Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 53

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]

53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.

Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.

Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”

Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.

Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!

Levitico 25:1-19

Ang Taon ng Pamamahinga(A)

25 Sinabi(B) pa ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa Bundok ng Sinai, “Sabihin mo sa mga Israelita na pagpasok nila sa lupaing ibinigay ko sa inyo, pati ang lupain ay pagpapahingahin tuwing ikapitong taon upang parangalan si Yahweh. Anim na taon ninyong tatamnan ang inyong bukirin at aalagaan ang mga ubasan. Ang ikapitong taon ay taon ng lubos na pamamahinga ng lupain, isang taóng nakatalaga para kay Yahweh. Huwag ninyong tatamnan sa taóng iyon ang inyong bukirin at huwag pipitasan ang mga punong ubas na hindi naalagaan. Ang lahat ng maaani roon ay para sa lahat: sa inyo, sa inyong mga alipin, sa mga bayarang manggagawa, sa mga dayuhan, sa inyong mga kawan at iba pang mga hayop.

Ang Taon ng Paglaya

“Bibilang kayo ng pitong tigpipitong taon, bale apatnapu't siyam na taon. Pagkalipas nito, sa ikasampung araw ng ikapitong buwan na siyang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan, hihipan nang malakas ang trumpeta sa buong lupain. 10 Sa ganitong paraan, itatangi ninyo ang ikalimampung taon; ipahahayag ninyong malaya ang lahat sa buong lupain. Ito ay inyong Taon ng Paglaya; ang alipin ay babalik sa kanyang sariling tahanan at ang lupaing naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 11 Sa buong taóng iyon, huwag kayong magtatanim sa inyong bukirin. Huwag din ninyong aanihin ang bunga ng mga punong ubas na hindi naalagaan. 12 Sapagkat ito'y taon ng pagdiriwang at ito ay sagrado para sa inyo. Ang inyong kakainin ay ang mga halaman na kusang tumubo sa bukid.

13 “Sa taóng iyon, ang lahat ng ari-ariang naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. 14 Kaya't kung magbebenta kayo o bibili sa inyong kapwa, huwag kayong mandaraya. 15 Magbabayad kayo ayon sa dami ng taon mula sa huling taon ng paglaya, at magbebenta naman ayon sa dami ng taon ng pamumunga bago dumating ang kasunod na Taon ng Paglaya. 16 Kung matagal pa, mataas ang halaga; kung iilang taon na lamang, mas mababa ang halaga sapagkat ang batayan ay ang dami ng maaani sa lupa. 17 Huwag kayong magdadayaan; sa halip ay matakot kayo sa akin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

18 “Kaya iingatan ninyo ang mga tuntunin at inyong tutuparin ang aking mga utos, upang kayo'y manatiling matatag sa lupaing pupuntahan ninyo. 19 Sa gayon, mag-aani kayo nang sagana; hindi kayo magugutom at magiging tiwasay ang pamumuhay ninyo sa lupaing iyon.

Pahayag 19:9-10

At(A) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: pinagpala ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.”

10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sambahin siya, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo at tulad ng iyong mga kapatid na nagpapatotoo tungkol kay Jesus. Ang Diyos ang sambahin mo, sapagkat ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang diwa ng propesiya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.