Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:145-176

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

(Qof)

145 Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod;
    ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
146 Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,
    iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin.
147 Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,
    sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.
148 Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising,
    at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin.
149 Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig,
    iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid.
150 Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig,
    mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid.
151 Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko,
    ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo.
152 Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos,
    ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos.

Panalangin Upang Maligtas

(Resh)

153 Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan,
    pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan.
154 Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin,
    dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin.
155 Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas,
    dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap.
156 Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay,
    kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan.
157 Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin,
    ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin.
158 Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan,
    yaong mga taong taksil na laban sa kautusan.
159 Nalalaman mo, O Yahweh, mahal ko ang iyong utos,
    iligtas mo ako ayon sa pag-ibig mong taos.
160 Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan,
    ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan.

Pagtatalaga sa Kautusan ni Yahweh

(Shin)

161 Mga taong namumuno na kulang sa katarungan,
    usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral.
162 Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay,
    katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman.
163 Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam,
    ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
164 Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat,
    sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad.
165 Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay,
    matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
166 Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas,
    ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad.
167 Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral,
    buong pusong iniibig ang buo mong kautusan.
168 Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral,
    ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

(Taw)

169 O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan,
    at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan.
170 Hayaan ang dalangin ko ay dumating sa iyo, O Diyos,
    sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod.
171 Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin,
    pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin.
172 Dahilan sa pangako mo, ako ngayon ay aawit,
    sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid.
173 Humanda ka sa pagtulong, ito'y aking kailangan,
    sapagkat ang susundin ko'y ang utos mong ibinigay.
174 Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas,
    natamo ko sa utos mo, ang ligaya at ang galak.
175 Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan mo ng buhay,
    matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral.
176 Para akong isang tupa na nawala at nawalay,
    hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan,
    pagkat ako ay sumunod sa lahat mong kautusan.

Mga Awit 128-130

Ang Bunga ng Pagsunod kay Yahweh

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

128 Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot,
    ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos.

Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan,
    ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga,
    at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya.
Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin,
    buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.

Mula sa Zion, pagpapala nawa ni Yahweh ay tanggapin,
    at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem;
ang magiging iyong apo, nawa iyong makita rin,
    nawa'y maging mapayapa itong bayan ng Israel!

Panalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

129 Ihayag mo, O Israel, ang ginawa ng kaaway,
    sa simulang usigin ka, mula pa nang kabataan!

“Simula pa noong bata, ako'y di na nilubayan,
    mahigpit na pinag-usig, bagaman di nagtagumpay.
Ako ay sinaktan nila, ang likod ko'y sinugatan,
    mga sugat na malalim, parang bukid na binungkal.
Ngunit ang Diyos na si Yahweh, palibhasa ay matuwid,
    pinalaya niya ako at sa hirap ay inalis.”

Nawa itong mga bansang laging namumuhi sa Zion,
    sa labanan ay malupig, mapahiya't mapaurong!
Matulad sa mga damong tumubo sa mga bubong,
    natutuyong lahat ito, kahit ito'y bagong sibol,
    di na ito binibigkis at hindi na tinitipon.
Kahit isang dumaraa'y di man lamang banggitin,
    “Nawa ang pagpapala ni Yahweh ay iyong tanggapin!
    Sa pangalan ni Yahweh, pagpapala ay iyong tanggapin!”

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
    dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
    lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
    pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.

Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
    pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
    sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.

Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
    matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
    lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
    ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.

1 Samuel 12:1-6

Ang Talumpati ni Samuel

12 Sinabi ni Samuel sa sambayanang Israel, “Ngayon, nasunod ko na ang gusto ninyo, nabigyan ko na kayo ng hari. Narito na siya upang mamuno sa inyo. Ako nama'y matanda na at ang aking mga anak ay kasa-kasama ninyo. Mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay ako ang namuno sa inyo. Kung(A) mayroon kayong anumang reklamo laban sa akin, sabihin ninyo sa harapan ni Yahweh at sa hinirang niyang hari. Mayroon ba akong kinuha sa inyo kahit isang baka o asno? Mayroon ba akong dinaya o inapi? Nasuhulan ba ako ng sinuman para ipikit ko ang aking mga mata sa kamalian? Sabihin ninyo ngayon at pananagutan ko kung mayroon.”

“Hindi mo kami dinaya o inapi. Wala kang kinuhang anuman sa amin,” sagot nila.

Sinabi ni Samuel, “Kung gayon, si Yahweh ang saksi ko. Saksi ko rin ang kanyang hinirang na ako'y walang ginawang masama sa inyo.”

Sumagot sila, “Iyan ay alam ni Yahweh.”

Sinabi(B) ni Samuel, “Siya nga ang saksi,[a] si Yahweh na pumili kina Moises at Aaron, at siya rin ang nagligtas sa inyong mga ninuno mula sa kamay ng mga Egipcio.

1 Samuel 12:16-25

16 Ngayon, tingnan ninyo ang kababalaghang gagawin ni Yahweh. 17 Ngayon ay anihan ng trigo. Idadalangin ko sa kanya na kumulog at umulan para makita ninyo kung gaano kalaki ang pagkakasalang ginawa ninyo kay Yahweh nang humingi kayo ng hari.”

18 Nanalangin nga si Samuel. Noon di'y kumulog at umulan. Silang lahat ay napuno ng matinding takot kay Yahweh, at kay Samuel. 19 Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin mo kay Yahweh na huwag kaming mamatay dahil sa paghingi namin ng hari. Malaking kasalanan ang idinagdag namin sa marami na naming pagkakasala.”

20 “Huwag kayong matakot,” sabi ni Samuel. “Kahit malaki ang pagkakasala ninyo kay Yahweh, huwag kayong lalayo sa kanya. Ang kailangan ay paglingkuran ninyo siya nang buong puso. Huwag ninyo siyang tatalikuran. 21 Lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Hindi kayo maililigtas ni matutulungan ng mga iyan sapagkat hindi sila tunay na Diyos. 22 Hindi kayo pababayaan ni Yahweh, sapagkat iyon ang kanyang pangako. Kayo'y pinili niya bilang kanyang bayan. 23 Ipapanalangin ko kayo at tuturuan ng dapat ninyong gawin. 24 Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo. 25 Ngunit kung mananatili kayo sa inyong kasamaan, malilipol kayong lahat, pati ang inyong hari.”

Mga Gawa 8:14-25

14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, 16 sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo.

18 Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. 19 “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo,” sabi niya.

20 Sinagot siya ni Pedro, “Nawa'y mapapahamak ka kasama ng iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi tama ang iyong puso sa paningin ng Diyos. 22 Pagsisihan mo ang kasamaan mong ito at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka niya sa iyong hangarin, 23 dahil nakikita kong puno ka ng inggit at bilanggo ng kasalanan.”

24 Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!”

25 Pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon, bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Cristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan.

Lucas 23:1-12

Sa Harapan ni Pilato(A)

23 Tumayo ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at dinala si Jesus kay Pilato. Siya ay pinaratangan nila ng ganito, “Napatunayan po namin na inililigaw ng taong ito ang aming mga kababayan at pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador. Sinasabi pa niyang siya raw ang Cristo, na isang hari.”

Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”

“Ikaw na ang may sabi,” tugon ni Jesus.

Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”

Ngunit iginiit nila, “Sa kanyang pagtuturo ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na.”

Sa Harapan ni Herodes

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga. At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon. Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan.

10 Samantala, ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang pakundangang pinaparatangan si Jesus. 11 Siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng magarang damit, at ipinabalik siya kay Pilato. 12 At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.