Book of Common Prayer
Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan
106 Purihin(A) ang Panginoon!
O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
3 Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.
4 Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
5 upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.
6 Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
7 Hindi(B) naunawaan ng aming mga magulang
ang iyong mga kababalaghan sa Ehipto;
hindi nila naalala ang kasaganaan ng iyong mga kagandahang-loob,
kundi naghimagsik sa dagat, sa Dagat na Pula.
8 Gayunma'y iniligtas niya sila alang-alang sa kanyang pangalan,
upang kanyang maipakilala ang kanyang malakas na kapangyarihan.
9 Kanyang(C) sinaway ang Dagat na Pula, at ito'y natuyo,
pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman na parang sa ilang.
10 Kaya't iniligtas niya sila sa kamay ng namumuhi,
at iniligtas niya sila sa kapangyarihan ng kaaway.
11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway;
walang nalabi sa kanila kahit isa man lamang.
12 Nang(D) magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kanyang mga salita;
inawit nila ang kanyang kapurihan.
13 Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa;
hindi nila hinintay ang kanyang payo.
14 Kundi(E) sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang,
at tinukso nila ang Diyos sa ilang.
15 Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling,
ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila.
16 Nang(F) ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises
at Aaron, na banal ng Panginoon,
17 ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon,
at tinabunan ang kay Abiram na pulutong.
18 Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong;
sinunog ng apoy ang masasama.
19 Sila'y(G) gumawa sa Horeb ng guya,
at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.
24 Kanilang(H) hinamak ang lupaing maganda,
yamang wala silang pananampalataya sa pangako niya.
25 Sila'y nagmaktol sa mga tolda nila,
at ang tinig ng Panginoon ay hindi nila sinunod.
26 Kaya't itinaas niya ang kanyang kamay,
na sa ilang sila'y kanyang ibubuwal,
27 at(I) ang kanilang binhi sa mga bansa ay itatapon,
at ikakalat sila sa mga lupain.
28 At(J) iniugnay nila ang kanilang sarili sa Baal-peor,
at kumain ng mga handog na inialay sa mga patay;
29 kanilang ginalit ang Panginoon sa pamamagitan ng mga gawa nila,
at isang salot ang lumitaw sa gitna nila.
30 Nang magkagayo'y tumayo si Finehas at namagitan,
at ang salot ay napigilan.
31 At iyon ay itinuring sa kanya bilang katuwiran,
mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi magpakailanman.
32 Kanilang(K) ginalit siya sa tubig ng Meriba,
at ito'y naging masama kay Moises dahil sa kanila;
33 sapagkat sila'y mapanghimagsik laban sa kanyang diwa,
at siya'y nagsalitang padalus-dalos sa kanyang mga labi.
34 Ang(L) mga bayan ay hindi nila nilipol,
gaya ng iniutos sa kanila ng Panginoon;
35 kundi nakihalo sila sa mga bansa,
at natuto ng kanilang mga gawa.
36 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan nila,
na naging bitag sa kanila.
37 Kanilang(M) inialay ang kanilang mga anak na lalaki
at ang mga anak na babae sa mga demonyo,
38 nagbuhos(N) sila ng walang salang dugo,
ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae,
na kanilang inialay sa diyus-diyosan ng Canaan;
at ang lupain sa dugo ay nadumihan.
39 Gayon sila naging karumaldumal sa pamamagitan ng kanilang mga gawa,
at naging upahang babae sa kanilang mga gawa.
40 Kaya't(O) nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
at ang kanyang pamana ay kanyang kinasuklaman,
41 sa kamay ng mga bansa ay ibinigay niya sila,
kaya't pinamunuan sila ng mga napopoot sa kanila.
42 Pinagmalupitan sila ng kanilang mga kalaban,
at sila'y ipinaalipin sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.
43 Iniligtas niya sila nang maraming ulit,
ngunit sa kanilang mga payo sila'y mapanghimagsik,
at sila'y ibinaba dahil sa kanilang kasamaan.
44 Gayunma'y pinahalagahan niya ang kanilang pagtitiis,
nang kanyang marinig ang kanilang pagdaing.
45 Kanyang naalala alang-alang sa kanila ang kanyang tipan,
at siya'y nagsisi ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal.
46 Ginawa niyang sila'y kaawaan
sa harap ng lahat ng bumihag sa kanila.
47 O(P) Panginoon naming Diyos, kami ay iligtas mo,
at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo,
upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan!
At sabihin ng buong bayan, “Amen.”
Purihin ang Panginoon!
Ang Pagbabalik ng Juda at Israel
10 Hingin ninyo sa Panginoon ang ulan
sa kapanahunan ng ulan sa tagsibol,
mula sa Panginoon na gumagawa ng ulap na may dalang unos,
at kanyang bibigyan sila ng ulan,
sa bawat isa'y ng damo sa parang.
2 Sapagkat(A) ang mga diyus-diyosan ng sambahayan ay nagsalita ng walang kabuluhan,
at ang mga manghuhula ay nakakakita ng kabulaanan;
at sila'y nagpapahayag ng huwad na panaginip,
at nagbibigay ng walang kabuluhang kaaliwan.
Kaya't ang mga tao ay gumagala na gaya ng mga tupa,
sila'y nagdadalamhati, sapagkat walang pastol.
3 “Ang aking galit ay mainit laban sa mga pastol,
at aking parurusahan ang mga lalaking kambing;
sapagkat dinalaw ng Panginoon ng mga hukbo ang kanyang kawan, ang sambahayan ni Juda,
at kanyang gagawin silang parang kanyang magilas na kabayo sa pakikipaglaban.
4 Mula sa kanila ay lalabas ang batong panulok,
mula sa kanila ay ang tulos ng tolda,
mula sa kanila ay ang busog ng pakikipaglaban,
mula sa kanila ay ang bawat pinuno na magkakasama.
5 At sila'y magiging parang mga makapangyarihang lalaki,
na tinatapakan ang kaaway sa putik ng lansangan sa labanan,
at sila'y lalaban, sapagkat ang Panginoon ay kasama nila,
at kanilang hihiyain ang mga mangangabayo.
6 “Aking palalakasin ang sambahayan ni Juda,
at aking ililigtas ang sambahayan ni Jose,
ibabalik ko sila sapagkat ako'y naawa sa kanila;
at sila'y magiging parang hindi ko itinakuwil:
sapagkat ako ang Panginoon nilang Diyos
at sila'y aking diringgin.
7 Ang Efraim ay magiging gaya ng mga makapangyarihang lalaki,
at ang kanilang puso ay magagalak na gaya ng may alak.
Ito'y makikita ng kanilang mga anak at magagalak,
ang kanilang puso ay magagalak sa Panginoon.
8 “Huhudyatan ko sila at sila'y titipunin,
sapagkat tinubos ko sila;
at sila'y dadami na gaya nang una.
9 Bagaman pinangalat ko sila sa gitna ng mga bansa;
gayunma'y aalalahanin nila ako kahit sa malalayong lupain;
at sila'y mabubuhay kasama ng kanilang mga anak at magbabalik.
10 Ibabalik ko silang pauwi mula sa lupain ng Ehipto,
at titipunin ko sila mula sa Asiria;
at dadalhin ko sila sa lupain ng Gilead at Lebanon,
hanggang wala nang silid para sa kanila.
11 Sila'y[a] tatawid sa dagat ng kaguluhan,
at ang mga alon ng dagat ay hahampasin,
at ang lahat ng kalaliman sa Nilo ay matutuyo.
Ang pagmamataas ng Asiria ay ibababa,
at ang setro ng Ehipto ay mawawala.
12 Palalakasin ko sila sa Panginoon;
at sila'y lalakad sa kanyang pangalan,” sabi ng Panginoon.
Magtulungan sa Isa't isa
6 Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin.
2 Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa't isa, at sa gayon ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo.
3 Sapagkat kung inaakala ng sinuman na siya'y may kabuluhan, gayong wala naman siyang kabuluhan, ay dinadaya niya ang kanyang sarili.
4 Ngunit subukin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa, at kung magkagayon, ang kanyang dahilan upang magmalaki ay sa kanyang sarili lamang, at hindi sa kanyang kapwa.
5 Sapagkat ang bawat tao ay dapat magdala ng kanyang sariling pasan.
6 Ang tinuturuan ng salita ay dapat magbahagi sa nagtuturo ng lahat ng mga bagay na mabuti.
7 Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin.
8 Sapagkat ang naghahasik para sa kanyang sariling laman ay mula sa laman mag-aani ng kasiraan; subalit ang naghahasik sa Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.
9 At huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay.
10 Kaya't habang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, lalung-lalo na sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya.
Binasbasan ni Jesus ang mga Sanggol(A)
15 Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila.
16 Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.
17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon.”
Ang Mayamang Lalaki(B)
18 Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
19 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.
20 Nalalaman(C) mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”
21 At sinabi niya, “Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.”
22 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.
23 Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman.
24 Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos!
25 Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26 At sinabi ng mga nakarinig nito, “Sino kaya ang maliligtas?”
27 Subalit sinabi niya, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos.”
28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang aming mga tahanan at sumunod sa iyo.”
29 At sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman na nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos,
30 na di tatanggap ng lalong higit pa sa panahong ito, at sa panahong darating ng buhay na walang hanggan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001