Book of Common Prayer
Ang Diyos na Pinakamataas na Pinuno
97 Ang Panginoon ay naghahari! Magalak ang lupa;
ang maraming pulo ay matuwa nawa!
2 Nasa palibot niya ang mga ulap at pusikit na kadiliman;
ang saligan ng kanyang trono ay katuwiran at kahatulan.
3 Apoy ang nasa unahan niya,
at sinusunog ang kanyang kaaway sa buong palibot.
4 Nililiwanagan ng kanyang mga kidlat ang sanlibutan;
nakikita ng lupa at ito'y nayayanig.
5 Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harapan ng Panginoon,
sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
6 Ipinahahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
at namasdan ng lahat ng bayan ang kanyang kaluwalhatian.
7 Mapahiya nawa silang lahat na sumasamba sa mga larawan,
na kanilang ipinagmamalaki ang diyus-diyosan;
lahat ng mga diyos ay sasamba sa kanya.
8 Narinig ng Zion at siya'y natuwa,
at ang mga anak na babae ng Juda ay nagalak,
dahil sa iyong mga kahatulan, O Diyos.
9 Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay kataas-taasan sa buong lupa;
ikaw ay higit na mataas kaysa lahat ng mga diyos.
10 Kayong nagmamahal sa Panginoon, kamuhian ninyo ang kasamaan,
ang kaluluwa ng kanyang mga banal ay kanyang iniingatan;
kanyang sinasagip sila sa kamay ng makasalanan.
11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid;
at ang kagalakan para sa may matuwid na puso.
12 Magalak kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid;
at magpasalamat sa kanyang banal na pangalan.
99 Ang(A) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
2 Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
3 Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
Siya'y banal!
4 Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
5 Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
magsisamba kayo sa kanyang paanan!
Siya'y banal.
6 Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
7 Siya'y(B) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.
8 O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
9 Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!
Isang Awit para sa Handog na Pasasalamat.
100 Sumigaw kayo na may kagalakan sa Panginoon, lahat na mga lupain!
2 Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan;
magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan.
3 Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos!
Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya;
tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.
4 Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat,
at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri!
Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya!
5 Sapagkat(C) ang Panginoon ay mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi.
Ang Diyos na Hukom ng Lahat
94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
3 O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
hanggang kailan magsasaya ang masama?
4 Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
5 O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
at ang iyong mana ay sinaktan.
6 Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
ang ulila ay kanilang pinatay.
7 At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
9 Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.
16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.
95 O halikayo, tayo'y umawit sa Panginoon;
tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan!
2 Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat;
tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri!
3 Sapagkat ang Panginoon ay dakilang Diyos,
at dakilang Hari sa lahat ng mga diyos.
4 Nasa kanyang kamay ang mga kalaliman ng lupa,
ang mga kataasan ng mga bundok ay kanya rin.
5 Ang dagat ay kanya, sapagkat ito'y kanyang ginawa,
ang kanyang mga kamay ang lumikha ng tuyong lupa.
6 O parito kayo, tayo'y sumamba at yumukod;
tayo'y lumuhod sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlilikha!
7 Sapagkat(B)(C) siya'y ating Diyos,
at tayo'y bayan ng kanyang pastulan,
at mga tupa ng kanyang kamay.
Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig,
8 huwag(D) ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba,
gaya ng araw sa ilang sa Massah,
9 nang tuksuhin ako ng mga magulang ninyo,
at ako'y subukin, bagaman nakita na nila ang gawa ko.
10 Apatnapung taong kinamuhian ko ang lahing iyon,
at aking sinabi, “Bayan na nagkakamali sa kanilang puso,
at hindi nila nalalaman ang aking mga daan.”
11 Kaya't(E) sa aking galit ako ay sumumpa,
na “Sila'y hindi dapat pumasok sa aking kapahingahan.’”
Ang Panalangin ni Habakuk
3 Panalangin ni propeta Habakuk ayon sa Shigionot.
2 O Panginoon, narinig ko ang tungkol sa iyo
at ako'y natatakot.
O Panginoon, buhayin mong muli ang iyong mga gawa sa gitna ng mga taon.
Sa gitna ng mga taon ay ipaalam mo iyon,
sa kapootan ay alalahanin mo ang kaawaan.
3 Ang Diyos ay dumating mula sa Teman,
at ang Banal mula sa Bundok ng Paran. Selah
Ang kanyang kaluwalhatia'y tumakip sa mga langit,
at ang lupa'y punô ng kanyang kapurihan.
4 Ang kanyang ningning ay parang liwanag;
may mga sinag na nagliliwanag mula sa kanyang kamay;
at doo'y ikinubli niya ang kanyang kapangyarihan.
5 Sa unahan niya'y nagpapauna ang peste,
at ang salot ay malapit na sumusunod.
6 Siya'y tumayo at sinukat ang lupa.
Siya'y tumingin at niliglig ang mga bansa;
at ang mga walang hanggang bundok ay nangalat;
ang mga burol na walang hanggan ay nagsiyukod.
Ang kanyang mga pamamaraan ay walang hanggan.
7 Nakita ko ang mga tolda sa Cusan na nasa pagdadalamhati.
Ang mga tabing ng lupain ng Midian ay nanginig.
8 Ang iyo bang poot ay laban sa mga ilog, O Panginoon?
Ang iyo bang galit ay laban sa mga ilog,
O ang iyo bang poot ay laban sa dagat,
kapag ikaw ay sumasakay sa iyong mga kabayo,
sa iyong karwahe ng kaligtasan?
9 Hubad na nilantad mo ang iyong pana,
ayon sa panunumpa na tungkol sa iyong salita. Selah
Iyong nilagyan ng mga ilog ang lupa.
10 Nakita ka ng mga bundok at ang mga ito'y nanginig;
ang rumaragasang tubig ay dumaan,
ibinigay ng kalaliman ang kanyang tinig,
at itinaas nito ang kanyang mga kamay.
11 Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang mataas na lugar,
sa liwanag ng iyong mga palaso sila'y umalis,
sa kislap ng iyong makinang na sibat.
12 Ikaw ay lumakad na may galit sa mga lupain,
iyong tinapakan ang mga bansa sa galit.
13 Ikaw ay lumabas upang iligtas ang iyong bayan,
at iligtas ang iyong pinahiran ng langis.
Iyong dinurog ang puno ng masamang sambahayan,
hinubaran mo siya mula hita hanggang sa leeg. Selah
14 Iyong tinusok ang ulo ng kanyang mga mandirigma ng kanyang sariling sibat;
na dumating na parang ipu-ipo upang pangalatin ako;
ang kanilang kagalakan ay sakmaling lihim ang dukha.
15 Iyong tinapakan ang dagat ng iyong mga kabayo,
ang bunton ng makapangyarihang tubig.
Ang Propeta ay Nagtitiwala sa Panginoon
16 Aking narinig, at ang aking katawan ay nanginginig,
ang aking mga labi ay nangangatal sa tinig;
ang kabuluka'y pumapasok sa aking mga buto,
ang aking mga hakbang ay nanginginig.
Ako'y tahimik na maghihintay sa araw ng kapahamakan,
na dumating sa bayan na sumasakop sa atin.
17 Bagama't ang puno ng igos ay hindi namumulaklak,
ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas;
ang olibo ay hindi magbubunga,
at ang mga bukid ay hindi magbibigay ng pagkain;
ang kawan ay aalisin sa kulungan,
at hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan,
18 gayunma'y magagalak ako sa Panginoon,
ako'y magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan.
Ang Dila
3 Mga kapatid ko, huwag maging guro ang marami sa inyo, yamang nalalaman nating hahatulan tayo ng mas mahigpit.
2 Sapagkat tayong lahat ay natitisod sa maraming bagay. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa pananalita, ito ay isang taong sakdal, may kakayahang pigilan ang buong katawan.
3 Kung tayo nga'y naglalagay ng mga preno sa bibig ng mga kabayo upang sumunod sila sa atin, ibinabaling natin ang kanilang buong katawan.
4 Tingnan ninyo ang mga barko: bagama't napakalalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayunma'y napapabaling sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman naisin ng piloto.
5 Gayundin naman, ang dila ay isang maliit na bahagi ngunit nagyayabang ng malalaking bagay. Tingnan ninyo kung paanong sinusunog ng maliit na apoy ang malalaking gubat!
6 At ang dila'y isang apoy. Ang dila na kasama ng ating mga sangkap ay isang sanlibutan ng kasamaan. Dinudungisan nito ang buong katawan, at sinusunog ang pag-inog ng kalikasan, at ito mismo ay sinusunog ng impiyerno.[a]
7 Sapagkat ang bawat uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga hayop na gumagapang at mga nilalang sa dagat ay mapapaamo at napapaamo na ng tao,
8 subalit ang dila ay hindi napapaamo ng tao, isang hindi napipigilang kasamaang punô ng lasong nakamamatay.
9 Sa(A) pamamagitan nito ay pinupuri natin ang Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito ay nilalait natin ang mga taong ginawa ayon sa larawan ng Diyos.
10 Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito.
11 Ang isang bukal ba ay binubukalan ng matamis at mapait?
12 Mga kapatid ko, maaari ba na ang puno ng igos ay magbunga ng olibo, o ng mga igos ang puno ng ubas? Hindi rin maaaring daluyan ng tabang ang maalat na tubig.
Pagpapatawad sa Kapatid(A)
17 Sinabi ni Jesus[a] sa kanyang mga alagad, “Hindi maaaring di dumating ang mga kadahilanan ng pagkatisod, subalit kahabag-habag ang sinuman na pinanggagalingan niyon.
2 Mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang batong panggiling, at ihagis siya sa dagat, kaysa siya ang maging sanhi ng pagkatisod ng isa sa maliliit na ito.
3 Mag-ingat(B) kayo sa inyong sarili. Kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya, at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya.
4 Kung siya'y magkasala laban sa iyo ng pitong ulit sa isang araw at pitong ulit siyang bumalik sa iyo, na nagsasabi, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”
Pananampalataya
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang pananampalataya namin.”
6 Sinabi ng Panginoon, “Kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng isang binhi ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim ka sa dagat,’ susundin kayo nito.
Katungkulan ng Isang Lingkod
7 “Sino sa inyo, na mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang magsasabi sa kanya pagkagaling sa bukid, ‘Pumarito ka agad at maupo sa hapag ng pagkain.’
8 Sa halip, hindi ba niya sasabihin sa kanya, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbigkis ka, paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom, pagkatapos ay kumain ka at uminom’?
9 Pinasasalamatan ba niya ang alipin, sapagkat ginawa niya ang iniutos sa kanya?
10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniutos sa inyo, inyong sabihin, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan, ginawa lamang namin ang aming katungkulan.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001