Book of Common Prayer
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.
5 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
2 Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
3 Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
4 Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
mga maling gawain, di mo pinapayagan.
5 Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
6 Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.
7 Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
luluhod ako tanda ng aking paggalang.
8 Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.
9 Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.
11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.
Panalangin sa Panahon ng Bagabag
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]
6 O(B) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
2 Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
3 Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?
4 Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
5 Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?
6 Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
7 Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.
8 Kayong(C) masasama, ako'y inyong layuan,
pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
9 Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.
Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan
10 O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
2 Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.
3 Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
4 Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.
5 Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
6 Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
7 Namumutawi(A) sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.
8 Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
upang paslangin ang walang kamalay-malay.
9 Para silang leon na nasa taguan,
mga kawawang dukha'y inaabangan,
hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
at pagkatapos ay kinakaladkad.
10 Dahan-dahan silang gumagapang,
upang biktimahin ang mga mahihina.
11 Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”
12 Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13 Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?
14 Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.
15 Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.
16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.
17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
upang wala nang taong mananakot ng kapwa.
Pagtitiwala kay Yahweh
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
2 sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
3 Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”
4 Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
5 Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
6 Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
7 Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.
24 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako! Sinuway ko nga ang utos ni Yahweh at ang bilin mo sa akin. Nagawa ko ito sapagkat natakot ako sa aking mga tauhan, kaya't pinagbigyan ko ang kanilang kagustuhan. 25 Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo na patawarin mo na ang aking kasalanan at samahan mo ako sa pag-uwi upang ako'y makasamba kay Yahweh.”
26 Sinabi ni Samuel, “Hindi kita masasamahan sapagkat sinuway mo ang utos ni Yahweh. Itinakwil ka na niya bilang hari ng Israel.”
27 Tumalikod(A) si Samuel upang umalis, ngunit hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit nito at napunit ang kapiraso nito. 28 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Sa araw na ito, tinanggal na sa iyo ni Yahweh ang pagiging hari ng Israel, at ibinigay na ito sa isang taong mas mabuti kaysa iyo. 29 Ang maluwalhating Diyos ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi nagbabago ng pag-iisip. Hindi siya tulad ng tao na nagbabago ng pag-iisip.”
30 Sumagot si Saul, “Nagkasala nga ako ngunit sa pagkakataong ito'y ipinapakiusap sa iyo, bigyan mo ako kahit kaunting karangalan sa harapan ng matatandang pinuno at ng buong bayang Israel. Samahan mo na akong bumalik upang sumamba kay Yahweh na iyong Diyos.” 31 Sumama si Samuel at si Saul nama'y sumamba kay Yahweh.
Pinatay si Agag
32 Sinabi ni Samuel, “Dalhin dito si Agag, ang hari ng Amalek.” Mabigat ang mga paang humarap sa kanya si Agag at nanginginig na sinabi nito, “Siguro nama'y hindi ninyo ako papatayin.”
33 Sumagot si Samuel, “Kung paanong nawalan ng anak ang maraming ina dahil sa iyong tabak, ang iyong ina naman ang mawawalan ngayon ng anak.” At si Agag ay pinagputul-putol ni Samuel sa harap ng altar ni Yahweh sa Gilgal.
34 Pagkatapos nito'y umuwi si Samuel sa Rama, si Saul naman ay sa Gibea. 35 Mula noon, hindi na siya muling nakipagkita kay Saul; subalit ikinalungkot din niya ang nangyari kay Saul. Si Yahweh naman ay nanghinayang sa pagkapili niya kay Saul bilang hari.
Nagpunta si Pedro sa Lida at sa Joppa
32 Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga hinirang ng Panginoon. Pagdating niya sa Lida, 33 natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!”
At agad siyang tumayo. 35 Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at sila'y sumunod sa Panginoon.
36 Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas[a]. Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas. 38 Malapit lang sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay nasa Lida, nagsugo sila ng dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa. 39 Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga damit at mga balabal na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa. 40 Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro. 41 Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga hinirang ng Panginoon at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na. 42 Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Maraming araw ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ng isang tagapagbilad ng balat ng hayop na nagngangalang Simon.
56 Pagkatapos,(A) umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.
Pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, nangilin sila ayon sa Kautusan.
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(B)
24 Maagang-maaga pa ng araw ng Linggo, ang mga babae ay nagbalik sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. 2 Nang dumating sila doon, nakita nilang naigulong na ang batong nakatakip sa libingan. 3 Ngunit nang pumasok sila, wala roon ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4 Samantalang nagtataka sila kung ano ang nangyari, biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nakakasilaw ang damit. 5 Dahil sa matinding takot, sila'y nagpatirapa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay? 6 Wala(C) siya rito, siya'y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, 7 ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’”
8 Naalala nga ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus noong una, 9 kaya't umuwi sila at isinalaysay nila sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan ang buong pangyayari. 10 Ang mga babaing ito'y sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita sa mga apostol. 11 Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.