Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 101

Ang Pangako ng Hari

Isang Awit na katha ni David.

101 Ang aking awitin ay ang katapatan at ang katarungan;
    ako'y umaawit patungkol sa iyo, O Yahweh kong mahal;
ang aking susunding lagi ay ugaling walang kapintasan,
    kailan ka kaya darating sa aki't ako'y lalapitan?
Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan,
    sa buhay kong ito ang gawang masama'y di ko tutulutan.
Ang sinumang taong gawai'y masama, di ko sasamahan,
    di ko papansinin kung sinuman siyang ang Diyos ay kalaban.
Aking sisikapin na ang masunod ko'y ang gawaing tapat;
    maging sa isipan di ko iisipin ang gawang di tumpak.
Siyang naninira ng kanyang kapwa'y aking wawasakin;
    di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.

Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa,
    sa aking palasyo ay papayagan ko na doon tumira,
kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila.

Sa aking palasyo yaong sinungaling di ko papayagan,
    sa aking presensya ang mapagkunwari'y di ko tutulutan.
Lahat ng masama, araw-araw sila'y aking wawasakin;
    lahat ng masama sa lunsod ni Yahweh ay palalayasin!

Mga Awit 109:1-30

Panalangin Upang Iligtas Laban sa Masasama

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

109 Pinupuri kita; O Diyos, huwag ka sanang manahimik,
ako ngayo'y nilulusob niyong mga malulupit,
mga taong sinungaling na manira lang ang nais.
Kay rami ng sinasabing pangungusap na di tunay,
    kinakalaban nga ako kahit walang madahilan.
Bagaman sila'y minahal ko, masama rin ang paratang,
    kahit ko pa idalangin, masama pa rin yaong bintang.
Sa mabuting ginawa ko, iginanti ay masama,
    kapalit ng pag-ibig ko ay galit at alipusta.

Ang itapat mo sa kanya'y masama ring tulad niya,
    kaaway ang pausigin, nang magtamo ng parusa,
pagkatapos na malitis, bayaan mo na magdusa,
    kahit siya manalangin, huwag mo nang dinggin pa.
Ang(A) dapat ay paikliin tinataglay niyang buhay,
    kuhanin ng ibang tao maging kanyang katungkulan.
Silang mga anak niya ay dapat na maulila,
    hayaan mong maging biyuda, itong giliw nilang ina.
10 Bayaan ang mga supling, maglakad at mamalimos,
    sa nawasak na tahanan palayasin silang lubos.
11 Ang lahat ng yaman niya'y ilitin ng nagpautang,
    agawin ng ibang tao, ang bunga ng pagpapagal.
12 Hindi siya nararapat kahabagan nino pa man,
    kahit anak na ulila sa hirap ay pabayaan.
13 Pati angkan niya't lahi, ay bayaang mamatay,
    sa sunod na lahi niya, ngalan niya ay maparam.
14 Gunitain sana ni Yahweh ang sala ng kanyang angkan,
    at ang sala nitong ina ay di dapat malimutan.
15 Huwag din sanang malimutan ni Yahweh ang sala nila,
    ngunit sila naman mismo ay dapat na malimot na!

16 Pagkat mga taong iyo'y wala namang natulungan,
    bagkus pa ang mahirap inuusig, pinapatay.
17 Mahilig sa pagsumpa, kaya dapat na sumpain,
    yamang ayaw na magpala, di dapat pagpalain.
18 Ang pagsumpa sa kapwa sa kanya ay parang damit, kasuotang oras-oras nagagawa ang magbihis;
    sana'y siya ang ginawin, katulad ng nasa tubig
    tumagos sa buto niya, iyong sumpang parang langis.
19 Sana'y maging kasuotang nakabalot sa katawan,
    na katulad ng sinturong nakabigkis araw-araw.

20 Ang ganitong kaaway ko, Yahweh, iyong parusahan,
    sa dami ng ginagawa't sinasabing kasamaan.
21 Katulad ng pangako mo, Yahweh, ako ay tulungan,
    yamang ika'y mapagmahal, ako'y ipagtanggol naman.
22 Pagkat ako ay mahirap, laging nangangailangan,
    labis akong naghihirap sa ganitong kalagayan.
23 Anino ang katulad ko na kung gabi'y nawawala,
    parang balang na lumipad, kapag ako ay inuga.
24 Mahina na ang tuhod ko, dahilan sa di pagkain,
    payat na ang katawan ko, buto't balat sa paningin.
25 Ang(B) sinumang makakita sa akin ay nagtatawa,
    umiiling silang lahat kapag ako'y nakikita.

26 Tulungan mo ako, Yahweh, sana naman ay iligtas,
    dahilan sa pag-ibig mong matatag at di kukupas.
27 Bayaan mong makilala na ikaw ang nahahabag,
    ipakita sa kaaway na ikaw ang nagliligtas.
28 Ako'y iyong pagpalain, kung kanilang sinusumpa,
    sa kanilang pag-uusig bayaan mong mapahiya;
    ako namang iyong lingkod mabubuhay na may tuwa.
29 Silang mga nang-uusig, bayaan mong mabahala,
    ang damit ng kahihiyan, isuot mo sa kanila.

30 Kay Yahweh ay buong puso akong magpapasalamat,
    sa gitna ng karamiha'y magpupuri akong ganap;

Mga Awit 119:121-144

Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh

(Ayin)

121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
    sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122 Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
    at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
    sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
    ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong
    abang lingkod,
    upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126 Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
    nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127 Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
    kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
    pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.

Paghahangad na Sundin ang Kautusan ni Yahweh

(Pe)

129 Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo;
    lahat aking iingata't susundin nang buong puso.
130 Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,
    nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
131 Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
    na matamo yaong aking minimithing kautusan.
132 Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin,
    at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin.
133 Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang
    mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay.
134 Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin,
    iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin.
135 Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
    at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
136 Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
    dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira.

Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh

(Tsade)

137 Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal,
    matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
138 Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,
    sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139 Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,
    pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140 Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,
    kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141 Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,
    gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142 Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,
    katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143 Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,
    ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144 Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,
    bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.

1 Samuel 7:2-17

Ang Pamamahala ni Samuel sa Israel

Pagkalipas ng dalawampung taon mula nang dalhin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban, nalungkot ang buong Israel at humingi ng tulong kay Yahweh.

Sinabi sa kanila ni Samuel, “Kung talagang buong pusong nanunumbalik na kayo kay Yahweh, alisin ninyong lahat ang mga diyus-diyosan at ang imahen ni Astarte. Italaga ninyo kay Yahweh ang inyong sarili at siya lamang ang inyong paglingkuran. Kapag ginawa ninyo ito, ililigtas niya kayo sa kapangyarihan ng mga Filisteo.” Kaya, itinapon ng mga Israelita ang kanilang mga imahen nina Baal at Astarte, at si Yahweh na lamang ang kanilang sinamba.

Sinabi pa ni Samuel, “Tipunin ninyo sa Mizpa ang buong Israel at doo'y ipapanalangin ko kayo kay Yahweh.”

Nang matipon sila sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harapan ni Yahweh bilang handog. Maghapon silang nag-ayuno at nanangis ng ganito: “Nagkasala kami kay Yahweh.” Doon sa Mizpa ay nanungkulan si Samuel bilang hukom sa sambayanang Israel.

Nabalitaan ng mga Filisteo ang pagkakatipon ng mga Israelita, kaya't humanda sila upang digmain ang Israel. Natakot ang mga Israelita nang mabalitaan nilang sasalakayin sila ng mga Filisteo. Sinabi nila kay Samuel, “Huwag kang titigil sa pagtawag kay Yahweh upang iligtas kami sa mga Filisteo.” Nagpatay(A) si Samuel ng isang pasusuhing tupa at sinunog niya ito nang buo bilang handog kay Yahweh. Nanalangin siya na tulungan ang Israel, at dininig naman ni Yahweh ang kanyang panalangin. 10 Samantalang naghahandog si Samuel, palapit naman nang palapit ang mga Filisteo. Ngunit ginulo sila ni Yahweh sa pamamagitan ng malalakas na kulog at nagapi sila ng mga Israelita. 11 Mula sa Mizpa, hinabol ng mga Israelita ang mga Filisteo hanggang sa Beth-car, at pinapatay nila ang bawat mahuling kalaban.

12 Pagkatapos, naglagay si Samuel ng isang malaking bato sa pagitan ng Mizpa at ng Sen bilang alaala. Tinawag niya itong Ebenezer na ang ibig sabihi'y, “Tinulungan kami ni Yahweh hanggang dito.” 13 Natalo nila ang mga Filisteo at hindi na nangahas pang magbalik ang mga ito sa lupaing sakop ng Israel. 14 Nabawi ng Israel ang mga lunsod at lahat nilang lupain na nasakop ng mga Filisteo, mula sa Ekron hanggang sa Gat. Nakipagkasundo rin sa mga Israelita ang mga Amoreo.

15 Habang buhay na nanungkulan si Samuel bilang hukom sa Israel. 16 Taun-taon, nagpapalipat-lipat siya sa Bethel, Gilgal at Mizpa upang lutasin ang mga usapin ng mga Israelita. 17 Pagkatapos, umuuwi siya sa Rama at doon ipinagpapatuloy ang kanyang pamamahala bilang hukom. At doo'y nagtayo siya ng altar para kay Yahweh.

Mga Gawa 6

Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod

Habang patuloy na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng reklamo laban sa mga Hebreo[a] ang mga Helenista[b]. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya,[c] mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.”

Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubos ang pananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay.

Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumami ang mga alagad sa Jerusalem. At maraming paring Judio ang naniwala sa Magandang Balita.

Ang Pagdakip kay Esteban

Pinagpala ng Diyos si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla. Minsan, nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya[d], na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia[e]. 10 Ngunit hindi nila kayang salungatin ang karunungang kaloob ng Espiritu kay Esteban. 11 Kaya't lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magpatotoo laban sa kanya ng ganito, “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” 12 Sa gayon, naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y sinunggaban nila at dinala sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi laban kay Esteban. Sinabi ng mga ito, “Ang taong ito ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinasabi niya na ang Templo raw ay gigibain nitong si Jesus na taga-Nazaret, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Si Esteban ay pinagmasdang mabuti ng lahat ng nakaupo sa Kapulungan, at nakita nila na ang kanyang mukha ay parang mukha ng anghel.

Lucas 22:14-23

Itinatag ang Banal na Hapunan ng Panginoon(A)

14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. 15 Sinabi niya sa kanila, “Matagal ko nang hinahangad na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskwa na ito bago ako magdusa. 16 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.”

17 Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. 18 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa pagdating ng kaharian ng Diyos.”

19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan [na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 20 Gayundin(B) naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo].[a]

21 “Ngunit(C) kasalo ko rito ang magkakanulo sa akin. 22 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya.” 23 At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.