Book of Common Prayer
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.
30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
2 Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
at ako nama'y iyong pinagaling.
3 Hinango mo ako mula sa libingan,
at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.
4 Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
5 Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
6 Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
“Kailanma'y hindi ako matitinag.”
7 Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.
8 Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
nagsumamo na ako ay tulungan:
9 “Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”
11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
Pagluluksa ko ay iyong inalis,
kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!
IKALAWANG AKLAT
Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
2 Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
3 Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
“Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”
4 Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
5 Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.
6 Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
7 Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
8 Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.
9 Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
“Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
habang sila'y nagtatanong,
“Ang Diyos mo ba ay nasaan?”
11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)
43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
2 Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?
3 Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
4 Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!
5 Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!
22 “Ang(A) mga ito'y sinabi sa inyo ni Yahweh doon sa bundok, mula sa naglalagablab na apoy at makapal na usok. Liban doon, hindi na siya nagsalita sa inyo. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito sa dalawang tapyas na bato at ibinigay sa akin.
Pinagharian ng Takot ang Lahat(B)
23 “Nang marinig ninyo ang kanyang tinig mula sa kadiliman, habang nagliliyab ang bundok, lumapit sa akin ang pinuno ng bawat angkan at ang inyong matatandang pinuno. 24 Sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ni Yahweh na ating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan, at ipinarinig sa atin ang kanyang tinig. Nakipag-usap siya sa atin nang harapan ngunit hindi tayo namatay. 25 Bakit natin hihintaying mamatay tayo rito? Lalamunin tayo ng apoy na ito at tiyak na mamamatay tayo kapag nagsalita pa siya sa atin. 26 Sinong tao ang nanatiling buháy matapos marinig mula sa apoy ang tinig ng Diyos na buháy? 27 Ikaw na lang ang makipag-usap kay Yahweh na ating Diyos. Sabihin mo na lamang sa amin ang lahat ng sasabihin niya sa iyo, at susundin namin.’
28 “Narinig ni Yahweh ang sinabi ninyo noon at ito naman ang kanyang sinabi sa akin: ‘Narinig ko ang sinabi nila sa iyo at tamang lahat iyon. 29 Sana nga'y manatili ang takot nila sa akin at lagi nilang sundin ang aking mga utos upang maging matiwasay ang buhay nila at ng kanilang mga anak habang panahon. 30 Magbalik ka sa kanila at pauwiin mo na sila. 31 Ngunit mananatili ka rito at sasabihin ko sa iyo ang aking mga batas at mga tuntunin. Ituturo mo ito sa kanila upang kanilang sundin sa lupaing ibibigay ko sa kanila.’
32 “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniuutos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong lilihis sa mga ito. 33 Mamuhay kayo ayon sa kanyang mga utos. Sa ganoon, sasagana kayo at hahaba ang buhay ninyo sa lupaing sasakupin ninyo.
13 Sinasabi(A) ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya. 14 Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya.
Nabubuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. 17 Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. 18 Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.
5 Alam(B) naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. 2 Dumaraing kami habang kami'y nasa toldang ito, at labis na nananabik sa aming tahanang makalangit, 3 upang kung mabihisan[a] na kami nito ay hindi kami matagpuang hubad. 4 Habang nakatira pa kami sa toldang ito, kami'y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na naming iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na naming mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. 5 Ang Diyos mismo ang naghanda sa amin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa amin ang Espiritu bilang katibayan na ito'y matutupad.
6 Kaya't laging malakas ang aming loob. Alam naming habang kami'y narito pa sa katawang-lupa, hindi kami makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. 7 Sapagkat namumuhay kami batay sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. 8 Malakas ang aming loob at mas gusto pa nga naming iwan ang katawang ito na aming tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon. 9 Kaya naman, ang pinakananais namin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa o maging nasa piling na niya. 10 Sapagkat(C) lahat tayo'y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo'y nabubuhay pa sa katawang ito.
Ang Mayaman at si Lazaro
19 “May isang mayamang laging nakasuot ng mamahaling damit at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman 21 sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay,[a] natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. 24 Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’ 25 Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. 26 Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’
27 “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap kong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ 29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ 31 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.