Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]
53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.
2 Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
3 Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.
4 Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”
5 Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.
6 Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!
Tinulungan ni Eliseo ang Isang Biyuda
4 Minsan, ang asawa ng isa sa mga propeta ay lumapit kay Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po kaila sa inyo na ang asawa ko'y namuhay nang may takot kay Yahweh hanggang sa mamatay. Ngayon po, ang dalawa kong anak na lalaki ay gustong gawing alipin ng isa sa mga pinagkakautangan namin.”
2 “Ano ang maitutulong ko sa iyo?” tanong ni Eliseo. “Ano bang mayroon ka sa bahay mo?”
“Wala po, maliban sa isang boteng langis,” sagot niya.
3 Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang iyong mga kapitbahay at humiram ka ng mga lalagyan ng langis hangga't mayroon kang mahihiram. 4 Pagkatapos, magkulong kayong mag-iina sa inyong bahay at lahat ng lalagyang nahiram mo'y punuin mo ng langis na nasa bahay mo. Itabi mo ang mga napuno na.” 5 Umuwi nga ang babae at pagdating sa bahay ay nagkulong silang mag-iina at isa-isang pinuno ng langis ang mga lalagyan habang ang mga ito'y dinadala sa kanya ng kanyang mga anak.
6 Hindi alam ng ina na puno nang lahat kaya sinabi niya: “Abutan pa ninyo ako ng lalagyan.”
“Puno na pong lahat,” sagot ng kanyang mga anak. At tumigil na ang pagdaloy ng langis.
7 Pumunta siya kay Eliseo, ang lingkod ng Diyos at isinalaysay ang nangyari. Sinabi ni Eliseo sa babae, “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina.”
Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)
10 Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida. 11 Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Nagsalita siya sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman.
12 Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi nila, “Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa liblib na lugar po tayo.”
13 Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.”
Sumagot naman ang mga alagad, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay at dalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” 14 Halos limanlibo ang mga lalaking naroon.
Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu.”
15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis na pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.