Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri
33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
2 Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
3 Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!
4 Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
5 Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
6 Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa't talang maririkit;
7 sa iisang dako, tubig ay tinipon,
at sa kalaliman ay doon kinulong.
8 Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
Dapat katakutan ng buong nilikha!
9 Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
sa kanyang salita, lumitaw na kusa.
10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
walang nalilingid sa kanilang gawa.
16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
di makakapagligtas, lakas nilang taglay.
18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.
22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Pagtitiyaga at Pananalangin
7 Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. 8 Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
9 Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan.
IKALIMANG AKLAT
Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
3 Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.
4 Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
5 Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
6 Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
7 Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
8 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
9 Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!
23 Mayroong naglayag
na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin
kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila
ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang
ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos,
nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon
na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila
halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas
ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib,
ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y
parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't
mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag,
kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila
at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas,
pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon,
na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na,
sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila
ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon
ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin
sa kalipunan man ng mga matanda.
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos(A) nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. 2 At(B) nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. 3 Narinig(C) ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. 4 At(D) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”
5 Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” 6 Sinabi(E) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. 7 Ito(F) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.