Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 83

Panalangin Upang Matalo ang mga Kalaban

Awit ni Asaf.

83 Huwag kang manahimik, O Diyos, huwag kang magpabaya, ikaw ay kumilos.
Hayun! Ang kaaway nagsisipag-alsa,
    at ang namumuhi'y kinakalaban ka.
Sila'y nagbabalak laban sa hinirang,
    laban sa lahat ng iyong iningatan.
Ganito ang sabi, “Ating papawiin, ang kanilang bansa'y ating lilipulin;
    upang ang Israel, malimutan na rin!”

Nagkakaisang lahat, sila ay nagplano,
    kanilang pasya ay lumaban sa iyo.
Ang lahi ni Edom at ang Ismaelita,
    Moab at Agarenos lahat nagkaisa.
Ang Gebal at Ammon gayon din ang pasya,
    Amalek at Tiro at ang Filistia.
Pati ang Asiria'y nakipagsabwatan,
    sa lahi ni Lot, nakipagtulungan. (Selah)[a]

Mga(A) bansang ito'y iyong parusahan, tulad ng parusang ginawa sa Midian,
    kay Jabi't Siserang nalupig sa laban nang sa Ilog Kison, buhay winakasan.
10 Pinatay lahat at ang hukbo'y nawasak,
    sa Endor, ang bangkay nila ay nagkalat.
11 Yaong(B) mga bantog nilang punong-kawal, kay Oreb at Zeeb iparis ang buhay.
    Lupigin mong lahat ang pinuno nila tulad ng sinapit ni Zeba't Zalmuna,
12 sila ang nagsabing, “Ang pastulan ng Diyos
    ay ating kamkami't maging ating lubos.”

13 Ikalat mo silang parang alikabok,
    tulad ng dayami na tangay ng unos.
14 Tulad ng pagtupok ng apoy sa gubat,
    nang ang kaburula'y kubkob na ng ningas,
15 gayon mo habulin ng bagyong malakas,
    ito ang gawin mo't nang sila'y masindak.
16 Mga taong yaon sana'y hiyain mo,
    upang matutong maglingkod sa iyo.
17 Lupigin mo sila't takuting lubusan,
    lubos mong hiyain hanggang sa mamatay.
18 Sana ikaw, Yahweh, kanilang mabatid,
    ang tangi't dakilang hari ng daigdig!

Mga Awit 34

Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.

34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
    pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
    kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang kadakilaan niya ay ihayag,
    at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!

Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
    inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
    pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
    sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
    sa mga panganib, sila'y kinukupkop.

Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
    mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
    nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
    ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
    at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong(C) may gusto ng mahabang buhay;
    sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
    pagsikapang kamtin ang kapayapaan.

15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
    sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
    at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
    inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
    at di binibigo ang walang pag-asa.

19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
    sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(D) siya nang lubus-lubusan,
    kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
    sa taglay na buhay ang siyang kikitil.

22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
    sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!

Mga Awit 85-86

Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
    pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
    pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]

Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,
    tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.

Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan,
    ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan.
Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan?
    Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan?
Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,
    at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.
Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.
    Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
    sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
    kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
    sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
    ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
    mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
    ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
    kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Panalangin ni David.

86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
    tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
    ako'y mahina na't wala nang tumingin.
Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
    lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.

Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
    sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
    pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
    sa dumadalangin at sa nagsisisi,
    ang iyong pag-ibig ay mananatili.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
    tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
    iyong tinutugon ang aking pagtawag.

Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
    sa iyong gawai'y walang makaparis.

Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
    lalapit sa iyo't magbibigay galang;
    sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
    na anumang gawin ay kahanga-hanga!

11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
    at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
    turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
    at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
    di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
    taong mararahas, na ang adhikain
    ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
    wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
    lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
    iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
    pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
    upang mapahiya ang aking kaaway,
    kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!

1 Samuel 2:27-36

Ang Pahayag tungkol sa Pamilya ni Eli

27 Minsan, si Eli ay nilapitan ng isang propeta ng Diyos. Sinabi sa kanya, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Nangusap ako sa ninuno mong si Aaron nang sila'y alipin pa ng Faraon, ang hari ng Egipto. 28 Sa(A) mga lipi ni Israel ay siya ang pinili kong maging pari. Siya ang mangangasiwa sa altar, magsusunog ng insenso, magsusuot ng linong efod, at maglilingkod sa akin bilang kinatawan ng Israel. At lahat ng handog sa akin ng mga Israelita'y ibinibigay ko sa kanyang sambahayan. 29 Bakit ninyo pinagnanasaang maangkin ang mga alay at handog sa akin? Mas iginagalang mo pa yata ang iyong mga anak kaysa sa akin? Bakit mo sila pinababayaang magpasasa sa pinakapiling bahagi ng mga handog para sa akin? 30 Ipinangako ko noon na tanging ang sambahayan mo lamang ang makakalapit sa akin habang panahon. Ngunit hindi na ngayon. Pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit pababayaan ko ang nagtatakwil sa akin. 31 Darating ang araw na papatayin ko ang mga kabataan sa iyong sambahayan at sa iyong angkan. Paiikliin ko ang inyong buhay at maaga kayong mamamatay. 32 Maghihirap kayo at di ninyo matitikman ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Paiikliin ko nga ang inyong buhay. 33 Hindi ko kayo aalising lahat sa paglilingkod sa altar, ngunit ang ititira ko'y daranas ng katakut-takot na paghihirap ng kalooban. Mamamatay sa tabak ang iyong buong pamilya. 34 Bilang(B) katunayan nito, sabay na mamamatay ang mga anak mong sina Hofni at Finehas. 35 Samantala, pipili ako ng isang paring magiging tapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng sambahayan na maglilingkod sa akin habang panahon sa harapan ng mga haring aking hihirangin. 36 Ngunit ang matitira sa iyong sambahayan ay mamamalimos sa kanya. Magmamakaawa siyang gawing katulong ng pari para lamang mabuhay.’”

Mga Gawa 2:22-36

22 “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. 23 Ang Jesus na ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. 24 Subalit(A) siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya mula sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y bihagin nito, 25 gaya(B) ng sinabi ni David tungkol sa kanya,

‘Nakita ko ang Panginoon na lagi kong kasama,
    hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya.
26 Dahil dito, natuwa ang puso ko at
    ang mga salita ko'y napuno ng galak,
    at ang katawan ko'y mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay,[a]
At hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal na Lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang mga landas patungo sa buhay,
    dahil ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’

29 “Mga kapatid, may katiyakang sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. 30 Siya'y(C) propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. 31 Noon pa man ay nakita na ni David ang muling pagkabuhay ng Cristo at ipinahayag niya ito nang kanyang sabihing, ‘hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay,[b] at hindi nakaranas ng pagkabulok ang kanyang katawan.’ 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. 33 Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. 34 Hindi(D) si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    “Maupo ka sa kanan ko,
35 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’

36 “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!”

Lucas 20:41-21:4

Katanungan tungkol sa “Anak ni David”(A)

41 Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga tao na ang Cristo ay anak ni David? 42 Si(B)(C) David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    “Maupo ka sa kanan ko,
43     hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’

44 Ngayon, kung ‘Panginoon’ ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga tao na siya'y anak ni David?”

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(D)

45 Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong batiin sa mga pamilihan. Mahilig silang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga upuang pandangal sa mga handaan. 47 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda, at ginagamit ang kanilang mahahabang dasal bilang pakitang-tao. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusa sa kanila.”

Ang Handog ng Isang Biyuda(E)

21 Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng mga handog sa Templo. Nakita rin niya ang isang dukhang biyuda na naghulog ng dalawang salaping tanso. Sinabi niya, “Ang inihandog ng dukhang biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng kanilang kasaganaan, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang kabuhayan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.