Book of Common Prayer
Panalangin ng Kabataang may Suliranin.
102 O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko,
dumating nawa ang daing ko sa iyo!
2 Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo
sa araw ng kahirapan ko!
Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling,
sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!
3 Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko,
at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno.
4 Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo;
nalimutan kong kainin ang aking tinapay.
5 Dahil sa lakas ng daing ko,
dumidikit sa aking laman ang mga buto ko.
6 Ako'y parang pelikano sa ilang;
ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan.
7 Ako'y gising,
ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan.
8 Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw;
silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan.
9 Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo,
at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko,
10 dahil sa galit at poot mo;
sapagkat itinaas at itinapon mo ako.
11 Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko;
ako'y natutuyo na parang damo.
12 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13 Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
ang takdang panahon ay dumating na.
14 Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
at nahahabag sa kanyang alabok.
15 Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17 kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.
18 Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod,
upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa Panginoon:
19 na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan,
at tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa kalangitan,
20 upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan,
upang palayain ang mga itinakdang mamatay;
21 upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng Panginoon,
at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan,
22 kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon,
at ang mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.
23 Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan;
kanyang pinaikli ang aking mga araw.
24 Aking sinabi, “O Diyos ko, huwag mo akong kunin
sa kalagitnaan ng aking mga araw,
ikaw na ang mga taon ay nananatili
sa lahat ng salinlahi!”
25 Nang(A) una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay,
at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala,
parang kasuotan silang lahat ay mawawala.
Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan;
27 ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili;
ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan.
IKALIMANG AKLAT
107 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
3 at tinipon mula sa mga lupain,
mula sa silangan at mula sa kanluran,
mula sa hilaga at mula sa timugan.
4 Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa tapunang lugar,
na hindi natagpuan ang daan patungo sa isang bayang matitirahan;
5 gutom at uhaw,
ang kanilang kaluluwa ay nanghina.
6 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
7 Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan,
patungo sa isang bayang matatahanan.
8 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
9 Sapagkat kanyang binigyang-kasiyahan ang nauuhaw,
at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng mabubuting bagay.
10 Ang ilan ay nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan,
mga bilanggo sa kahirapan at may tanikala,
11 sapagkat sila'y naghimagsik laban sa mga salita ng Diyos,
at hinamak ang payo ng Kataas-taasan.
12 Ang kanilang mga puso ay yumuko sa mahirap na paggawa;
sila'y nabuwal at walang sumaklolo.
13 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan,
14 Inilabas niya sila sa kadiliman at anino ng kamatayan,
at sa kanilang mga gapos ay kinalagan.
15 Pasalamatan nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
16 Sapagkat kanyang sinira ang mga pintuang tanso,
at pinutol ang mga baras na bakal.
17 Mga mangmang dahil sa daan ng kanilang mga kasalanan,
at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nagdanas ng kahirapan;
18 ang anumang uri ng pagkain ay kinasuklaman ng kanilang kaluluwa,
at sila'y nagsilapit sa mga pintuan ng kamatayan.
19 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
20 Sinugo niya ang kanyang salita, at pinagaling sila,
iniligtas niya sila sa kapahamakan.
21 Purihin nawa nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
22 At maghandog nawa sila ng mga alay na pasasalamat,
at ipahayag ang kanyang mga gawa na may awit ng kagalakan.
23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyang-dagat,
na nangangalakal sa tubig na malalawak;
24 nakita nila ang mga gawa ng Panginoon,
ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa kalaliman.
25 Sapagkat siya'y nag-utos, at itinaas ang maunos na hangin,
na nagpataas sa mga alon ng dagat.
26 Sila'y umakyat hanggang sa langit, sila'y nagsibaba sa mga kalaliman;
ang kanilang kaluluwa ay natutunaw sa masama nilang kalagayan,
27 sila'y sumuray-suray at nagpagiray-giray na parang taong lasing,
at ang kanilang karunungan ay nawala.
28 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kahirapan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kapighatian.
29 Kanyang pinatigil ang bagyo,
anupa't ang mga alon ng dagat ay tumahimik.
30 Nang magkagayo'y natuwa sila sapagkat sila'y nagkaroon ng katahimikan,
at dinala niya sila sa kanilang nais daungan.
31 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
at dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
32 Purihin nila siya sa kapulungan ng bayan,
at purihin siya sa pagtitipon ng matatanda.
Ang Pagdating ng Sugo ng Panginoon
3 “Narito,(A) sinusugo ko ang aking sugo upang ihanda ang daan sa unahan ko; at ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo! Ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan ay narito, dumarating,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
2 Ngunit(B) sino ang makakatagal sa araw ng kanyang pagdating, at sino ang makakatayo kapag siya'y nagpakita? Sapagkat siya'y tulad sa apoy ng tagapagdalisay at tulad sa sabon ng mga tagapagpaputi.
3 Siya'y uupong gaya ng nagpapakintab at nagpapadalisay ng pilak, at kanyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kanyang lilinising tulad sa ginto at pilak hanggang sila'y maghandog ng matutuwid na handog sa Panginoon.
4 Kung magkagayo'y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa Panginoon, gaya ng mga unang araw, at gaya ng mga taong nakalipas.
5 “Aking lalapitan kayo sa kahatulan; ako'y magiging mabilis sa pagsaksi laban sa mga mangkukulam, laban sa mga nakikiapid, laban sa mga nanunumpa ng kasinungalingan, at laban sa mga umaapi sa upahang manggagawa sa kanyang sahod, sa babaing balo at sa ulila, at laban sa nagtataboy sa dayuhan, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Hindi Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi
6 “Sapagkat akong Panginoon ay hindi nagbabago, kaya't kayo, O mga anak ni Jacob ay hindi napapahamak.
7 Mula sa mga araw ng inyong mga ninuno, kayo'y lumihis sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinupad ang mga iyon. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano kami manunumbalik?’
8 Nanakawan ba ng tao ang Diyos? Gayunma'y ninanakawan ninyo ako. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano ka namin ninanakawan?’ Sa mga ikasampung bahagi at sa mga handog.
9 Kayo'y isinumpa ng isang sumpa, sapagkat ninanakawan ninyo ako—ng inyong buong bansa!
10 Dalhin(C) ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at sa gayo'y subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.
11 Aking sasawayin ang mananakmal alang-alang sa inyo, kaya't hindi nito sisirain ang mga bunga ng inyong lupa; at ang inyong puno ng ubas sa parang ay hindi mawawalan ng bunga, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Tatawagin kayong mapapalad ng lahat ng mga bansa, sapagkat kayo'y magiging lupain ng katuwaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Katiyagaan sa Kahirapan
7 Kaya, maging matiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na siya'y nagtitiis para dito hanggang sa ito ay tumanggap ng una at huling ulan.
8 Maging matiyaga rin kayo. Patatagin ninyo ang inyong mga puso, sapagkat ang pagdating ng Panginoon ay malapit na.[a]
9 Mga kapatid, huwag kayong magbulung-bulungan laban sa isa't isa, upang huwag kayong mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pintuan.
10 Mga kapatid, kunin ninyong halimbawa ng pagtitiis at ng pagtitiyaga ang mga propeta na nagsalita sa pangalan ng Panginoon.
11 Tunay(A) na tinatawag nating mapapalad ang mga nagtiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung paanong ang Panginoon ay punô ng pagkahabag at pagkamaawain.
12 Ngunit(B) higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag ninyong ipanumpa ang langit o ang lupa, o ang anumang ibang panunumpa, kundi ang inyong “Oo” ay maging oo; at ang inyong “Hindi” ay maging hindi, upang kayo'y huwag mahulog sa ilalim ng kahatulan.
Ang Talinghaga ng Balo at ng Hukom
18 At isinalaysay ni Jesus[a] sa kanila ang isang talinghaga kung paanong sila'y dapat laging manalangin at huwag manlupaypay.
2 Sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang.
3 At sa lunsod na iyon ay may isang babaing balo na laging pumupunta sa kanya, na nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking kaaway.’
4 May ilang panahon na siya'y tumatanggi, subalit pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, ‘Bagaman ako'y hindi natatakot sa Diyos, at hindi gumagalang sa tao,
5 subalit dahil ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Kung hindi ay magsasawa ako sa kanyang patuloy na pagpunta rito.’”
6 At sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sinabi ng masamang hukom.
7 At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila?
8 Sinasabi ko sa inyo, mabilis niyang bibigyan sila ng katarungan. Gayunman, pagparito ng Anak ng Tao, makakatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001