Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 100

Awit ng Pagpupuri

Isang Awit ng Pasasalamat.

100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
    lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!

O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
    tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
    lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
    umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
    purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!

Napakabuti(A) ni Yahweh,
    pag-ibig niya'y walang hanggan,
    pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!

Jeremias 50:17-20

17 Ang Israel ay parang kawan ng tupa, hinahanap at hinahabol ng mga leon. Ang hari ng Asiria ang unang lumapa sa kanya, at ngayon ang haring si Nebucadnezar ng Babilonia ang huling kumagat sa kanyang mga buto.

18 Kaya nga, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Paparusahan ko si Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia at ang kanyang bayan, tulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria. 19 Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at manginginain siya sa bundok ng Carmelo at sa kapatagan ng Bashan; sa kaburulan ng Efraim at Gilead ay mabubusog siya. 20 Darating ang araw na lubusang mapapawi ang kasamaan ng Israel at ng Juda, sapagkat patatawarin ko ang nalabi na aking iniligtas.”

Juan 10:31-42

31 Muling dumampot ng bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. 32 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Marami akong ipinakita sa inyo na mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?”

33 Sumagot(A) ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat ipinapantay mo ang iyong sarili sa Diyos, gayong tao ka lamang.”

34 Tumugon(B) si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? 35 Tinawag na diyos ang mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw man ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.”

39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit natakasan niya sila.

40 Muling(C) pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Walang ginawang himala si Juan ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.”

42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.