Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 31:9-16

O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
    sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
    buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
    dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
    pati mga buto ko'y naaagnas na rin.

11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
    hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
    kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
    parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
    mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
    plano nilang ako ay patayin.

14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
    ikaw ang aking Diyos na dakila!

15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
    iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
    sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.

Levitico 23:1-8

Mga Itinakdang Kapistahan

23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ipahayag mo sa mga Israelita ang mga pistang itinakda ko; ipangingilin nila ang mga banal na pagtitipong ito, at magkakaroon sila ng banal na pagpupulong. Anim(A) na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga. Iyon ay araw ng banal na pagtitipon. Huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo, saanman kayo naroroon; iyon ay Araw ng Pamamahinga para kay Yahweh.

Pista ng Paskwa(B)

“Ito ang mga pistang itinakda ko: ang(C) Pista ng Paskwa na gaganapin sa gabi ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kinabukasan(D) ay Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa; pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho. Pitong araw kayong mag-aalay kay Yahweh ng handog na susunugin. Sa ikapitong araw, muli kayong magkakaroon ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho.”

Lucas 22:1-13

Ang Balak Laban kay Jesus(A)

22 Malapit(B) nang ipagdiwang noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paskwa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang mapatay nila si Jesus, ngunit nag-iingat sila dahil natatakot sila sa mga tao.

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(C)

Noon(D) nama'y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa Labindalawa. Kaya't nakipagkita siya sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bantay sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus. Natuwa sila at pumayag na babayaran si Judas ng salapi. Nakipagkasundo siya, at mula noo'y humanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus nang hindi namamalayan ng mga tao.

Paghahanda para sa Pista ng Paskwa(E)

Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siyang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong Pampaskwa. Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating Hapunang Pampaskwa.”

“Saan po ninyo nais na maghanda kami?” tanong nila.

10 Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lungsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan. 11 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung nasaan ang silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa Hapunang Pampaskwa.’ 12 Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may nakahanda nang kagamitan. Doon kayo maghanda.”

13 Lumakad sila at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskwa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.