Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 106

Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel

106 Purihin(A) si Yahweh!

Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
    Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
    na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.

Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
    sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
    kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.

Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
    ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
    ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
    bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
    upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
    sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
    iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
    lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
    sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.

13 Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kaagad nilimot,
    sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
14 Habang(E) nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,
    sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos.
15 Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit,
    ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit.

16 Sila(F) ay nagselos kay Moises habang nasa ilang,
    at kay Aaron, ang banal na lingkod na si Yahweh ang humirang.
17 Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa,
    si Datan, Abiram, pati sambahaya'y natabunang bigla.
18 Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog,
    at ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok.

19 Sa(G) may Bundok ng Sinai,[c] doon ay naghugis niyong gintong guya,
    matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.
20 Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
    sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
21 Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,
    ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.
22 Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala.
    Sa Dagat na Pula[d] yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
23 Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka,
    agad na dumulog kay Yahweh si Moises, namagitan siya,
    at hindi natuloy iyong kapasyahan na lipulin sila.

24 Ang(H) lupang-pangarap na ipinangako'y kusang tinanggihan,
    dahilan sa sila'y hindi naniwala sa pangakong tipan.
25 Sa loob ng tolda ay nagrereklamo at puro pa angal,
    at hindi nila pinakinggan tinig ni Yahweh, Diyos na banal.
26 Sa ginawang iyon, nagalit ang Diyos, siya ay sumumpang
    sila'y lilipulin, mamamatay sa gitna ng ilang.
27 Sila'y(I) ikakalat, dadalhin sa bansa niyong mga Hentil,
    sa lugar na iyon, mamamatay sila sa pagkaalipin.

28 Sila'y(J) nakiisang sa Baal ng Beor ay doon sumamba,
    ang mga pagkain na handog sa patay ang pagkain nila.
29 Sa inasal nila'y nagalit si Yahweh, naging pasya'y ito:
    Dinalhan ng peste, pawang nagkamatay ang maraming tao.
30 Sa galit ni Finehas taong nagkasala ay kanyang pinatay,
    kung kaya nahinto ang salot na iyon na nananalakay.
31 Magmula nga noon, at magpakailanman, di malilimutan
    ang ginawang ito'y di na malilimot nitong kanyang bayan.

32 At(K) itong si Yahweh, kanilang ginalit sa Bukal Meriba,
    nalagay sa gipit itong si Moises dahil sa kanila.
33 Sa ginawa nila ay lubhang nasaktan ang kanyang damdamin,
    dahas ng salitang nagmula sa bibig ay hindi napigil.

34 Di(L) nila nilipol ang lahat ng taong naro'n sa Canaan,
    bagama't ito'y iniutos ni Yahweh na dapat gampanan.
35 Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,
    at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
36 Ang diyus-diyosan ang sinamba nila at pinaglingkuran,
    sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.
37 Pati(M) anak nilang babae't lalaki'y inihaing lubos,
    sa diyus-diyosan, mga batang ito ay ginawang handog.
38 Ang(N) pinatay nila'y mga batang musmos, batang walang malay
    para ipanghandog sa diyus-diyosan ng lupang Canaan,
    kaya't ang lupain sa ginawa nila'y pawang nadungisan.
39 Ang sarili nila yaong nadungisan sa gayong ginawa,
    sa Diyos na si Yahweh sila ay nagtaksil at pawang sumamâ.

40 Kaya(O) naman muli, si Yahweh'y nagalit sa mga hinirang,
    siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
41 Sa bansang kaaway itong bayan niya'y ipinaubaya,
    sila ay nasakop at ang mga Hentil ay siyang namahala.
42 Inalipin sila at pinahirapan ng mga kaaway,
    pinasuko sila't ipinailalim sa kapangyarihan.
43 Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila,
    naghimagsik pa rin, kaya naman sila'y lalong nagkasala.
44 Gayunman, hindi rin tinitiis ng Diyos, kapag nananambitan,
    dinirinig niya't sa taglay na hirap kinahahabagan.
45 Dinirinig sila at inaalaala kanyang kasunduan,
    nahahabag siya dahilan sa wagas niyang pagmamahal.
46 Maging ang sumakop sa mga hinirang ay nangahabag din,
    sapagkat si Yahweh ang siyang nag-utos na iyon ang gawin.

47 Iligtas(P) mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,
    saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,
upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.

48 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
    purihin siya, ngayon at magpakailanman!
    Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!”

    Purihin si Yahweh!

1 Samuel 10:17-27

Si Saul ay Tinanghal Bilang Hari

17 Ang mga Israelita ay tinawag ni Samuel sa isang banal na pagpupulong sa Mizpa. 18 Sinabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa mga kahariang nagpapahirap sa inyo. 19 Ngunit itinakwil ninyo ako, ang Diyos na humango sa inyo sa kahirapan at nagligtas sa inyo sa maraming kagipitan. Itinakwil ninyo ako nang humingi kayo ng haring mamamahala sa inyo. Kaya nga, lumapit kayo kay Yahweh, sama-sama ang magkakalipi at magkakasambahay.’”

20 Nang matipon ni Samuel ang buong Israel sa harap ng altar ni Yahweh, nagpalabunutan sila at nakuha ang lipi ni Benjamin. 21 Pinalapit naman niya ang mga angkan sa lipi ni Benjamin at nabunot ang pamilya ni Matri. Sa kahuli-hulihan, pinalapit niya ang lahat ng anak ni Matri at ang nabunot ay si Saul na anak ni Kish. Ngunit wala roon si Saul. 22 Dahil dito, itinanong nila kay Yahweh, “Pupunta po kaya siya rito?”

Sumagot si Yahweh, “Naroon siya sa bunton ng mga dala-dalahan at nagtatago.”

23 Siya'y patakbo nilang pinuntahan at dinala sa mga tao. Nang mapagitna siya sa karamihan, si Saul ang pinakamatangkad. 24 Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Ito ang pinili ni Yahweh. Wala siyang katulad sa buong bayan.”

Sabay-sabay silang sumigaw, “Mabuhay ang hari!”

25 Inisa-isa ni Samuel sa mga taong-bayan ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito at inilagay sa harap ng altar ni Yahweh. Pagkatapos, pinauwi na niya ang mga Israelita. 26 Pati si Saul ay umuwi na sa Gibea, kasama ang ilang matatapang na Israelita, mga lalaking ang puso'y hinipo ng Diyos. 27 Ngunit may ilang tao roon na pakutyang nagtanong, “Paano tayo maililigtas niyan?” Nilait nila si Saul at hindi sila nagbigay ng handog sa kanya. Ngunit tumahimik lamang si Saul.

Mga Gawa 7:44-8:1

44 “Kasama(A) ng ating mga ninuno sa ilang ang Toldang Tipanan na ipinagawa ng Diyos kay Moises ayon sa anyong ipinakita sa kanya. 45 Minana(B) ito ng kanilang mga anak at dinala-dala habang sinasakop nila ang lupain ng mga bansang ipinalupig sa kanila ng Diyos sa pangunguna ni Josue. Ito'y nanatili roon hanggang sa kapanahunan ni David. 46 Kinalugdan(C) ng Diyos si David, at humingi ito ng pahintulot na magtayo ng tahanan para sa Diyos[a] ng Israel. 47 Ngunit(D) si Solomon na ang nagtayo ng tahanang iyon.

48 “Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao. Sabi nga ng propeta,

49 ‘Ang(E) langit ang aking trono,’ sabi ng Panginoon,
    ‘at ang lupa ang aking tuntungan.
Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin,
    o anong lugar ang pagpapahingahan ko?
50 Hindi ba't ako ang gumawa ng lahat ng ito?’

51 “Napakatigas(F) ng ulo ninyo! Ang mga puso at tainga ninyo ay parang sa mga pagano! Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, iyon din ang ginagawa ninyo ngayon. Lagi ninyong nilalabanan ang Espiritu Santo. 52 Sinong propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag tungkol sa pagparito ng Matuwid na Lingkod na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. 53 Tumanggap kayo ng kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi naman ninyo ito sinunod.”

Ang Pagbato kay Esteban

54 Nagngitngit sa matinding galit kay Esteban ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio nang marinig ang mga ito. 55 Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56 Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.”

57 Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at nagsigawan. Pagkatapos, sabay-sabay nilang sinugod si Esteban 58 at kinaladkad siya palabas ng lungsod upang batuhin. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo. 59 At habang binabato nila si Esteban, nanalangin siya ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60 Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!”

At pagkasabi nito, siya'y namatay.

Inusig ni Saulo ang Iglesya

Sinang-ayunan ni Saulo ang pagpatay kay Esteban.

Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay nagkawatak-watak at napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria.

Lucas 22:52-62

52 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa mga pinuno ng bayan na pumunta roon upang dakpin siya, “Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? 53 Araw-araw(A) akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit takdang oras ninyo ngayon at ng kapangyarihan ng kadiliman.”

Ikinaila ni Pedro si Jesus(B)

54 Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila na malayo ang agwat. 55 Nagsiga sila sa gitna ng patyo at naupo sa paligid ng apoy, at si Pedro ay nakiumpok sa kanila. 56 Nang makita siya ng isang utusang babae, siya'y pinagmasdang mabuti. Pagkatapos ay sinabi ng babae, “Kasama rin ni Jesus ang taong ito!”

57 Ngunit ikinaila iyon ni Pedro, “Babae, ni hindi ko siya kilala!”

58 Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y sinabihan, “Ikaw man ay kasamahan nila.”

Ngunit sumagot siya, “Ginoo, hindi nila ako kasama!”

59 Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, “Siguradong kasama ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea.”

60 Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!”

Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.” 62 Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.