Book of Common Prayer
Awit sa Maharlikang Kasalan
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit; isang awit ng pag-ibig.
45 Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,
habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;
ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam,
panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.
2 Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak,
kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap;
ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tuwi-t’wina.
3 O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata;
sagisag mo'y maharlika, malakas nga't dakila ka!
4 Maglakbay kang mayro'ng dangal tinataglay ang tagumpay,
alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran;
tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay.
5 Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway;
susuko ang mga bansa at sa iyo'y magpupugay.
6 Iyang(A) tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos,[b]
isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;
matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
7 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.
8 Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,
mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;
inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
9 O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,
samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,
palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.
10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.
13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.
16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!
Kataas-taasang Hari
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
47 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
2 Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang;
siya'y naghahari sa sangkatauhan.
3 Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,
sa lahat ng bansa'y namahala tayo.
4 Siya ang pumili ng ating tahanan,
ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah)[a]
5 Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
6 Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya'y papurihan!
7 Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
awita't purihin ng mga nilikha!
8 Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
9 Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan.
Ang mga sandata ng lahat ng kawal,
lahat ay sa Diyos na kataas-taasan.
Zion, ang Bayan ng Diyos
Awit na katha ng angkan ni Korah.
48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
2 Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
3 Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.
4 Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
5 Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
pawang nagsitakas at nahintakutan.
6 Ang nakakatulad ng pangamba nila
ay pagluluwal ng butihing ina.
7 Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.
8 Sa banal na lunsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[b]
9 Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11 Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.
12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13 ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14 na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
sa buong panahon siya ang patnubay.
Ang Tanging Lugar ng Pagsamba
12 “Ito ang mga tuntunin na kailangan ninyong sundin sa buong panahon ng inyong paninirahan sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. 2 Gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagdarausan ng pagsamba ng mga tao roon sa kanilang mga diyus-diyosan: sa itaas ng mga bundok, sa mga burol, at sa lilim ng mga punongkahoy. 3 Gibain(A) ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, sunugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, durugin ang kanilang mga diyus-diyosan, at alisin sa lugar na iyon ang anumang bakas nila.
4 “At sa pagsamba ninyo sa Diyos ninyong si Yahweh, huwag kayong tutulad sa kanila na sumasamba sa kanilang mga diyus-diyosan kahit saan maibigan. 5 Sa halip, hanapin ninyo ang lugar na pipiliin ni Yahweh sa lupain ng isa sa inyong mga lipi; doon lamang niya ipahahayag ang kanyang pangalan at iyon ang ituturing niyang tahanan. 6 Doon ninyo siya sasambahin at doon iaalay ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog tulad ng ikasampung bahagi, handog mula sa inyong ani, pangakong handog, kusang handog, ang mga unang bunga ng pananim, at ang panganay na anak ng inyong mga alagang hayop. 7 Doon din kayo magsasalu-salo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos bilang pasasalamat sa mga pagpapala niya sa inyo.
8 “Hindi na ninyo magagawa roon ang ginagawa ninyo rito ngayon. Nagagawa ninyo ngayon ang anumang magustuhan ninyo, 9 sapagkat wala pa kayo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 10 Ngunit pagkatawid ninyo ng Jordan, kapag kayo'y nasa lupaing inyong pupuntahan, nalipol na ninyo ang inyong mga kaaway, at panatag na ang inyong pamumuhay, iba na ang inyong gagawin. 11 Ialay ninyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog, tulad ng ikapu, handog mula sa inyong mga ani, at mga pangakong handog. 12 Magdiwang kayo sa harapan ni Yahweh, kasama ang inyong mga anak at mga alipin. Isama rin ninyo ang mga Levita, sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain.
3 Iniwasan naming makagawa ng anumang makakahadlang kaninuman upang hindi mapulaan ang aming paglilingkod. 4 Sa halip, sa lahat ng paraan sinisikap naming ipakita ang aming katapatan bilang mga lingkod ng Diyos. Kami'y matiyagang nagtiis sa lahat ng uri ng kahirapan, kapighatian at mga kagipitan. 5 Kami'y(A) hinagupit, ibinilanggo at binugbog. Naranasan namin ang magtrabaho nang labis, mapuyat at magutom. 6 Namuhay kami nang malinis, may kaalaman, pagtitiis, kabutihan, patnubay ng Espiritu Santo, tunay na pag-ibig, 7 tapat na pananalita, at kapangyarihan ng Diyos. Ang pagiging matuwid ang siya naming sandatang panlaban at panangga. 8 Naranasan naming maparangalan at ipahiya, ang laitin at papurihan. Kami'y itinuring na sinungaling, gayong totoo naman ang aming sinasabi; 9 hindi kinikilala, gayong kami'y kinikilala ng marami; itinuturing na patay na, ngunit buháy naman; pinaparusahan kami, subalit hindi pinapatay. 10 Ang tingin sa amin ay nalulungkot, gayong kami'y laging nagagalak; mga dukha, ngunit marami kaming pinapayaman; mga walang-wala, ngunit sagana sa lahat ng bagay.
11 Mga taga-Corinto, tapatan ang pagsasalita namin sa inyo. Binuksan namin ang aming puso sa inyo. 12 Hindi namin isinara ang aming puso sa inyo; kayo ang nagsara ng inyong puso sa amin. 13 Kinakausap ko kayo bilang mga anak, buksan naman ninyo sa amin ang inyong puso, tulad ng ginagawa namin sa inyo.
Ang Pakikisama sa mga Di-sumasampalataya
14 Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman? 15 Maaari bang magkasundo si Cristo at ang Diyablo[a]? Ano ang kaugnayan ng sumasampalataya sa di- sumasampalataya? 16 O(B) di kaya'y ng templo ng Diyos sa diyus-diyosan? Hindi ba't tayo ang templo[b] ng Diyos na buháy? Siya na rin ang maysabi,
“Mananahan ako
at mamumuhay sa piling nila.
Ako ang magiging Diyos nila,
at sila'y magiging bayan ko.
17 Kaya't(C) lumayo kayo sa kanila,
humiwalay kayo sa kanila,” sabi ng Panginoon.
“Iwasan ninyo ang anumang marumi,
at tatanggapin ko kayo.
18 Ako(D) ang magiging ama ninyo,
at kayo'y magiging mga anak ko,”
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.
7 Mga minamahal, yamang ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos.
Pinagaling ang Sampung Ketongin
11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Habang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”
14 Pagkakita(A) sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.”
Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.
17 “Hindi ba't sampu ang pinagaling?”
tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.