espiritu.
30 “At ako'y magbibigay ng mga tanda sa langit at sa lupa, dugo, apoy, at mga haliging usok.
31 Ang(B) araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.
32 At(C) mangyayari na ang sinumang tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagkat sa bundok ng Zion at sa Jerusalem ay pupunta ang mga nakatakas, gaya ng sinabi ng Panginoon, at kabilang sa mga naligtas ay yaong mga tinatawag ng Panginoon.
Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa
3 “Sapagkat, narito, sa mga araw na iyon, at sa panahong iyon, kapag aking ibinalik ang kayamanan ng Juda at Jerusalem,
2 aking titipunin ang lahat ng bansa at ibababa ko sila sa libis ni Jehoshafat; at hahatulan ko sila roon, dahil sa aking bayan at dahil sa aking manang Israel, sapagkat kanilang pinangalat sila sa mga bansa, at pinaghatian ang aking lupain,
3 at nagsapalaran para sa aking bayan, at kanilang ibinigay ang isang batang lalaki dahil sa isang babaing upahan, at ipinagbili ang isang batang babae dahil sa alak, at ininom iyon.
4 “Ano(D) (E) kayo sa akin, O Tiro at Sidon, at buong lupain ng Filistia? Binabayaran ba ninyo ako dahil sa isang bagay? Kung ako'y inyong binabayaran, mabilis at madali kong gagantihan ang inyong gawa sa inyong sariling ulo.
5 Sapagkat inyong kinuha ang aking pilak at ginto, at inyong dinala sa inyong mga templo ang aking mga kayamanan.
6 Inyong ipinagbili ang mga anak ng Juda at Jerusalem sa mga taga-Grecia, at inilayo sila sa kanilang sariling hangganan.
7 Ngunit ngayon ay gigisingin ko sila sa dako na inyong pinagbilhan sa kanila, at aking sisingilin ang inyong gawa sa inyong sariling ulo.
8 At aking ipagbibili ang inyong mga anak na lalaki at babae sa kamay ng mga anak ni Juda, at kanilang ipagbibili sila sa mga Sabeo, sa isang bansang malayo; sapagkat nagsalita ang Panginoon.”
16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.
17 Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago.
18 Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.
Pakikinig at Pagtupad
19 Unawain ninyo ito, minamahal kong mga kapatid: ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, marahan sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit;
20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos.
21 Kaya't alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang nalalabing kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na may kapangyarihang magligtas ng inyong mga kaluluwa.
22 Ngunit maging tagatupad kayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili.
23 Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, siya ay katulad ng isang tao na tinitingnan ang kanyang likas na mukha sa salamin;
24 sapagkat minamasdan niya ang kanyang sarili at umaalis, at agad niyang nalilimutan kung ano ang kanyang katulad.
25 Ngunit ang tumitingin sa sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatili na hindi tagapakinig na malilimutin, kundi tagatupad na gumagawa, siya ay pagpapalain sa kanyang gawain.
26 Kung inaakala ng sinuman na siya'y relihiyoso, subalit hindi pinipigil ang kanyang dila, kundi dinadaya ang kanyang puso, ang relihiyon ng taong iyon ay walang kabuluhan.
27 Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihin ang sarili na hindi nadungisan ng sanlibutan.
Ang Tusong Katiwala
16 Sinabi rin ni Jesus[a] sa mga alagad, “May isang taong mayaman na may isang katiwala, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng taong ito ang kanyang mga kayamanan.
2 At kanyang tinawag siya, at sa kanya'y sinabi, ‘Ano itong nababalitaan ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’
3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Anong gagawin ko yamang inaalis sa akin ng aking panginoon ang pagiging katiwala? Hindi ko kayang maghukay at nahihiya akong mamalimos.
4 Naipasiya ko na ang aking gagawin, upang matanggap ako ng mga tao sa kanilang bahay kapag pinaalis na ako sa pagiging katiwala.’
5 Kaya't nang tawagin niyang isa-isa ang mga may utang sa kanyang panginoon, ay sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’
6 At sinabi niya, ‘Isang daang takal na langis.’ At sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at maupo ka at isulat mo kaagad ang limampu.’
7 Pagkatapos ay sinabi niya sa iba, ‘Magkano ang utang mo?’ Sinabi niya, ‘Isang daang takal na trigo.’ Sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at isulat mo ang walumpu.’
8 At pinuri ng panginoon ang madayang katiwala, sapagkat siya'y gumawang may katusuhan, sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay higit na tuso sa pakikitungo sa sarili nilang lahi kaysa mga anak ng liwanag.
9 At sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo para sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng mga kayamanan ng kalikuan upang kung ito'y maubos na, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tahanan.[b]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001