Book of Common Prayer
Panalangin Upang Tulungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.
69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
2 lumulubog ako sa burak at putik,
at sa malalaking along nagngangalit.
3 Ako ay malat na sa aking pagtawag,
ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
sa paghihintay ko sa iyong paglingap.
4 Silang(A) napopoot nang walang dahilan,
higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
ang hangad sa akin, ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
5 Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.
6 Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,
ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!
Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
7 Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
napahiyang lubos sa kabiguan ko.
8 Sa mga kapatid parang ako'y iba,
kasambahay ko na'y di pa ako kilala.
9 Ang(B) malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,
at ako'y hinamak ng maraming tao;
11 ang suot kong damit, na aking panluksa,
ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.
13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
sa putik na ito't tubig na malalim;
sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
o dalhin sa malalim at baka malunod;
hahantong sa libing, ako pagkatapos.
16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
sagipin mo ako sa mga kaaway.
19 Kinukutya ako, iya'y iyong alam,
sinisiraang-puri't nilalapastangan;
di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
20 Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,
kaya naman ako'y wala nang magawâ;
ang inasahan kong awa ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong abâ.
21 Sa(C) halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.
22 O(D) bumagsak sana sila at masira,
habang nagdiriwang sila't naghahanda.
23 Bulagin mo sila't nang di makakita,
papanghinain mo ang katawan nila.
24 Ibuhos ang iyong galit sa kanila,
bayaan mong ito'y kanilang madama.
25 Mga(E) kampo nila sana ay iwanan,
at walang matira na isa mang buháy.
26 Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila;
pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.
27 Itala mong lahat ang kanilang sala,
sa mangaliligtas, huwag silang isama.
28 Sa(F) aklat ng buhay, burahin ang ngalan,
at huwag mong isama sa iyong talaan.
29 Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!
30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36 Magmamana nito'y yaong lahi nila,
may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.
IKATLONG AKLAT
Ang Katarungan ng Diyos
Awit ni Asaf.
73 Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
2 Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
3 Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
at sa biglang yaman ng mga masama.
4 Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
sila'y masisigla't katawa'y malakas.
5 Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
di nila dinanas ang buhay na gipit.
6 Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
at ang dinaramit nila'y pandarahas.
7 Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
at masasama rin ang nasa isipan;
8 mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
9 Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10 kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11 Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
walang malay yaong Kataas-taasan.”
12 Ang mga masama'y ito ang kagaya,
di na kinukulang ay naghahanap pa.
13 Samantalang ako, malinis ang palad,
hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14 Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.
15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16 kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
na ang masasama ay mapapahamak;
18 dinala mo sila sa dakong madulas,
upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19 walang abug-abog sila ay nawasak,
kakila-kilabot yaong naging wakas!
20 Parang panaginip nang ako'y magising,
pati anyo nila'y nalimutan na rin.
21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Ako'y naging hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa akin na magkaganoon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kuwenta, hindi naman ako nahúhulí sa magagaling na apostol na iyan. 12 Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. 13 Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Sila'y nakalamang dahil hindi ako naging pabigat sa inyo. Ipagpatawad ninyo ang pagkukulang kong iyon.
14 Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi pa rin ako magiging pabigat sa inyo. Sapagkat kayo ang nais ko, at hindi kung anong mayroon kayo. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. 15 At ikaliligaya kong gugulin ang lahat pati ang aking sarili upang kayo'y mabuhay. Kung madagdagan ang pagmamahal ko sa inyo, dapat bang mabawasan ang pagmamahal ninyo sa akin? 16 Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at dinadaya ko kayo. 17 Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang espiritu, at iisa ang aming pamamaraan?
19 Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo.
20 Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo.
Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem
41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”
Si Jesus sa Templo(A)
45 Pumasok si Jesus sa Templo at sinimulang ipagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi(B) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”
47 Araw-araw,(C) si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.