Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 148-150

Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos

148 Purihin si Yahweh!

Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
    kayo sa itaas siya'y papurihan.
Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
    kasama ang hukbo roong karamihan!

Ang araw at buwan, siya ay purihin,
    purihin din siya ng mga bituin,
mataas na langit, siya ay purihin,
    tubig sa itaas, gayon din ang gawin!

Siya ang may utos na kayo'y likhain,
    kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
    hindi magbabago magpakailanpaman.[a]

Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
    maging dambuhala nitong karagatan.
Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
    malakas na hangin, sumunod na lahat!

Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
    malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
    maging hayop na gumagapang at mga ibon.

11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
    hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
    matatandang tao't kaliit-liitan.

13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
    sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
    kaya pinupuri ng piniling madla,
    ang bayang Israel, mahal niyang lubha!

Purihin si Yahweh!

Awit ng Pagpupuri

149 Purihin si Yahweh!

O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit,
    purihin sa pagtitipon nitong mga tapat sa kanya.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
    dahilan sa iyong hari, ikaw Zion ay matuwa.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
    alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.

Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang,
    sa mga mapagpakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
    sa kanilang pagdiriwang ay magsaya't mag-awitan.
Papuri(A) sa ating Diyos, ipahayag nang malakas,
    hawak-hawak ang espadang dobleng-talim at matalas,
    upang bawat mga bansang nagmalabis ay gantihan,
    at bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan.
Mga hari't maharlika ay kanilang bibihagin,
    sa tanikalang bakal, silang lahat ay gagapusin,
    upang sila ay hatulan sang-ayon sa itinakda.
Ito ang siyang karangalan ng kanyang pinagpala.

Purihin si Yahweh!

Purihin si Yahweh

150 Purihin si Yahweh!

Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan,
    purihin sa langit ang lakas na taglay!
Siya ay purihin sa kanyang ginawa,
    siya ay purihin, sapagkat dakila.

Purihin sa tugtog ng mga trumpeta,
    awitan sa saliw ng alpa at lira!
Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin,
    mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin!
Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang,
    sa lakas ng tugtog siya'y papurihan.
Purihin si Yahweh lahat ng nilalang!

Purihin si Yahweh!

Mga Awit 114-115

Awit ng Paggunita sa Exodo

114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.

Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.

Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?

Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.

Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos

115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
    hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
    walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.

Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
    “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
    at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa(D) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
    sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
    at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
    ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
    mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
    ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
    lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.

12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
    pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
    pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(E) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
    kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.

14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
    anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
    pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.

16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
    samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
    niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
    siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.

Purihin si Yahweh!

1 Samuel 17:50-18:4

50 Natalo(A) nga ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato. Napatay niya ito kahit wala siyang tabak. 51 Patakbong(B) lumapit si David, tumayo sa likod ni Goliat, hinugot ang tabak ni Goliat mula sa suksukan nito, at pinugutan ng ulo.

Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang pangunahing mandirigma, sila'y nagtakbuhan. 52 Sumigaw ang mga kawal ng Israel at Juda at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat, sa may pagpasok ng Ekron. Naghambalang sa daan ang bangkay ng mga Filisteo, mula sa Saaraim hanggang sa Gat at Ekron. 53 At nang magbalik ang mga Israelita buhat sa paghabol sa mga Filisteo, hinalughog nila ang kampo ng mga ito at kinuha ang lahat ng kanilang magustuhan. 54 Dinala ni David sa Jerusalem ang ulo ni Goliat, ngunit iniuwi niya sa kanyang tolda ang mga sandata nito.

Iniharap si David kay Saul

55 Nakita ni Saul nang sinusugod ni David si Goliat. Itinanong niya sa pinuno ng kanyang hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang iyon?”

“Hindi ko po alam, Kamahalan,” sagot ni Abner.

56 “Kung gayo'y ipagtanong mo kung sino ang kanyang ama,” utos ng hari.

57 Nang magbalik si David, sinalubong siya ni Abner at sinamahan sa hari, dala pa rin ang ulo ni Goliat. 58 At tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?”

Sumagot si David, “Anak po ako ni Jesse na taga-Bethlehem.”

Si David at si Jonatan

18 Matapos mag-usap sina Saul at David, ang kalooban ni Jonatan na anak ni Saul ay napalapit kay David. Napamahal si David kay Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa kanyang sarili. Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David. Dahil sa pagmamahal ni Jonatan kay David, isinumpa niya na sila'y magiging magkaibigan habang buhay. Ibinigay niya kay David ang kanyang balabal at kagamitang pandigma, pati ang kanyang tabak, pana at sinturon.

Roma 10:4-17

Sapagkat si Cristo ang kaganapan ng Kautusan, upang ituring na matuwid ng Diyos ang sinumang sumasampalataya sa kanya.

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

Ganito(A) ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.” Ngunit(B) ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” upang pababain si Cristo. “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababâ sa kailaliman?’” upang muling buhayin si Cristo. Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang mensahe, nasa iyong bibig at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi(C) nga ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, 13 dahil(D) sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”

14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? 15 At(E) paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!” 16 Ngunit(F) hindi lahat ay sumunod sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?” 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.

Mateo 23:29-39

Paparusahan ang mga Mapagkunwari(A)

29 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagpapagawa kayo ng libingan para sa mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami makikiisa sa pagpatay sa mga propeta.’ 31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta! 32 Sige! Tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga(B) ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno! 34 Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan. 35 Kaya(C) nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinaslang ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog. 36 Tandaan ninyo: ang parusa sa lahat ng mga pagpatay na iyon ay babagsak sa salinlahing ito.”

Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(D)

37 “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, kung paano tinitipon ng isang inahin ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 38 Kaya't(E) ang inyong Templo ay iiwan na lubusang pinabayaan. 39 Sinasabi(F) ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita hanggang dumating ang oras na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.