Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Maikli ang Buhay ng Tao
14 “Ang(A) buhay ng tao'y maikli lamang,
subalit punung-puno ng kahirapan.
2 Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas,
parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam.
3 Titingnan mo pa ba ang ganitong nilalang?
Dadalhin mo pa ba siya sa hukuman?
4 Mayroon bang malinis na magmumula,
sa taong marumi at masama?
5 Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw,
at bilang na rin ang kanyang mga buwan,
nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan.
6 Lubayan mo na siya at pabayaan,
nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan.
7 “Kahoy na pinutol ay may pag-asa,
muli itong tutubo at magsasanga.
8 Kahit pa ang ugat nito ay matanda na,
at mamatay ang puno sa kinatatamnan niya,
9 ngunit ito'y nag-uusbong kapag diniligan, ito'y magsasanga tulad ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao kapag namatay, iyon na ang kanyang katapusan,
pagkalagot ng kanyang hininga, saan naman kaya siya pupunta?
11 “Tulad ng ilog na tumigil sa pag-agos,
at gaya ng lawa na ang tubig ay naubos.
12 Ngunit ang tao kapag namatay hindi na babangon
hanggang ang langit ay maparam.
13 Itago mo na sana ako sa daigdig ng mga patay,
hanggang sa ang poot mo'y mapawi nang lubusan,
at muli mong maalala ang aking kalagayan.
14 Kung ang tao ay mamatay, siya kaya'y muling mabubuhay?
Ngunit para sa akin, paglaya ko sa hirap ay aking hihintayin.
Parusa, Pagsisisi at Pag-asa
3 Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng Diyos.
2 Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang liwanag.
3 Walang awa niya akong hinahampas sa buong maghapon.
4 Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali ang aking mga buto.
5 Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at pagdurusa.
6 Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng kamatayan.
7 Ginapos niya ako para hindi makatakas, pinalibutan ako ng pader na mataas.
8 Nanambitan man ako at humingi ng tulong, hindi niya dininig ang aking dalangin.
9 Susuray-suray ako sa tindi ng hirap, at kahit saan ako bumaling
ay may pader na nakaharang.
19 Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.
20 Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21 Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:
22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23 Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
24 Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
2 Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
matibay na kuta para sa aking kaligtasan.
3 Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
4 Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
Ang Panibagong Buhay
4 Yamang si Cristo'y nagtiis ng hirap noong siya'y nasa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtiis na ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. 2 Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa pagnanasa ng laman. 3 Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, mga pagnanasa ng laman, paglalasing, walang habas na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4 Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y kinukutya nila, 5 ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. 6 Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Ang Mabuting Pangangasiwa sa mga Kaloob ng Diyos
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. 8 Higit(A) sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan.
Ang Paglilibing kay Jesus(A)
57 Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. 58 Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. 59 Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. 60 Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. 61 Naroon sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria na nakaupo sa tapat ng libingan.
Ang mga Bantay sa Libingan
62 Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. 63 Sinabi(B) nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. 64 Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.”
65 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.”
66 Kaya pumunta nga sila roon at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan, nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa kawal.
Ang Paglilibing kay Jesus(A)
38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. (Dati ay inilihim ni Jose na siya'y isang alagad ni Jesus dahil sa takot niya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. 39 Kasama(B) rin niya si Nicodemo na noong una ay sa gabi nagsadya kay Jesus. May dala itong pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango at binalot sa telang lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. 41 Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. 42 Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil malapit ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.