Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 122

Awit ng Parangal para sa Jerusalem

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
    “Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
Sama-sama kami matapos sapitin,
    ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.

Itong Jerusalem ay napakaganda,
    matatag at maayos na lunsod siya.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
    lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
    pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
    at trono ng haring hahatol sa tanan.

Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
    “Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
    Pumayapa nawa ang banal na bayan,
    at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
    sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
    ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.

Ester 9:1-5

Ang Tagumpay ng mga Judio

Dumating ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon. Ito ang araw ng pagsasagawa ng utos ng hari, ang araw na inaasam-asam ng mga kaaway ng mga Judio, sapagkat inaasahan nilang sa araw na ito nila lilipulin ang mga Judio. Ngunit hindi nila alam na mababaligtad ang pangyayari, sapagkat sila ang lilipulin ng mga Judio. Nang araw na iyon, nagsama-sama ang lahat ng Judio sa buong kaharian[a] upang labanan ang sinumang mananakit sa kanila. Ngunit wala namang nangahas magbuhat ng kamay sa kanila sapagkat natakot sa kanila ang lahat. Tinulungan pa sila ng mga gobernador at ng lahat ng pinuno sa bawat lalawigan dahil naman sa takot kay Mordecai na noon ay isa nang makapangyarihang tao sa kaharian. Bantog na sa buong kaharian ang kanyang pangalan at patuloy pang lumalaki ang kanyang kapangyarihan.

Nilipol nga ng mga Judio ang kanilang mga kaaway at ginawa nila ang kanilang gusto sa lahat ng napopoot sa kanila.

Ester 9:18-23

18 Sa Lunsod ng Susa, dalawang araw na nagtipon ang mga Judio noong ikalabintatlo at ikalabing apat na araw. Ikalabing limang araw nang sila'y tumigil at nagdiwang buong maghapon. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judio sa labas ng Susa ay nagdiriwang nang ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan. Maghapon silang nagpista at nagbigayan ng mga pagkain bilang regalo sa isa't isa.

20 Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio malayo man o malapit sa kaharian ni Haring Xerxes. 21 Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan. 22 Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha. 23 Sinunod nga ng mga Judio ang utos ni Mordecai.

Lucas 12:4-12

Ang Dapat Katakutan(A)

“Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin higit pa rito. Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!

“Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi kinakalimutan ng Diyos. Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”

Pagkilala kay Cristo(B)

“Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.

10 “Ang(C) sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.

11 “Kapag(D) kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga pinuno at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin 12 sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.