Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.
30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
2 Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
at ako nama'y iyong pinagaling.
3 Hinango mo ako mula sa libingan,
at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.
4 Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
5 Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
6 Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
“Kailanma'y hindi ako matitinag.”
7 Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.
8 Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
nagsumamo na ako ay tulungan:
9 “Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”
11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
Pagluluksa ko ay iyong inalis,
kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.
11 Kawawa(A) ang maaagang bumangon
na nagmamadali upang makipag-inuman;
inaabot sila ng hatinggabi
hanggang sa malasing!
12 Tugtog ng lira sa saliw ng alpa;
tunog ng tamburin at himig ng plauta;
saganang alak sa kapistahan nila;
ngunit mga ginawa ni Yahweh ay hindi nila inunawa.
13 Kaya nga ang bayan ko ay dadalhing-bihag ng hindi nila nalalaman;
mamamatay sa gutom ang kanilang mga pinuno,
at sa matinding uhaw, ang maraming tao.
14 Ang daigdig ng mga patay ay magugutom;
ibubuka nito ng maluwang
ang kanyang bibig.
Lulunukin nito ang mga maharlika ng Jerusalem,
pati na ang karaniwang tao na nagkakaingay.
15 Ang lahat ng tao'y mapapahiya,
at ang mayayabang ay pawang ibababa.
16 Ngunit si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, pupurihin siya sa hatol niyang matapat,
at sa pagpapakita ng katuwiran, makikilalang ang Diyos ay Banal.
17 Sa gayon, sa tabi ng mga guho ay manginginain
ang mga tupa at mumunting kambing.
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Laodicea
14 “Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Laodicea:
“Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang tapat at tunay na saksi, at siyang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos. 15 Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit. Mabuti pa sana kung ikaw ay malamig o mainit. 16 Ngunit dahil ikaw ay maligamgam, hindi mainit ni malamig, isusuka kita! 17 Sinasabi mong ikaw ay mayaman, sagana sa lahat ng bagay at wala nang kailangan pa, ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay kawawa, kahabag-habag, dukha, bulag at hubad. 18 Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng purong ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin sa akin ng puting damit upang iyong isuot at matakpan ang nakakahiya mong kahubaran. Bumili ka rin sa akin ng gamot na ipapahid sa iyong mata upang ikaw ay makakita. 19 Sinasaway(B) ko't pinapalo ang lahat ng aking minamahal. Kaya't maging masigasig ka! Pagsisihan mo't talikuran ang iyong mga kasalanan. 20 Tingnan mo! Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako at kakain akong kasalo niya. 21 Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang umupo na katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono.
22 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.