Book of Common Prayer
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[a] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.
56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
2 nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
3 Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
4 Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
5 Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
6 Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
7 Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!
8 Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
9 Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10 May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha(B) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[b] nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.
57 Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.
2 Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
3 Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)[c]
4 Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.
5 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
6 Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)[d]
7 Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
8 Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
9 Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
Panalangin para Parusahan ng Diyos ang Masasama
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam.[e]
58 Tama ba ang hatol ng mga pinuno?
Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo?
2 Hindi! Pagkat ang inyong binabalangkas
pawang karahasa't gawaing di tama.
3 Iyang masasama sa mula't mula pa,
mula sa pagsilang ay sinungaling na.
4 Sila'y makamandag, ahas ang kaparis,
katulad ay kobrang ang tainga ay may takip;
5 itong mga tawak at salamangkero,
di niya dinirinig, hindi pansin ito.
6 Bungiin ang ngipin nila, O Panginoon,
alisin ang pangil niyong mga leon.
7 Itapon mo silang katulad ng tubig,
sa daa'y duruging parang mga yagit.
8 Parang mga susô, sa dumi magwakas,
batang di nabuhay sa sangmaliwanag.
9 Puputulin silang hindi nila batid,
itatapon ng Diyos sa tindi ng galit;
bagaman buháy pa'y iyon na ang sinapit.
10 Ang mga matuwid nama'y magagalak kung ang masasama'y parusahang ganap;
pagkakita nila sa dugong dumanak, hindi mangingiming doon na tumahak.
11 Saka sasabihin ng mga nilalang, “Ang mga matuwid ay gantimpalaan;
tunay ngang may Diyos, na hukom ng lahat!”
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
64 O Diyos, ang hibik ko, ang aking dalangin sana ay pakinggan,
sa pagkaligalig dahil sa kaaway, huwag akong hayaan;
2 ipagtanggol ako sa mga pakana't lihim na sabwatan,
niyong mga pangkat na ang binabalak pawang kasamaan.
3 Ang kanilang dila'y katulad ng tabak na napakatalas,
tulad ng palasong iniaasinta kung sila'y mangusap.
4 Sa kublihan nila, sila'y nag-aabang sa mabuting tao,
at walang awa nilang tinutudla sa pagdaan nito.
5 Sa gawang masama ay nagsasabwatan, nag-uusap sila,
kung saan dadalhin ang patibong nilang di dapat makita.
6 At ang sasabihin pagkatapos nilang makapagbalangkas,
“Ayos na ayos na itong kasamaang ating binabalak.”
Damdamin ng tao at ang isip niya'y mahiwagang ganap!
7 Subalit ang Diyos na may palaso ri'y di magpapabaya,
walang abug-abog sila'y tutudlai't susugatang bigla.
8 Dahilan sa sila'y masamang nangungusap, kaya wawasakin,
at ang makakita sa gayong sinapit sila'y sisisihin;
9 yaong nakakita'y sisidlan ng takot, ipamamalita
ang gawa ni Yahweh at isasaisip ang kanyang ginawa.
10 Sa gawa ni Yahweh, ang mga matuwid pawang magagalak,
magpupuri sila at sa piling niya ay mapapanatag.
Pagpupuri at Pagpapasalamat
Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
65 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,
dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
2 pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.
Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
3 Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,
gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
4 Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,
silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!
Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,
dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.
5 Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,
sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.
Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,
may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
6 Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;
dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
7 Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,
pati along malalaki sa panahong nagngangalit;
maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
8 Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,
natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.
Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,
buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.
9 Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.
Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10 Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,
kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,
at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.
Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!
Si David ay Naging Hari ng Juda
2 Pagkaraan ng lahat ng ito, sumangguni si David kay Yahweh. “Pupunta po ba ako sa isa sa mga lunsod ng Juda?” tanong niya.
“Lumakad ka,” sagot sa kanya ni Yahweh.
“Saan pong lunsod?” tanong ni David.
“Sa Hebron,” sagot ni Yahweh. 2 Kaya't(A) lumakad si David kasama ang dalawa niyang asawa, sina Ahinoam na Jezreelita, at si Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. 3 Isinama rin ni David ang kanyang mga tauhan pati ang kani-kanilang pamilya. 4 Dumating(B) sa Hebron ang mga taga-Juda at binuhusan nila ng langis si David bilang hari ng Juda.
Nang sabihin nila kay David, “Ang mga taga-Jabes-gilead ang naglibing kay Saul,” 5 nagpadala siya ng mga tauhan sa mga taong iyon dala ang pagbating, “Nawa'y pagpalain kayo ni Yahweh sa kagandahang-loob at kabutihang ginawa ninyo sa panginoon ninyong si Saul, nang siya'y inyong ilibing. 6 Kamtan nawa ninyo ang pag-ibig at katapatan ni Yahweh, at ako nama'y handang gumanti sa inyong kabutihang ginawa. 7 Maging matatag at matapang kayo. Patay na ang inyong haring si Saul at ginawa na akong hari ng mga taga-Juda.”
Ginawang Hari ng Israel si Isboset
8 Samantala, si Isboset[a] na anak ni Saul ay kinuha ni Abner na anak ni Ner, pinuno ng hukbo ni Saul. Siya'y dinala sa Mahanaim, sa kabilang ibayo ng Jordan. 9 Doo'y ginawang hari ni Abner si Isboset upang mamuno sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin at sa buong Israel. 10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taon noon at dalawang taóng naghari sa Israel, ngunit si David ang kinilalang hari ng lipi ni Juda. 11 Naghari si David roon sa loob ng pito't kalahating taon habang siya'y nanirahan sa Hebron.
Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe
36 Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa mga bayan kung saan tayo nangaral ng salita ng Panginoon at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na isama si Juan na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit(A) ayaw ni Pablo, sapagkat hindi ito nagpatuloy na sumama sa kanilang gawain, sa halip, ito'y humiwalay sa kanila sa Pamfilia. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya't naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Cyprus. 40 Isinama naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis, matapos silang ipagkatiwala ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay sila sa Siria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya roon.
Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas
16 Nagpunta rin si Pablo sa Derbe at sa Listra. May isang alagad doon na ang pangala'y Timoteo. Ang kanyang ina ay isang mananampalatayang Judio at ang kanyang ama nama'y isang Griego. 2 Mataas ang pagtingin ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio kay Timoteo. 3 Ibig isama ni Pablo si Timoteo kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judio sa lungsod na iyon, dahil alam nilang lahat na ang kanyang ama ay isang Griego. 4 Sa bawat lungsod na kanilang dalawin, ipinaaalam nila sa mga kapatid ang pasya ng mga apostol at mga pinuno ng iglesya sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. 5 Kaya't tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng mga iglesya, at araw-araw ay nadagdagan ang kanilang bilang.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)
14 Nakarating(B) kay Haring Herodes[a] ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.”
16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” 17 Si(C) Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.[b]
21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias[c] at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin.
24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.
25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”
26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.
29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.