Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagsunod ng Lingkod ni Yahweh
4 Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga'y nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
5 Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik
o tumalikod sa kanya.
6 Hindi(A) ako gumanti nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako.
Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas
at luraan ang aking mukha.
7 Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis,
sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya.
8 Ang(B) Diyos ay malapit,
at siya ang magpapatunay na wala akong sala.
May mangangahas bang ako'y usigin?
Magharap kami sa hukuman,
at ilahad ang kanyang paratang.
9 Ang Panginoong Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin.
Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala?
Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin,
tulad ng damit na nginatngat ng insekto.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
70 Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,
tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak!
2 Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay,
bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;
iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,
bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
3 Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,
sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.
4 Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,
gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,
at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!”
5 Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina,
lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;
O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,
huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!
Ama Natin ang Diyos
12 Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, tanggalin natin ang anumang balakid at ang kasalanang kumakapit sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa takbuhing nasa ating harapan. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya inalintana ang kahihiyan ng pagkamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.
3 Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig sa kamay ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob.
Inihayag ni Jesus ang Pagkakanulo sa Kanya(A)
21 Pagkasabi nito, si Jesus ay labis na nabagabag at nagpahayag sa kanila, “Tandaan ninyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.”
22 Nagtinginan ang mga alagad sapagkat hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy. 23 Katabi noon ni Jesus ang alagad na minamahal niya, 24 kaya't sinenyasan siya ni Simon Pedro at sinabihan, “Itanong mo nga kung sino ang tinutukoy niya.” 25 Humilig ang alagad na ito sa dibdib ni Jesus at nagtanong, “Panginoon, sino po ba iyon?”
26 “Siya ang taong aabután ko ng tinapay na aking isinawsaw,” sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus kay Judas, “Gawin mo kaagad ang dapat mong gawin.” 28 Walang sinuman sa mga kasalo ni Jesus ang nakaunawa kung bakit niya sinabi iyon. 29 Dahil si Judas ang may hawak ng kanilang salapi, akala nila'y pinapabili siya ni Jesus ng kakailanganin nila sa pagdiriwang, o kaya'y pinapabigyan niya ng limos ang mga dukha.
30 Pagkatanggap ni Judas ng tinapay, kaagad siyang umalis. Gabi na noon.
Ang Bagong Utos
31 Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y luluwalhatiin na ang Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay luluwalhatiin ang Diyos. 32 [At kapag niluwalhati na ang Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao],[a] ang Diyos naman ang luluwalhati sa Anak, at ito'y gagawin niya agad.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.