Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 30

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.

30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
    mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
    at ako nama'y iyong pinagaling.
Hinango mo ako mula sa libingan,
    at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.

Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
    ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
    ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
    pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.

Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
    “Kailanma'y hindi ako matitinag.”
Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
    tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.

Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
    nagsumamo na ako ay tulungan:
“Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
    Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
    Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
    O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”

11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
    Pagluluksa ko ay iyong inalis,
    kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
    O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.

Isaias 6:1-4

Ang Pagtawag kay Isaias Upang Maging Propeta

Noong(A) taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo. May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa'y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. Sinasabi(B) nila sa isa't isa ang ganito:

“Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat!
Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”

Sa(C) lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok.

Pahayag 4

Pananambahan sa Langit

Pagkatapos kong masaksihan ang mga bagay na ito, nakita ko sa langit ang isang bukás na pinto.

At narinig ko ang tinig na parang tunog ng isang trumpeta, na ang sabi sa akin, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo kung ano pang mga mangyayari pagkatapos nito.” At(A) agad akong napuspos ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon. Ang anyo niya'y maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang esmeralda sa palibot ng trono. Nakapaligid naman dito ang dalawampu't apat pang trono na sa bawat isa'y may nakaupong matanda na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo. Mula(B) sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos. Sa(C)(D) harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal.

Sa apat na panig ng trono ay may apat na buháy na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod. Ang unang buháy na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; tulad sa mukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat. Ang(E) bawat isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi,

“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating.”

Tuwing umaawit ng pagluwalhati, parangal at pasasalamat ang apat na buháy na nilalang sa nakaupo sa trono, na nabubuhay magpakailanman, 10 ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Inilalagay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi,

11 “Aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan;
sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay,
    at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nagkaroon ng buhay at nalikha.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.