Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 30

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.

30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
    mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
    at ako nama'y iyong pinagaling.
Hinango mo ako mula sa libingan,
    at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.

Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
    ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
    ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
    pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.

Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
    “Kailanma'y hindi ako matitinag.”
Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
    tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.

Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
    nagsumamo na ako ay tulungan:
“Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
    Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
    Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
    O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”

11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
    Pagluluksa ko ay iyong inalis,
    kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
    O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.

Mga Awit 32

Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran

Katha ni David; isang Maskil.[a]

32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
    at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
    sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.

Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
    ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
    wala nang natirang lakas sa katawan,
    parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]

Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
    mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
    at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]

Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
    sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
    at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
Ikaw ang aking lugar na kublihan;
    inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
    pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]

Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
    tuturuan kita at laging papayuhan.
Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
    na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”

10 Labis na magdurusa ang taong masama,
    ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
    ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
    dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!

Mga Awit 42-43

IKALAWANG AKLAT

Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
    gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
    kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
    naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
    “Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”

Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
    ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
    papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
    pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
    Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.

Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
    habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
    di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
    at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
    ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
    na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
    gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
    dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.

Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
    “Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
    habang sila'y nagtatanong,
    “Ang Diyos mo ba ay nasaan?”

11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
    magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
    ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.

Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)

43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
    at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
    sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?

Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
    upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
    sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
    yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
    buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
    Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
    itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!

1 Samuel 22

Ang Pagtakas ni David sa Adullam

22 Mula(A) sa Gat, tumakas si David at nagtago sa kuweba ng Adullam. Nabalitaan ito ng kanyang mga kapatid at ng kanyang buong pamilya kaya silang lahat ay nagpunta roon at sumama sa kanya. Sumama rin sa kanya ang mga inaapi, pati ang mga nakalubog sa utang, at ang mga hindi nasisiyahan sa kanilang pamumuhay. Ang lahat ng ito'y umabot sa apatnaraang lalaki, at siya ang ginawa nilang pinuno.

Mula roon, nagtuloy sila sa Mizpa ng Moab. Sinabi niya sa hari doon, “Ipinapakiusap ko po na pabayaan muna ninyo rito sa Moab ang aking mga magulang hangga't hindi ko tiyak kung ano ang gagawin sa akin ng Diyos.” Ipinagkatiwala nga niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab at ang mga ito'y nanatili roon habang nagtatago si David sa kuweba.

Sinabi ni Propeta Gad kay David, “Huwag kang manatili rito, magpunta ka sa sakop ng Juda.” Sumunod naman si David at siya'y nagpunta sa kagubatan ng Heret.

Nabalitaan ni Saul kung saan nagtatago si David at ang mga kasama nito. Nakaupo siya noon sa ilalim ng punong tamarisko sa ibabaw ng isang burol sa Gibea; hawak niya ang kanyang sibat at nakapaligid sa kanya ang kanyang mga tauhan. Sinabi niya sa mga ito, “Sagutin ninyo ako sa itatanong ko sa inyo, mga Benjaminita. Mabibigyan ba kayo ni David ng kahit isang pirasong bukid o ubasan? Gagawin ba niya kayong mga opisyal ng kanyang hukbo? Bakit kayo nakikipagsabwatan sa kanya laban sa akin? Bakit isa man sa inyo'y walang nagsabi sa akin tungkol sa kasunduan ng anak kong si Jonatan at ni David? Bakit isa ma'y walang nakapagsabi sa akin tungkol sa pakikiisa ni Jonatan kay David laban sa akin?”

Sumagot(B) si Doeg, isa sa mga tauhan ni Saul, “Nakita ko po si David nang magpunta sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitob. 10 Sumangguni pa si Ahimelec kay Yahweh para kay David at binigyan pa ito ng pagkain; ibinigay rin dito ang espada ni Goliat.”

Ang Pagpatay sa mga Pari

11 Ipinatawag ng hari si Ahimelec at ang lahat ng kasambahay nito, na pawang mga pari sa Nob; humarap sila sa hari. 12 Tinawag ni Saul si Ahimelec at kanyang sinabi, “Ahimelec, makinig ka.”

“Nakikinig po ako, mahal na hari,” sagot ni Ahimelec.

13 Sinabi ni Saul, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit mo siya binigyan ng sandata at pagkain? Bakit mo siya isinangguni sa Diyos? Hindi mo ba alam na pinagtatangkaan niya ako ng masama?”

14 Sumagot si Ahimelec, “Hindi po ba si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong tauhan? Hindi po ba siya ang pinakapuno sa inyong mga kawal at iginagalang ng lahat sa buong kaharian? 15 At ngayon ko lamang po ba siya isinangguni sa Diyos? Huwag po kayong magalit sa amin, mahal na hari. Wala po kaming nalalaman sa ibinibintang ninyo sa amin.”

16 Sinabi ni Saul, “Mamamatay ka ngayon, Ahimelec, pati ang iyong buong angkan.” 17 At inutusan ng hari ang mga tauhan na malapit sa kanya, “Patayin ninyo ang mga pari ni Yahweh! Kasabwat sila ni David. Alam nila nang ito'y tumakas ngunit hindi sinabi sa akin.” Ngunit ayaw sumunod ang mga inutusan sapagkat natatakot silang pagbuhatan ng kamay ang mga pari ni Yahweh. 18 Kaya, si Doeg ang inutusan ni Saul, “Ikaw ang pumatay sa kanila.” Sumunod naman si Doeg at nang araw na iyon, pinatay niya ang walumpu't limang paring nakasuot ng efod. 19 At ipinapatay rin ni Saul ang lahat ng mga taga-Nob, isang lunsod ng mga pari: mga babae't lalaki, ang mga bata at mga sanggol, ang mga baka, asno at mga tupa.

20 Ngunit nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at siya'y nagpunta kay David. 21 Ibinalita niya rito na ipinapatay ni Saul ang lahat ng mga pari ni Yahweh. 22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nakita ko noon si Doeg at noon pa'y alam ko nang magsusumbong siya kay Saul na ako'y nakita niya roon. Ako tuloy ang naging dahilan ng pagkalipol ng iyong angkan. 23 Ngunit huwag kang matakot. Sumama ka na sa amin dahil iisa ang nagtatangka sa buhay nating dalawa. Dito ay ligtas ka.”

Mga Gawa 13:26-43

26 “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos, tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. 27 Hindi nakilala ng mga taga-Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Jesus ang Tagapagligtas. Hindi rin nila naunawaan ang mga pahayag ng mga propeta, na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng pahayag na iyon nang si Jesus ay hatulan nila ng kamatayan. 28 Kahit(A) na wala silang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya'y hatulan ng kamatayan. 29 At(B) nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya ay ibinabâ nila sa krus[a] at inilibing.

30 “Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos, 31 at(C) sa loob ng maraming araw, siya ay nagpakita sa mga sumama sa kanya sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila ang mga saksi niya sa mga Israelita. 32 Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno 33 ay(D) tinupad niya sa atin na kanilang mga anak, sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus. Gaya ng nakasulat sa ikalawang Awit,

‘Ikaw ang aking Anak,
    sa araw na ito ako'y naging iyong Ama.’

34 Tungkol(E) naman sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkabulok ng kanyang katawan ay sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pagpapala
    gaya ng ipinangako ko kay David.’

35 At(F) sinabi rin niya sa iba pang bahagi,

‘Hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal.’

36 Nang maisagawa na ni David ang kalooban ng Diyos para sa kanyang kapanahunan, siya'y namatay at inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok. 37 Subalit ang muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok. 38 Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinangangaral sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39 At ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay pinalalaya na sa lahat ng pagkakasala na mula sa mga ito ay hindi kayo kayang palayain ng Kautusan ni Moises. 40 Kaya't mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,

41 ‘Tingnan(G) ninyo, kayong mga nangungutya!
    Manggilalas kayo at mamatay!
Sapagkat isasagawa ko sa inyong kapanahunan
    ang isang bagay na hindi ninyo paniniwalaan,
    kahit na may magpaliwanag pa nito sa inyo!’”

42 Nang sina Pablo at Bernabe ay palabas na sa sinagoga, inanyayahan sila ng mga tao na magsalita muli tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. 43 Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga relihiyosong Hentil na nahikayat sa Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.

Marcos 3:19-35

19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.

Si Jesus at si Beelzebul(A)

20 Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kamag-anak, pumunta sila roon upang kunin siya dahil maraming nagsasabi na siya'y nasisiraan ng bait.

22 Sinasabi(B) naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”

23 Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? 24 Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, mawawasak ang kahariang iyon. 25 Kapag naglaban-laban ang mga kaanib ng isang sambahayan, magkakawatak-watak ang sambahayang iyon. 26 Gayundin naman, kapag kinalaban ni Satanas ang kanyang sarili at nagkabaha-bahagi ang kanyang mga kampon, hindi siya magtatagal at iyon na ang kanyang magiging wakas.

27 “Hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas, malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. 28 Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, 29 ngunit(C) ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat siya ay nagkasala ng walang hanggang kasalanan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(D)

31 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Tumayo sila sa labas ng bahay at ipinatawag siya. 32 Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid na lalaki [at mga kapatid na babae].[a]

33 “Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. 34 Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ang aking mga kapatid at aking ina.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.