Book of Common Prayer
Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap
Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
2 Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
at iyong mga kamay, hinampas sa akin.
3 Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
4 Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
mabigat na lubha itong aking dala.
5 Malabis ang paglala nitong aking sugat,
dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
6 Wasak at kuba na ang aking katawan;
sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
7 Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
8 Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
puso'y dumaraing sa sakit na taglay.
9 O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
dahil sa sugat ko sa aking katawan;
lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.
13 Para akong bingi na di makarinig,
at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
walang marinig katulad ng isang bingi.
15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
mahapdi't makirot ang aking katawan.
18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.
21 Yahweh, huwag akong iiwan;
maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Daleth)
25 Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,
sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
26 Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo,
ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro.
27 Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan,
iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
28 Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot;
sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
29 Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
30 Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
31 Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko;
huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo.
32 Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,
dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh
(Vav)
41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.
Ang Sumpaan nina David at Jonatan
20 Si David ay tumakas sa Nayot ng Rama at nakipagkita kay Jonatan. Itinanong niya rito, “Ano ba ang nagawa kong masama? Ano ba ang kasalanan ko at nais akong patayin ng iyong ama?”
2 Sumagot si Jonatan, “Hindi totoo iyan. Hindi ka na niya papatayin. Anumang balak niya ay sinasabi sa akin bago niya isagawa, at wala siyang nabanggit tungkol sa sinasabi mo. Kaya hindi ako naniniwalang gagawin niya iyon.”
3 Sinabi ni David, “Hindi lamang niya sinasabi sa iyo sapagkat alam niyang magdaramdam ka dahil matalik tayong magkaibigan. Ngunit saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] alam ko ring ako'y nakabingit sa kamatayan.”
4 Sinabi naman ni Jonatan, “Sabihin mo kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.”
5 Sumagot(A) siya, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan, at dapat akong kumaing kasalo ng hari. Ngunit magtatago ako sa bukid hanggang sa ikatlong araw. 6 Kapag hinanap niya ako, sabihin mong nagpaalam ako sa iyo dahil ang pamilya namin ay may taunang paghahandog ngayon sa Bethlehem. 7 Kapag hindi siya nagalit, wala nga siyang masamang balak laban sa akin. Ngunit kapag nagalit siya, nais nga niya akong patayin. 8 Hinihiling ko sa iyong tapatin mo ako alang-alang sa ating sumpaan sa harapan ni Yahweh. Kung may nagawa akong kasalanan, ikaw na ang pumatay sa akin! Huwag mo na akong iharap sa hari.”
9 Sinabi ni Jonatan, “Hindi mangyayari iyon! Sasabihin ko kung may masamang balak sa iyo ang aking ama.”
10 Itinanong ni David, “Paano ko malalaman kung masama ang kanyang sagot?”
11 Sumagot si Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.”
12 Pagdating doon, sinabi ni Jonatan, “Naririnig ako ni Yahweh. Bukas o sa makalawa, sa ganito ring oras, kakausapin ko ang aking ama at malalaman ko kung galit pa nga siya sa iyo. 13 Kung galit, ipapaalam ko sa iyo para makalayo ka. Parusahan ako ni Yahweh kapag hindi ko ginawa ito. Patnubayan ka nawa ni Yahweh tulad ng pagpatnubay niya sa aking ama. 14 Kung buháy pa ako sa araw na iyon, huwag mong kakalimutan ang ating pangako sa isa't isa. 15 Kung(B) ako nama'y patay na, huwag mo sanang pababayaan ang aking sambahayan. Kung dumating ang araw na lipulin na ni Yahweh ang iyong mga kaaway, 16 huwag ka sanang sisira sa ating pangako. Parusahan sana ni Yahweh ang mga kaaway ni David.”
17 Hiniling ni Jonatan na muling mangako si David na sila'y magiging tapat sa isa't isa. Minahal siya ni Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa sarili. 18 At sinabi ni Jonatan kay David, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan; tiyak na hahanapin ka kapag wala ka sa iyong upuan. 19 Sa makalawa, magtago kang muli sa pinagtataguan mo noon, sa tabi ng malaking bunton ng bato. 20 Kunwari ay may pinapana ako roon. Tatlong beses akong tutudla sa tabi ng taguan mo. 21 Pagkatapos, ipapahanap ko iyon sa isa kong utusan. Kapag narinig mong sinabi ko, ‘Nasa gawi rito ang mga palaso,’ lumabas ka sa pinagtataguan mo. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] tiyak na wala nang panganib. 22 Ngunit kapag sinabi kong, ‘Nasa gawi pa roon,’ tumakas ka na sapagkat iyon ang nais ni Yahweh. 23 At tungkol naman sa ating pangako sa isa't isa, si Yahweh ang ating saksi.”
18 Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro, at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19 Ipinahanap ni Herodes si Pedro, at nang hindi matagpuan ay ipinasiyasat ang mga bantay at ipinapatay.
Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea, pumunta sa Cesarea at nanatili roon.
Ang Pagkamatay ni Herodes
20 Matagal(A) nang galit si Herodes sa mga taga-Tiro at mga taga-Sidon. Kaya't sama-samang lumapit sa kanya ang mga taga-Tiro at taga-Sidon upang makipagkasundo, sapagkat sa lupain ng hari nanggagaling ang ikinabubuhay ng kanilang bayan. Nakiusap sila kay Blasto, ang tagapamahala sa palasyo, upang sila'y samahan. 21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari, umupo sa trono, at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga taong-bayan, “Isang diyos ang nagsasalita, hindi tao!” 23 At noon din ay hinampas ng isang anghel ng Panginoon si Herodes, sapagkat inangkin niya ang karangalang nauukol sa Diyos; at siya'y kinain ng mga uod hanggang sa mamatay.
24 Samantala, patuloy na lumago at lumaganap ang salita ng Diyos.
25 Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang tungkulin, bumalik sila sa Jerusalem[a] kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.
Ang Pagtawag kay Levi(A)
13 Muling pumunta si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya roon ng napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. 14 Habang naglalakad si Jesus ay nakita niyang nakaupo sa tanggapan ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya.
15 Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, kasalo nilang kumakain ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanang sumunod sa kanya. 16 Nang makita ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo,[a] tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasama ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”
17 Narinig ito ni Jesus kaya't siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”
Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(B)
18 Minsan, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo. May lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad, samantalang ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo ay nag-aayuno?”
19 Sumagot si Jesus, “Dapat bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Hangga't kasama nila ito, hindi nila gagawin iyon. 20 Ngunit darating ang araw na kukunin mula sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.
21 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin lamang ng alak ang sisidlang-balat, at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. [Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat!]”[b]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.