Book of Common Prayer
Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan
Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.
102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
lingapin mo ako sa aking pagdaing.
2 O huwag ka sanang magkubli sa akin,
lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.
3 Nanghihina akong usok ang katulad,
damdam ko sa init, apoy na maningas.
4 Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
pati sa pagkai'y di ako ganahan.
5 Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
yaring katawan ko'y buto na at balat.
6 Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
7 ang aking katulad sa hindi pagtulog,
ibon sa bubungang palaging malungkot.
8 Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.
9 Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.
12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
pagkat dumating na ang takdang panahon,
sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
bagama't nawasak at gumuhong lubos.
15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.
18 Ito'y masusulat upang matunghayan,
susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin.
19 Mula sa itaas, sa trono mong banal,
ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
20 Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
upang palayain sa hirap na taglay.
21 Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag;
at sa Jerusalem pupurihing ganap
22 kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama
sa banal na lunsod upang magsisamba.
23 Ako'y pinanghina, sa aking kabataan;
pakiramdam ko ay umikli ang buhay.
24 Itong aking hibik, O aking Diyos,
huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
25 nang(A) pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
26 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
at tulad ng damit, lahat ay kukupas;
sila'y huhubaring parang kasuotan.
27 Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
walang katapusan ang mga taon mo.
28 At ang mga anak ng iyong mga lingkod,
mamumuhay namang panatag ang loob;
magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan.
IKALIMANG AKLAT
Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
3 Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.
4 Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
5 Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
6 Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
7 Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
8 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
9 Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!
23 Mayroong naglayag
na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin
kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila
ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang
ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos,
nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon
na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila
halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas
ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib,
ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y
parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't
mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag,
kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila
at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas,
pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon,
na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na,
sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila
ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon
ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin
sa kalipunan man ng mga matanda.
Nagkita sina Saul at Samuel
9 Sa lipi ni Benjamin ay may isang mayamang lalaki. Siya'y si Kish na anak ni Abiel at apo ni Zeror, mula sa sambahayan ni Becorat at sa angkan ni Afia. 2 Si Kish ang ama ni Saul na siya namang pinakamakisig at pinakamatangkad na lalaki sa buong Israel.
3 Minsan, nawala ang mga asno ni Kish. Kaya, inutusan niya si Saul na magsama ng isang katulong at hanapin ang mga asno. 4 Naghanap sila sa buong kaburulan ng Efraim at sa lupain ng Salisa ngunit wala silang nakita ni isa man. Nagtuloy sila sa Saalim ngunit wala rin doon. Nagtuloy sila sa Benjamin at wala rin silang natagpuan doon. 5 Nakarating sila sa Zuf ngunit wala pa rin silang nakita, kaya't nagyaya nang umuwi si Saul. Sinabi niya sa kanyang kasamang lingkod, “Umuwi na tayo at baka tayo naman ang inaalala ng aking ama.”
6 Sumagot ang kanyang kasama, “Sandali lang. Sa lunsod na ito ay may isang lingkod ng Diyos. Iginagalang siya ng mga tao sapagkat nagkakatotoo ang anumang sabihin niya. Pumunta tayo sa kanya, baka sakaling maituro niya sa atin ang ating hinahanap.”
7 Sinabi ni Saul, “Anong maibibigay natin kung pupunta tayo sa kanya? Ubos na ang baon nating pagkain.”
8 Sumagot ang katulong, “Mayroon pa akong tatlong gramong pilak. Ibibigay ko na ito sa kanya para ituro sa atin ang ating hinahanap.”
9 Noong panahong iyon, ugali ng mga Israelita na lumapit sa isang manghuhula kung may isasangguni sa Diyos. Manghuhula ang dati nilang tawag sa propeta.
10 Sinabi ni Saul, “Sige, tayo na. Pumunta tayo sa sinasabi mong lingkod ng Diyos.” At nagpunta nga sila sa lunsod na kinaroroonan ng nabanggit na lingkod ng Diyos. 11 Sa daan, nakasalubong sila ng mga dalagang sasalok ng tubig. “Narito kaya ang manghuhula?” tanong ni Saul sa mga dalaga.
12 Sumagot ang mga dalaga, “Opo. Kararaan lang niya papunta sa altar sa burol sapagkat maghahandog doon ang mga tao. Lumakad na kayo at pagpasok ninyo ng lunsod 13 ay makikita ninyo siya. Magmadali kayo upang maabutan ninyo siya bago makaakyat sa altar para kumain. Hindi kakain ang mga taong naroon hangga't hindi siya dumarating sapagkat kailangan munang basbasan ang mga handog. Pagkabasbas, saka kakain ang mga panauhin.”
14 At nagtuloy nga sila sa lunsod. Papasok na sila nang makita nila si Samuel na papunta naman sa altar na paghahandugan.
17 “Nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham, maraming-marami(A) na ang mga Israelita sa Egipto. 18 Sa panahong iyon, hindi na kilala ng hari [ng Egipto][a] si Jose. 19 Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating mga ninuno at sapilitan niyang ipinatapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Noon(B) ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, 21 at(C) nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. 22 Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa.
23 “Nang(D) si Moises ay apatnapung taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. 24 Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya't ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. 25 Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila'y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin? 28 Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ 29 Nang(E) marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Doon ay nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki.
Ang Pagkakaila ni Pedro(A)
31 “Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa ginagawa ng magsasaka na inihihiwalay ang ipa sa mga trigo. 32 Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”
33 Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!”
34 Ngunit sinabi ni Jesus, “Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.”
Paghahanda sa Darating na Pagsubok
35 Pagkatapos(B) nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?”
“Hindi po,” tugon nila.
36 Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may balutan o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. 37 Sinasabi(C) ko sa inyo, dapat matupad sa akin ang sinasabi ng Kasulatang ito, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.” 38 Sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.