Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Magtagumpay
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
2 Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
3 Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
4 Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
5 Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.
6 Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
7 Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
8 Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.
9 O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
ang aming panawagan, ay iyong sagutin.
Ang Pagtatayo at ang Pagtatalaga sa Toldang Tipanan
40 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sa unang araw ng unang buwan, itayo mo ang tabernakulo ng Toldang Tipanan. 3 Ilagay mo sa loob nito ang Kaban ng Tipan, at tabingan mo. 4 Ipasok mo ang mesa at ipatong mo roon ang kagamitan niyon. Ipasok mo rin ang ilawan at iayos ang mga ilaw. 5 Ang altar na gintong sunugan ng insenso ay ilagay mo sa tapat ng Kaban ng Tipan at kabitan mo ng tabing ang pintuan nito. 6 Ang altar namang sunugan ng mga handog ay ilagay mo sa harap ng tabernakulo ng Toldang Tipanan. 7 Ilagay mo naman sa pagitan ng altar at ng tolda ang palanggana, at lagyan mo ng tubig. 8 Pagkatapos, paligiran mo ng tabing ang bulwagan at ikabit ang tabing ng pintuan nito.
9 “Pagkatapos, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo nito ang buong tolda at ang lahat ng kagamitan doon upang maging sagrado. Gayundin ang gawin mo sa lahat ng kagamitan doon upang maging banal. 10 Ito rin ang gawin mo sa altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito upang maging ganap na sagrado. 11 Pahiran mo ng langis ang palanggana at ang patungan nito upang maging banal din.
12 “Si Aaron at ang kanyang mga anak ay dalhin mo sa pintuan ng Toldang Tipanan at doo'y maghugas ayon sa rituwal. 13 Pagkatapos, isuot mo kay Aaron ang banal na kasuotan at pahiran mo siya ng langis. Sa ganitong paraan mo siya itatalaga sa akin at siya'y maglingkod sa akin bilang pari. 14 Palapitin mo rin ang kanyang mga anak, at isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan. 15 Pahiran mo sila ng langis tulad ng ginawa mo sa kanilang ama upang makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Dahil sa pagkapahid mo sa kanila ng langis, mananatili silang mga pari habang buhay.”
Lumapit Tayo sa Diyos
19 Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. 21 Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. 22 Kaya't(A) lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. 23 Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin. 24 Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.